The Project Gutenberg eBook of Buhay at Mga Ginawâ ni Dr. José Rizal

This ebook is for the use of anyone anywhere in the United States and most other parts of the world at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this ebook or online at www.gutenberg.org. If you are not located in the United States, you will have to check the laws of the country where you are located before using this eBook.

Title: Buhay at Mga Ginawâ ni Dr. José Rizal

Author: Pascual Hicaro Poblete

Release date: April 29, 2006 [eBook #18282]

Language: Tagalog

Credits: Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza and the Online
Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net Special
thanks to Elmer Nocheseda for providing the material for
this project. Para sa pagpapahalaga ng Panitikang Pilipino.

*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK BUHAY AT MGA GINAWÂ NI DR. JOSÉ RIZAL ***

Transcriber's note: This work forms part of the Tagalog translation of Noli Me Tangere (1909) by Pascual Poblete which is being presented separately in this edition.

Paalala ng nagsalin: Ang kathang ito ni Pascual Poblete ay pasimula sa isinalin na Noli Me Tangere (1909) sa Tagalog na ibinukod sa edisyong ito.


Cover image

BUHAY AT MG̃A GINAWÂ

NI

DR. JOSÉ RIZAL

NA SINULAT

NI

PASCUAL H. POBLETE

AT IPINALIMBAG NI

G. NENENG RIZAL

KAPATID NA PAÑGANAY NI

DR. JOSÉ RIZAL

May kalakip na maraming larawan.


LARAWAN


Dr. José Rizal

[I]

Decorative motif

José Protasio Rizal Mercado

Maicling casaysan nang canyang buhay

Ipinang̃anac si Gat Jose Protasio Rizal Mercado, sa báyan ng̃ Calambâ, sacóp ng̃ lalawigang Laguna, ng̃ ikalabing siyam ng̃ Junio ng̃ taóng sanglibo walóng dáan animnapo't isá.

Si G. Francisco Rizal Mercado ang canyáng amá at si G. Teodora Alonso at Quintos ang canyáng iná.

Ipinang̃anac si G. Francisco Rizal Mercado at Alejandra ng̃ taóng 1811, sa Binyáng, Laguna, at namatáy sa Maynila ng̃ ica 5 ng̃ Enero ng̃ 1898, at si G. Teodora Alonso ay ipinang̃anac sa Meisic, sacóp ng̃ Tundó, Maynila, ng̃ taóng 1825 at nabubuhay hanga ng̃ayón (8 ng̃ Junio ng̃ 1909). Si G. Francisco Mercado ay nag-aral at marunong ng̃ wicang castila at wicang latín, at si G. Teodora Alonso ay nag-aral sa colegio ng̃ Santa Rosa at marunong ng̃ wicang castila.

Ang naguíng mg̃a anác ng̃ mag-asawang ito'y si na guinoong Saturnina, Paciano, Narcisa, Olimpia, Lucía, María, Concepción, Jose, Josefa, Trinidad at Soledad.

Bininyagan si Jose Rizal ng̃ araw ng̃ sábado, icadalawampo't dalawa ng̃ Junio ng̃ 1861. Si G. Rufino Collantes, páring clérigo at cura-párroco sa bayang Calambâ ang sa canyá'y nagbinyag, at si G. Pedro Casañas, páring clérigo at tubô sa Calambâ, ang sa canyá'y nag-anác sa binyág. Capowa namatáy na ang dalawang páring itó.

Pinang̃alanang Jose, dahil sa ang iná ng̃ Doctor Rizal ay namimintacasi sa Patriarca San José, at ang pang̃alawang pang̃alang Protasio ay dahil sa caarawán ng̃ Santong itó, alinsunod sa calendario, ng̃ siyá'y ipang̃anác.

Hindi dating tagláy ng̃ amá at ng̃ mg̃a capatíd ng̃ amá ng̃ ating Doctor ang apellidong Rizal. Pinasimulaang guinamit ang apellidong Rizal ng̃ mag-aral ang batang si Jose, upang siyá'y macaligtas sa mahigpit na pag uusig ng̃ mg̃a fraile sa mg̃a nag-aapellidong Mercado.

Wicang castila ang apellidong Rizal, na ang cahulugán sa wicang tagalog ay ang muling pag-supang ó pag-ulbós ng̃ pinutol na halaman ó damó. May isá pang cahulugán; ang lupang may pananím na anó mang damóng pacain sa mg̃a háyop.

Pagdatíng sa icatlóng taón ng̃ gulang ng̃ musmós na si Jose Rizal ay tinuruan na siyá ng̃ canyáng amá't iná ng̃ pagbasa. Napagkilala ng̃ madla ang cagaling̃an niyáng tumulâ ng̃ wawalóng taón pa lamang ang canyáng gulang, dahil sa isáng marikít na tuláng canyáng kinathà, na tinakhán ng̃ lahát ng̃ mg̃a manunulang tagalog sa lalawigang Silang̃an.[1]

G. Francisco Rizal Mercado Ama ng Dr. Jose Rizal. Imp de M. Fernández, Paz 447, Sta. Cruz.

Sa pagcakilala ng̃ amá't iná ni Jose Rizal [II]ng̃ catalasan ng̃ isip at malaking hilig ng̃ caniláng anác na itó sa pag-aaral, caniláng dinalá siya sa Maynila, itinirá sa isang bahay sa daang Cabildo, loob ng̃ Maynila; at ipinasoc ng̃ taóng 1871 sa Ateneo Municipal, na pinang̃angasiwaan ng̃ mg̃a páring jesuita.

Nakilala ni Jose Rizal sa bahay ni pari Burgos si na pare Dandan, Lara at Mendoza na pawang dinakip at ipinatapon sa Marianas ng̃ gobierno ng̃ España, at gayon din si parì Gomez at si pari Zamora, na ipinabitay ng̃ Gobierno ring iyong casama si párì Burgos, na ang naguing sangcala'y ang panghihimagsic ng̃ mg̃a manggagawâ sa Arsenal ng̃ Tang̃uay ng̃ 1872. Sumasabudhì ng̃ madlâ ang mg̃a calupitáng dito'y guinágawâ ng̃ mg̃a panahóng iyón. Ipinabilángo, ipinatapon ó ipinabitay bawa't filipinong numiningning dahil sa tálas ng̃ isip at sa pagsasangalang sa mg̃a catwiran ng̃ lupang kináguisnan. Ang mg̃a nangyaring itó'y nalimbag sa damdamin ng̃ batang si Jose Rizal.

Lumipat itó ng̃ pagtirá sa Ateneo Municipal at ng̃ naroon na'y tila mandín lálo pang náragdagan ang canyáng sipag sa pag-aaral at cabaitang puspós ng̃ ugalì. Ang naguing maestro niyá'y ang mg̃a jesuitang si parì Cándido Bech at si parì Francisco Sánchez.

Cung ipinamamanglaw ng̃ batang si Jose Rizal ang nakita niyáng pag-amis sa catwiran ng̃ canyang mg̃a caláhì ay lalo ng̃ dinaramdam niyá, ang mg̃a sabihanan ng̃ mg̃a fraileng madalás niyang marinig sa Ateneo Municipal na di umano'y mataas ang caisipan ng̃ táong culay maputi cay sa táong culay caymanguí, madiláw, abóabó ó maitím, bagay na pinagpilitan niyáng siyasatin mulâ noon, cung totoo ng̃â, sapagca't inaacála niyáng lihís sa catowiran ang gayóng pagpapalagáy. Napagtalastas ng̃ madlâ ang ganitóng paghahacahácà ni Jose Rizal, dahil sa isáng casulatang inilathalà ng̃ pantás na si Herr Ferdinand Blumentritt sa icasampung tomo ng̃ Internationales Archiv fiur Ethnographie, ng̃ 1897, na ganitó ang saysay:

"Sinabi ni Rizal, na maliit pa siya'y malaki ng̃ totoo ang canyang pagdaramdam, dahil sa nakikita niyang sa canya'y pagpapawalang halagá ng̃ mg̃a castilà, dáhil lámang sa siya'y indio[2] Magbuhat niyao'y pinagsicapan niyang pacasiyasatin cung alín ang catwíran ó cadahilanang pinagsasandigan ng̃ mg̃a castila at ng̃ lahat ng̃ mg̃a táong may mapuputing balát upang ipalagáy nilang sila'y matatáas ang ísip cay sa mg̃a táong cawang̃is din nila ang anyô, at taglay ang cáya upang dumúnong at magtamó ng̃ capangyarihang gaya rin nilá.

"Ipinalálagay ng̃ mg̃a tagá Europang silá ang pang̃inoon ng̃ bóong daigdig: sa acalà nila'y silá ang tang̃ing nagtâtaglay ng̃ pagsúlong sa dúnong at sa mg̃a magagandang caugalian, at silá lamang ang táng̃ì at dalisay na liping homo sapiens,[3] samantalang ipinalálagay nilang ang mg̃a ibang lahi ay mababa ang pag-iísip, ang guinagamit na wica'y dukhâ at walang caya upang macuha ang dunong ng̃ mg̃a taga Europa, ano pa't ang mg̃a lahing may culay caymangui, itím, diláw ó abo-abó ay isá sa pascacaiba't ibang anyô ng̃ homo brutus.[4]

"Nang magcágayo'y itinátanong ni Rizal sa sarili; ¿totoo ng̃a cayâ ang mg̃a pinatitibayan nilang ito? Ang tanóng na ito ang totoong laguing sumasaísip niya mulâ pa sa panahong siya'y nag-aaral, at di lamang sa canya cung di naman sa mg̃a cápowà niyáng nag-aaral na mg̃a taga Europa. Hindi nalao't canyang nápagmasid sa colegio na walang pinagcacaibhan ng̃ pag-iisip ng̃ isa't isá, [sa macatowid baga'y ng̃ pag-iisip ng̃ táong maputi ang balát at ng̃ táong caymangui.] Caraniwang lubha ang pagcacápantay ng̃ mg̃a puti at ng̃ mg̃a indio: sa isa't isang panig ay may nakikitang mg̃a tamád at masisipag, mápag-sákit sa pag-aaral at matamarin sa pag-aaral, matálas ang pag-iísip at mapuról ang pag-iísip; sa cawacasan ... wala siyang nakikitang ikinahíhiguit ng̃ mg̃a mapuputíng nag-aaral at gayon din ng̃ mg̃a may cúlay caymangui. Pinagsiyasat niya ang mg̃a dunong na nauucol sa mg̃a láhi; natotowa[III] siyá pagca nangyayaring dahil sa isang paláisipang may cahirapang ibiníbigay ng̃ profesor ay hindî mátuclasang gawín ng̃ canyang mg̃a casamahang mapuputî, at sila'y nang̃agsisilapit sa canyá upang canyáng gawín cung papaano. Canyang pinagdidilidili at itinututol ang lahat ng̃ itó, hindi dáhil sa isáng pagtatagumpay niyang sarili, cung di dahil sa isáng pagtatagumpay ng̃ canyáng mg̃a cababayan. Dahil dito'y sa colegio ng̃a nagpasimulâ ang canyáng paniniwálang nagcácapantay ang ísip at cáya ng̃ mg̃a europeo at ng̃ mg̃a indio sa paggawa ng̃ ano mang bagay. At sa lahat ng̃ ito'y napagtalacayan niyang magcacapantay ang catutubong isip ng̃ europeo at ng̃ indio.

"Ang unang pinacabúng̃a ng̃ napagtalacayang itó ay ang pagcapagbalac ni Rizal, na cung mapag-unawa sana ng̃ canyang mg̃a cababayan, na cawang̃is ng̃ canyáng pagcaunawa, ang pagcacapantaypantay na iyan, ito'y maguiguing isang paraan upang maipailanglang ang dunong ng̃ mg̃a filipino. Dumatíng siya sa paniniwalang matáas ang pag-iisip sa pag-aaral ng̃ mg̃a tagalog cay sa mg̃a castila (ang iláng mg̃a castilang ng̃ panahóng yao'y canyáng nakilala;) at canyáng sinsasabi ng̃ boong galác ang cadahilana't dumatíng siyá sa ganitong paniniwalâ. Sa ganito'y canyáng sinasabi:—Sa mg̃a colegio sa amin ay isinásaysay na lahát sa wicang castila, catutubong wica ng̃ mg̃a castila, at wicang hindi namin kilalá; cayâ ng̃a't dahil dito'y kinakailang̃an naming magpumilit ng̃ higuit cay sa canilá sa pagpiga ng̃ pag-iísip, upang maunawà at maisaysáy ang isang bágay: at sa pagca't gaya ng̃a ng̃ sinabi co na, na walang nakikitang ipinagcacaibang anó man ng̃ mg̃a castilà at ng̃ mg̃a indio sa mg̃a colegio, at yamang gayo'y matáas ang pag-iísip namin cay sa canilá.—May pagmamasid pa siyáng guinawa, na sa canyá'y nagdagdag ng̃ pag-aalinlang̃an sa dating tagláy na niyá, tungcol sa cataasan ng̃ pag-iísip ng̃ mg̃a castila. Guinawâ niya ang pagmamasíd, tungcol sa inaacála ng̃ mg̃a castilang silá'y may carapatán sa lalong malalakíng paggalang at pagpapacumbaba ng̃ mg̃a indio, sapagca't naniniwála ang mg̃a itóng ang mg̃a mapuputì, dahil lamang sa sila'y maputi, ay pawang ipinang̃anác sa isáng lúpang lalong magalíng cay sa lúpa ng̃ mg̃a indio. Napagtanto ng̃ panahóng iyón ni Rizal, na ang paggalang at pagpapacumbabang iyón ng̃ mg̃a indio sa castila—sa pagca't siyang itinuro ng̃ mg̃a castila sa mg̃a indio—ay hindi lamang dahil sa ipinalálagay na pawang galing sila sa láhing matáas, cung di sa pagca't isang paraan upang maicublí ang tacot at ang malabis na pag-ibig sa sariling catawán. Ang tacot, sa pagca't sa tikís na pag-amís na sa canila'y guinágawâ, ipinalálagay nilang ang mg̃a mapuputî ay pang̃inoon nilá at siyáng sa canila'y nagmamay-ári; at ang malabis na sa canilang sarili'y pag-ibig, palibhasa'y caniláng napagkilala ang caugalian ng̃ mg̃a europeo at napag-unawang dahil sa capalaluang taglay ng̃ mg̃a ito, ay makikinabang sila cung sila'y magpakita ng̃ paimbabáw na pagpapacumbabâ, at gayon ng̃â ang canilang guinágawâ. Caya ng̃a't hindi kinalulugdan cahi't camunti man ng̃ mg̃a indio ang mg̃a europeo: nang̃agpapacumbaba cung naháharap sa canila, ng̃uni't pinagtatawanán silá cung nang̃átatalicod, linílibac ang caniláng pang̃ung̃usap, at hindi nagpapakita ng̃ cahit munting tandâ ng̃ paimbabáw na sa canila'y paggálang. Dahil sa hindi nataróc ng̃ mg̃a castila ang túnay na caisipán ng̃ mg̃a indio, samantalang napagtantong lubós ng̃ mg̃a indio ang tunay na caisipan ng̃ mg̃a castila, ipinalálagay ni Rizal na mahina ang pag-iísip ng̃ mg̃a mapuputi cay sa canyang mg̃a cababayan..... Nang siya'y panahong bata pa, cailan mang marírinig ó mababasa niya ang pagpapalagay ng̃ mg̃a mapuputi sa canyáng láhi ay napopoot, napúpunô ang canyang púso ng̃ gálit; ng̃ayo'y hindi na nangyayari sa canya itó; sa pagca't cung náriríng̃ig niyá ang gayón ding mg̃a pagpapalagáy, nagcacasiyá na lámang siyá sa pagng̃iti at isinasaalaala niya ang casabiháng francés: "tout comprendre, c'est tout pardonner.[5]" [IV]

Ang maílab na mithî ni Rizal na mapaunlacán ang canyáng láhî ang siyáng totoong nacapag-udyóc sa canyá sa pagsusumakit sa pag-aaral hangáng sa canyáng tamuhín ang lubháng maningníng at maraming mg̃a pangulong ganting pálà ng̃ colegio, na sino ma'y waláng nacahiguít.

Dinalá si Rizal ng̃ canyáng casipagan hangáng sa magsanay sa escultura[6] ng̃ waláng nagtutúrò.

Ng̃ panahóng iyó'y gumawâ siyá ng̃ isáng magandáng larawan ng̃ Virgeng María, na ang guinamit niyá'y ang matigás na cahoy na baticulíng at ang ipinag-ukit niya'y isang caraniwang cortaplumas lámang. Nang makita ng̃ canyáng mg̃a maestrong párì ang cahang̃ahang̃ang larawang iyán ay tinanóng nilá siyá cung macagagawâ namán ng̃ isáng larawan ng̃ mahál na púsò ni Jesús; napaoo siyá, at hindî nalaon at canyang niyárì at ibinigáy sa nagpagawâ sa canyá, na totoong kinalugdan ding gaya ng̃ una.

Nang ica 5 ng̃ Diciembre ng̃ taóng 1875 ay kinathà niya at binasa sa isáng malakíng cafiestahan sa Ateneo ang isang tulâ, na pinuri ng̃ lahát, na ang pamagat ay El Embarque (Himno á la flota de Magallanes.)[7]

Nag-aaral siyá ng̃ icalimáng taón ng̃ bachillerato sa Ateneo Municipal ng̃ cathain niyá ang isang tulâ na canyáng pinamagatáng: Por la educación recibe lustre la Pátria.[8]

Ng̃ bahagyà pa lamang tumutuntong siya sa icalabíng anim na taóng gulang ay nagtamó siyá ng̃ títulong Bachiller en Artes.

Nárito ang talaan ng̃ canyáng mg̃a pinag-aralan mulâ ng̃ taóng 1877, at ang mg̃a tinamó niyang calificación:

1871-1872. AritméticaSobresaliente
1872-1873. Latín unang taónSobresaliente
1872-1873. CastellanoSobresaliente
1872-1873. GriegoSobresaliente
1873-1874. Latín, unang taónSobresaliente
1873-1874. CastellanoSobresaliente
1873-1874. GriegoSobresaliente
1873-1874. Geografía UniversalSobresaliente
1874-1875. Latín, tercer cursoSobresaliente
1874-1875. CastellanoSobresaliente
1874-1875. GriegoSobresaliente
1874-1875. Historia UniversalSobresaliente
1874-1875. Historia ng̃ España at FilipinasSobresaliente
1874-1875. Aritmética at AlgebraSobresaliente
1875-1876. Retórica at PoéticaSobresaliente
1875-1876. FrancésSobresaliente
1875-1876. Geometría at TrigonometríaSobresaliente
1875-1876. Filosofía, unang taónSobresaliente
1876-1877. Filosofía, icalawang taónSobresaliente
1876-1877. Mineralogía at QuímicaSobresaliente
1876-1877. FísicaSobresaliente
1876-1877. Botánica at ZoologíaSobresaliente
Bachiller en Artes ng̃ 14 ng̃ Marzo ng̃ 1877Sobresaliente
Decorative motif

Lumipat si Rizal sa Universidad ng̃ Santo Tomás ng̃ Junio ng̃ 1877, at doo'y pinag-aralan ang Cosmología metafísica, Teodicea at Historia ng̃ Filosofía. Pinasimulan ang pag-aaral ng̃ Medicina (pangagamót) ng̃ taóng 1878. Canyáng pinag-aralan sa Universidad ang Física, Química, Historia Natural, Anatomía, Disección, Fisiología, Higiene privada, Higiene pública, Patología general terapeútica, Operaciones, Patología médica, Patología quirúrgica, Obstetricia.

Ng̃ taóng 1879 ay nagtatag ang Liceo Artístico-Literario sa Maynila ng̃ isáng certamen upang bigyáng unlác ang sino mang macapagharáp ng̃ lalong magandáng catháng prosa ó tulâ. Ang bumuboò ng̃ Jurado[9] ay pawang mg̃a castílà. Nagharáp si Rizal ng̃ isáng tuláng Oda, na ang pamagát ay A la Juventud Filipina, at bagá man maraming mg̃a castílà at tagalog ang nang̃agsipagharáp ng̃ canicanilang [V]gawâ, si Rizal ang nagcamít ng̃ pang̃ulong ganting-pálà.

Nang taóng sumunod, 1880, nagtatag na mulî ang Liceo Artístico-Literario ring yaón ng̃ isa pang certamen, bilang alaala sa caarawán ng̃ pagcamatáy ni Cervantes. Pawang mg̃a castílà ang bumubóò ng̃ Jurado. Si Rizal ang nagtamó ng̃ pang̃ulong gantíng-pálà, sapagca't ang cathâ niya'y siyang lalong magandá at mainam sa lahat ng̃ mg̃a catháng iniharáp sa certameng iyón ng̃ maraming mg̃a periodistang castílà at mg̃a bantóg na fraile sa carunung̃ang pawang mg̃a castila rin. El Consejo de los Dioses[10] ang cathang iniharáp ni Rizal, at ang tinangáp niyang pang̃ulong ganting-pálà'y isang sinsíng na guintô, na larawan ni Cervantes ang tampóc. Ang castilang si Don N. del Puzo, pantás na catúlong ng̃ mg̃a mánunulat sa Diario de Manila, ang nacacuha ng̃ pang̃alawang ganting-pálà.

Ng̃ taón ding iyóng 1880, bago pa lamang catatangap ni Rizal ng̃ sinabi ng̃ ganting-pálà ay náparoon siya sa palacio ng̃ Malacanyang, at talagang magsasacdal sana cay Primo de Rivera, Gobernador at Capitán General nitong Filipinas, dahil sa ng̃ isang gabing ng̃itng̃it ng̃ dilím ay siya'y tinampalasan at sinugatan ng̃ Guardia Civil, sapagca't nagdaan siyá sa tabí ng̃ isáng bulto ay hindî siyá nacapagpugay, at ang bulto paláng iyón, na hindi niya nakilala, dahil sa cadilimán ng̃ gabí, ay ang tenienteng namiminúnó sa isang destacamento; sinugatan siya ng̃ waláng anó-anó, na dî man lamang siyá, pinagsabihan ng̃ anó man. Hindî niyá nácausap ang Capitán general at hindî siyá nagtamó ng̃ minímithing pagwawaguí ng̃ catowiran.

Nang ica 6 ng̃ hapon, icawaló ng̃ Diciembre ng̃ taóng 1880, ay pinalabás sa Ateneo Municipal ng̃ Maynila ang isang melodramang wícang castílà, na ang pamagát ay Junto al Pasig[11], cathâ ni Rizal, na presidente ng̃ Academia de la Literatura Castellana sa Maynílà ng̃ panahóng iyón, at música ni Don Blás Echegoyen.

Ang mg̃a nagsilabás sa melodramang iyón ay ang mg̃a sumusunod:

LeónidoIsidro Perez.
CándidoAntonio Fuentes.
PascualAquiles R. de Luzuriaga.
SatánJulio Llorente.
AngelPedro Carranceja.
Coro ng̃ mg̃a diabloCaramihang estudiante at ang isa  sa  canila'y  si Vicente Elio.

Di maulatang mg̃a pagpupuri ang inihandog cay Rizal ng̃ lubháng maraming guinoong nanood ng̃ melodramang iyón.

Sapagca't sa araw-araw ay nilílibac at nilalait ng̃ isang fraileng profesor sa Universidad ang mg̃a estudiante, hindî nacatiís si Rizal, ipinagsangaláng niyá ang canyáng mg̃a casamahán sa isáng mahigpít ng̃uni't mapitagang pang̃ang̃atwiran, at ang naguing casaguta'y ang panunumpâ ng̃ canyáng catedrático, na cailán ma'y hindi niya palálabasin si Rizal sa alín mang exámen.

Dahil sa nangyaring iyo'y minagalíng ni Rizal ang pasá España at doón magpatuloy ng̃ pag-aaral, at sapagca't sumang-ayon ang canyáng ama't iná, siya'y lumulan sa vapor na ang tung̃o'y sa Barcelona, ng̃ ica 3 ng̃ Mayo ng̃ 1882, na puspós ng̃ pighatî ang cálolwa. ¡Sa Calambâ [Laguna] ay nilisan niya ang canyang mg̃a pinacamumutyang amá, iná at mg̃a capatíd; sa Camilíng ay ang maalab na sinisintang si Leonor Rivera, magandang dalagang ang larawa'y háwig na háwig sa matimyás na si Maria Clara sa Noli me Tangere, at saca napalayô siyá sa pinacaiibig na Bayang Filipinas!

Decorative motif

Dumatíng si Rizal sa Barcelona, (España) ng̃ mg̃a unang araw ng̃ Junio ng̃ 1882, at hindî pa halos nacapagpapahing̃á sa gayóng matagál na pagdaragat, sinulat na niyá ang unang artículo[12], na pinaglagdaan niya ng̃ canyáng mg̃a damdamin. Pinang̃alanan niya ang artículong yaón ng̃ El Amor Patrio[13], may taglay na fechang Junio ng̃ 1882, at finirmahán [VI]niyá ng̃ pamagát na Laong-Laan, saca ipinadalá niyá sa Diariong Tagalog[14], at inilathálà sa pámahayagang itó ng̃ icá 20 ng̃ Agosto ng̃ 1882.

Pakinggan natin cung anó ang pasiyá ng̃ isáng castílà, ni D. Wenceslao E. Retana, na nagpamagát si canyáng mg̃a ilinalathálà sa mg̃a pámahayagan, ng̃ Desengaños, tungcól sa kasulatang sinasabi co:

"Marahil ay nacainís ca canyá (cay Rizal) ang Barcelona; marahil ay nacapamanglaw at nakapágpalungcot sa canyá ang malakíng pang̃ulong bayan ng̃ Cataluña, ng̃ canyáng mámasid na doo'y may lubós na calayâan ang cálahatlahátang mg̃a mithî, sa pagdidilidiling doo'y waláng mg̃a inquisidor[15] ang ísip; datapwa't sa Maynila'y mayroon. Bagá man talastás niyáng totoong caraniwang gamit na, gayón ma'y guinawâ rin ni Rizal sa isáng pananalitáng malungcót, at may hawig na isipín, ng̃uni't halos laguing mabanayad, palibhasa'y mithi ang macatulong ng̃ cahi't dukha ng̃uni't maalab na pag-anib. "Tulad sa mg̃a hebreo ng̃ una ani Rizal—na inihahandog sa templo ang mg̃a unang bung̃a ng̃ caniláng pag-ibig, camí, dito sa lupa ng iba, iaálay namin ang mg̃a unang pananalitâ sa áming báyang nababalot ng̃ mg̃a alapáap at ng̃ mg̃a ulap ng̃ umaga, na hindî nagmamaliw ang cagandaha't hiwagang anyô at kaligaligaya; ng̃uni't lálò ng̃ pinacasísinta, samantalang sa canya'y pumapanaw at lumálayô," Sa ganáng cay RizaL—ani Retana—ang España'y lupa ng iba; sa ganáng kanyá'y walâ ng̃ bayang sarili (pátria) cung dì ang Filipinas. Hindî sumasaísip niyà ang maliit na bayang sarili ("pátria chica") at ang malaking báyang sarili ("pátria grande") na totoong caraniwan na nitong mg̃a hulíng nagdaang taón; ang maliit ay ang báyan, ang lalawigan ó cung dilî cayá'y ang isáng panig: at ang malaki ay ang boong nación, sampô ng̃ mg̃a ibáng lupaíng nasásacop, cahi't anóng pagcalayô-láyò ang kinálalagyan. Ang malakíng bayang sarili, kung sa isáng filipinong tunay na nakikianib sa España ay walâ ng̃ iba kung dî ang lupaíng España, na calakíp ang canyáng mg̃a nasasacop sa cabilang ibayo ng̃ dagat, at ang maliit ay ang panig. Ng̃uni't cay Rizal ay waláng maliit ó malaking bayang sarili, cung dî Bayang sarili; na sa ganáng canyá'y hindî ang Calambâ, hindî ang mg̃a bayang ang salita'y wikang tagalog, hindî man lamang ang pulô ng̃ Lusóng, cung dî ang capisanan ng̃ mg̃a pulóng nátuclasan ni Magallanes. Hindî lamang ito: sa ganáng cay Rizal, ang España'y hindî inang bayan; ito'y marahil ay sa mestizong castílà, sa mg̃a may dugóng castílà; datapwa't hindî sa táong may dugóng dalisay ng̃ tagá casilang̃anan ...

"Hindî malimutan niyá, ang sariling lúpà:—"Naroroon [ang sabi ni Rizal] ang mg̃a unang gunitaing nangyari ng̃ panahong camusmusan, masayáng hadang[16] kilalá lamang ng̃ cabataan sapagca't doo'y natutulog ang boong isang panahong nacaraan na [ang bayang may casarinlan] at na-aaninagnagan ang panahóng dárating [ang catubusan ng̃ lahi sa pamamag-itan ng̃ pag-aaral]; sapagca't sa canyáng mg̃a cagubátan at sa canyáng mg̃a damuhán, sa bawa't cáhoy, sa bawa't bulaclac, namamasdán ninyóng naúukit ang alaala sa alín man táong inyóng guiniguiliw, na gaya rin ng̃ canyáng hining̃á sa hang̃ing may taglay na bang̃ó, na gaya ng̃ canyáng awit sa lagaslás ng̃ mg̃a batis, na gaya ng̃ canyáng ng̃itî sa bahaghari ng̃ lang̃it ó ng̃ canyang mg̃a buntóng-hining̃á sa hindî mapagwáring daíng ng̃ hang̃in sa gabí ..."—Ang ganitóng mg̃a pananalita'y talagang cay Rizal; ilála sa macahulugán, sa may tinutucoy ang mg̃a pananalitáng may [VII]hímig ng̃ hiwágà, ito ng̃â ang anyô ng̃ canyáng pagsulat, ang canyáng caugalian, at halos waláng makikitang bagay na prosa[17] ó tulâ na canyáng kinathâ na hindî itó ang námamasid; na ang bawa't may ísip, cahi't caraniwan lámang ang tálas ay agád mapagwawárì sa mg̃a súlat ni Rizal, ang mg̃a caisipán sa pamamayang naghaharì sa budhî ng̃ lubhang mairuguíng yaón sa kinaguisnang lúpà—"¡Hindî nacácatcat cailán man (aní Rizal) ang pagsintá sa kinamulatang lúpà, pagcâ ang pagsintáng ito'y nacapasoc sa pusò: sapagca't talagang tagláy na niyá ang tatác ng̃ Lang̃it na siyáng ikinapaguiguing waláng catapusán at pagcawaláng pagcasírà."—At isinunod pagdaca ang ganitóng mg̃a sabi, na anaki ibig niyang palacsín ang loob at itaimtím sa púsò ng̃ mg̃a táong pinagtatalaghán ng̃ casulatang iyón ang pag-íbig sa kinamulatang lúpà:—"Cailán ma'y casabiháng ang pagsinta ang siyáng lalong macapangyarihang nag-uudyoc ng̃ mg̃a cagagawang lalong dakilà; cung gayo'y talastasíng sa lahát ng̃ mg̃a pagsinta, ang sa kinaguisnang bayan ang siyang nagbung̃a ng̃ mg̃a gawáng lalong malalakí, lalong mg̃a bayani at lalong waláng casíng dalisay. Basahin ninyó ang Historia" ... Pagcatapos na maisaysay sa iláng pangcát na totoong mataós at macatwiran ang pananalitâ, upang patotohanang sa buhay na ito'y pawang madalíng lumípas ang lahát: sinabi naman niyá, ang nangyayari pag laganap ng̃ sigáw na ¡ang kinamulatang lupa'y sumasapang̃anib! ang sarisaring pagpapacahirap at paghahayin ng̃ buhay na kinacailang̃ang gawín.... Datapwa't ¡hindi cailang̃an! ¡Ipinagsangaláng ang nagbigáy búhay; ¡gumanáp ng̃ isang catungculan! Si Codro ó si Leónidas,[18], ang cahi't sino man, ¡ang kinaguisnang baya'y matututong sa canyá'y mag-alaala!

"At parang naguguniguni na niya ang sa kanya'y mangyayari, isinulat ni Rizal ang ganito: "Magháyin ang ibá ng̃ canyáng cabatáan; ibinigay namán ng̃ ibá sa sariling bayan ang mg̃a ningning ng̃ canyang mataas na pag-iísip at ang ibá namá'y nagbúhos ng̃ canyáng dugo; namatáy ang lahàt at nagpamana sa kinaguisnang bayan ng̃ lubháng malakíng cayamanan: ang calayaan at ang carang̃alan. ¿At anó naman ang guinawâ sa canilá ng̃ tinubuang lúpà? Tinatang̃isan silá at inihaharap ng̃ boong calakhán ng̃ loob sa sangcataohan; sa panahóng sasapit at sa canyáng mg̃a anác, upang mapagcunang uliran".—Si Rizal ay isang manunulat na sa anyó'y hindî tumutucoy, ng̃uni't cung wawarîing magalíng ay lubháng mapagpatungcol ng̃ sinásalitâ; at cung ilalim pa ang pagsisiyasat sa lahat ng̃ canyáng mg̃a sinulat, hindî lamang náaaninag ang canyang tang̃ing budhî, cung dî hinuhulàan namán niyá ang canyáng gágawin at ang sa canyá'y mangyayari. At para manding tagláy niyá ang isang catungculang sa canyá'y ipinagcatiwalà ng̃ Dios upang ganapín sa ibabaw ng̃ lúpâ, cayá't pagca tiguíb ang calolowa niya ng̃ caisipán ni Tolstoi ay nang-aakit siya sa capayapàan, at cung nag-aalab naman sa canyá ang mg̃a mithîin ni Napoleón ay iniuudyóc namán niyá sa canyáng mg̃a cababayan ang pakikibaca, at wináwacasán ng̃ ganitóng pananalitâ:

"¡Oh kinaguisnang lúpà!... Mulâ cay Jesucristong puspós ng̃ ganap na pagsintá, na naparito sa mundo sa icagagaling ng̃ sangcataohan, at nagpacamatay dahil sa sangcataohang iyan, sa pang̃alan ng̃ cautusan ng̃ canyáng tinubuang bayan, magpahangang sa lálong mg̃a hindî kilaláng nang̃amatáy dahil sa mg̃a revolución[19] ng̃ mg̃a panahong ito, gaáno carami, ¡ay! ang mg̃a nagcahirap at namatay sa iyong pang̃alang kinamcám ng̃ mg̃a ibá! ¡Gaano carami ang ipinahámac "ng̃ pagtataním ng̃ galit", ng̃ casakimán ó ng̃ cahang̃alan, [VIII]na ng̃ nalalagot na ang hining̃a'y hinandugán ca ng̃ pagpupuri at sa iyo'y minithi ang lahát ng̃ bagay na cagandahang palad.

Magandá at dakílà ng̃â ang tinubuang lúpà, pagcâ ang canyáng mg̃a anác sa sigaw ng̃ pagbabaca ay nang̃agdudumali sa pagsasanggalang, sa dating lupain ng̃ caniláng magugulang; mabangis at palálò pagca mulà sa carurucan ng̃ canyáng trono'y napapanood na tumatacas ang tagaibang lúpa sa udyóc ng̃ malakíng tácot sa pagcakita sa bayáning hucbó ng̃ canyáng mg̃a anác, ng̃uni't pagca nagpapatayan ang canyáng mg̃a anác, palibhasa'y nang̃agcacabahabahagui sa nagcacalabánlabáng mg̃a pulutóng; pagca ipinagwawasacan ang mg̃a halamanan, ang mg̃a bayan at ang mg̃a ciudad ng̃ poot at pagtataniman; pagcacágayo'y sa canyáng cahihiyan ay pinupunit ang balabal at itinatapon ang cetro at nagdaramit ng̃ maitim na lucsâ sa canyáng mg̃a anác na namatáy.

Pacasintahín ng̃a natin siyá magpacailán man, anó man ang ating cahinatnan, at howag tayong humang̃ad ng̃ ibang bagay cung dî ang canyang icágagaling. Cung magcagayo'y macatutupad tayo ng̃ alinsunod sa tacdâ ng̃ Dios na dapat na cauculan ng̃ sangcataohan, na dî ibá cung dî ang cahusayan at capayapaan ng̃ lahát ng̃ canyáng mg̃a kinapál.

¡Cayóng páwang nawalán na ng̃ mithîin ang calolowa; cayóng nang̃asugatan sa púso't isa-isang nakita ninyóng nanglagas ang mg̃a pag-asang caaliw-aliw, at cawang̃is ng̃ mg̃a cahoy cung panahong tagguináw, ng̃ayóng salát cayó sa bulaclác at gayón din sa mg̃a dáhon, at bagá man nais ninyó ang umibig, ng̃uni't walâ, cayóng másumpong na sa inyo'y carápatdápat; nariyan ang tinubuang lúpà! ¡Siya'y inyóng sintahín!

Siya'y inyóng sintahín, ¡oh, siyá ng̃â! datapwa't hindî na cawang̃is sa pagsintá sa tinubuang lúpà ng̃ unang panahóng gumáganap ng̃ mg̃a mababang̃ís na pagbabanál, na ipinagbabawal at minámasama ng̃ tunay at dalisay na magandáng caugalian at ng̃ inang Naturaleza[20]; na howag ipagmagalíng ang malíng sigábo ng̃ budhî, ng̃ pagwawasác at ng̃ calupitán; hindî, "lálong caayaáyang pagbubucáng liwaywáy ang sumisilang sa abót ng̃ tanáw", masasanghayâ at mg̃a payapang ilaw, na súgò ng̃ buhay at capayapaan; sa cawacasa'y ang liwayway na tunay ng̃ cacristianuhan, tagapagbalitang pang̃unahin ng̃ maliligaya at panátag na mg̃a áraw. Catungculan ng̃a natin ang manuntón sa mahirap lacaran, ng̃uni't tahimic at mapagbigay pakinabang sa landas ng̃ Dunong na patung̃o sa "Pagcasulong" at mulà riya'y "sa pagcacaisang mithî at hinihing̃î ni Jesucristo sa gabí ng̃ canyang pagcacasákit."

"Gumawa ng̃ sariling bayan ng̃ sariling bayan cahi't gaano man ang maguing cahalagahan ang siyang lalong masilacbóng nais ni Rizal, ng̃unit carapatdapat na sariling bayan...."

At siyang catotohanan ayon sa canyang, mg̃a guinawâ.

Hindî nag tagal si "Rizal" sa Barcelona. Sumasa Madrid na siya ng̃ unang araw ng̃ Octubre ng̃ sinabi ng̃ taóng 1882. Sabay niyáng pinag-aralan ang Medicina at saca ang Filosofía at Letras.

Natapos ang pag-aaral niya ng̃ panggagamot at nagtamó siya ng̃ títulong Licenciado sa Medicina ng̃ ica 21 ng̃ Junio ng̃ 1884, at ng̃ 19 ng̃ Junio ng̃ 1885, araw ng̃ capang̃anacan sa canya ay canyang tinamó namán ang títulong pagca Licenciado sa Filosofía at Letras at gayon din ang pagca Doctor sa Medicina. Natutuhan ni Rizal ang mg̃a wicang sumusunod: tagalog, castílà, latin, francés, italiano, inglés, alemán, ruso, japonés, holandés, griego, hebreo, àrabe, sanskrito, portugués, catalán, sueco at insíc.

Samantalang nag-aaral si Rizal ay pinagmámasid naman niya ang caugalian at anyô ng̃ mg̃a castílà. Nangaling si Rizal sa isáng bayang linúluklucan ng̃ pagbabanalbanalan, ng̃ dî wastóng mg̃a pananampalataya, ng̃ mg̃a paggugol ng̃ salapî upang yumaman at macagumon sa lugód at layaw ang mg̃a walang ibang gawâ cung dî ang mangdayà sa mg̃a [IX]hang̃al...; galing si Rizal sa isang bayang sa calolwa't catawan ay may walang hangang capangyarihan ang mg̃a fraile, militar, empleado at castílà. Sa Madrid ay nakita niyáng hindî gayón: linílibac ng̃ mg̃a librepensador[21] at ng̃ mg̃a aleo[22] ng̃ boong calayàan ang canilang religióng católica apostólica romana at ang canilang iglesia católica-apostólica romana; námasid niyáng maliit na totoo ang capanyarihan doon ng̃ Gobierno; hindî niya napanood ang acala niyang mangyayáring pagtatálotalo ng̃ mg̃a "liberal"[23] at ng̃ mg̃a "clerical"[24]; bagcos pa ng̃a niyang nákitang madalás na naglalámbal at nagcacáisa ang mg̃a "republicano"[25] at ang mg̃a "carlista"[26] upang canilang masunduan ang anó mang ninanais. Nagdamdam si Rizal ng̃ malaking sacláp ng̃ loob ng̃ canyang pagsumaguin ang walang hadlang na anó mang pagtatamasa ng̃ mg̃a calayàan sa España, at ang capanyarihang calakilakihan ng̃ mg̃a fraile sa Filipinas, na siyang bumíbigti sa lahing cáymangui. Pinagpilitan niyang makilala ang anyô ng̃ mg̃a iba't ibang "partido político"[27] sa España at napag-unawa niyang hindî carapatdapat purihin ang mg̃a europeo tungcól sa bagay na ito. Nakita niyang ang bawa't partido, ang lahat ng̃ partido ay may magaganda at cainam-inamang mg̃a palatuntunan; datapwa't nahiwatigan niyáng baga man may mang̃isang̃isang nagpapagal sa udyok ng̃ lalong wagás at dalisay na hang̃ád, ng̃uni't hálos ang lahat ay walang pinagsisicapan cung dî ang saríling cagaling̃an. Samantalang hindî pa nang̃apapahalál sa matataas na catungculang minimithî, totoong sinusuyò ang mg̃a táong manghahalál, at sa canila'y ipinang̃ang̃acò ang lubhang maraming bagay, at cung macamtan na ang hang̃ád ay hindî guinaganap ang pang̃acò at linilimot na tikís ang mg̃a naghalal sa canila. Marami sa mg̃a manghahalal na ibinibigay ang caniláng voto, hindi sa táong tunay na may carapatán, cung dî sa nakiusap sa canila ng̃ hindî nilá mahiyáng canilang pinapang̃inoon; na hindî ang tunay na may mg̃a nagawang cagaling̃an ng̃ isang táo sa bayan ang canilang tinitingnan, cung dî cung ang taong iya'y mainam magsasalitâ, marikít magtalumpatì, magalíng sumúyo ó nacagaganting pálà ng̃ salapî ó iba pang pagbibiyayâ; na ang siyam na po't siyam sa sandaang europeo'y naniniwalà sa mg̃a sinasabi sa canilá ng̃ mg̃a pamahayagan, na hindî man lamang sinisiyasat cung yao'y totoo ó hindî, cung na sa catwiran ó walâ sa catowiran; sa isáng salitâ: nakita niyáng cawang̃is din ng̃ mg̃a táong báyan dito ang mg̃a táong báyan doón.

Walang anó mang inilathalà si Rizal na anó mang casulatan, mula ng̃ canyang lihamin ng̃ 1882 ang "El Amor Patrio," hangang sa taong 1884, datapowa't hindî siya naglilicat ng̃ pakikipagsulatan sa canyang mg̃a cababayan, lalonglalò na sa mg̃a nag-aaral, at ang mg̃a sulat niya'y binabasa ng̃ lahat ng̃ boong pag-ibig at pangguiguilalás, dahil sa canyang bayaning pagbibigáy ulirán sa pagsintá sa tinubuang lúpá.

Nang 25 ng̃ Junio ng̃ taóng 1884 ay nagtalumpatì si Rizal sa isang piguíng na guinawa sa Madrid, sa pagpapaunlác cay guinoong Juan Luna, bantóg na pintor ilocano, dahil sa pagtatamó ng̃ pang̃ulong "premio" [X]sa "Exposición" ng̃ canyang balitang "cuadro," na ang pamagat ay "Spoliarium", at cay guinoong Felix Resurreccion Hidalgo, na taga Filipinas din, at mabuti rin namang pintor. Guinawâ ang piguíng na iyón sa Restaurant Inglés, pinasimulán ng̃ icasiyam na oras ng̃ gabî at may mg̃a anim na pong táo ang nagsalosalo. Nang̃ulo sa mesa—alinsnnod sa sabi ng̃ "El Imparcial", sa Madrid, ng̃ ica 26 ng̃ Junio ng̃ 1881—si pintor Luna; nang̃agsiupô sa dacong canan niya si na señor Labra, Correa, Nin y Tudó at sa caliwa niya'y si na señor Moret, Aguilera at Mellado (D. Andrés). Nang̃agsiupô rin doon si na señor Morayta, Regidor, Azcárraga (D. Manuel de), Araus, Fernández Bremón, Paterno (Alejandro, Antonio at Máximo,) Vigil, del Val, Moya, Cárdenas, Govantes, Rico, Gutiérrez, Abascal, Ansorena, García-Gómez, López Jaena, Más (pintor valenciano), Fernández Labrador (cubano), Rodriguez Correa at iba't iba pang maraming pintor, literato at periodista.

Nagtindig si Rizal at siya ang náunang nanalitâ; minamasdan siyá ng̃ lahát; sa caymanguing mukhâ niya'y umaalab ang ning̃as ng̃ masilacbóng pagsinta sa tinubuang lúpà, at sacâ nagsaysay siyá ng̃ isáng talumpating hindî mapagwari cung alin ang lalong maganda: cung ang cahang̃ahang̃ang pagsintá sa tinubuang lupang numiningning sa talumpating iyón, ó ang cagandagandahang pagcacaanyô-anyô ng̃ mg̃a salitâ. Pagsisicapan cong isatagalog ang talumpating iyón; bagaman talastás cong dukhâ ang aking panític at cúlang ang wica natin sa casaganaan ng̃ wicang castilàng guinamit ni Rizal sa gayóng pananalitâ: ng̃uni't mamalakhín co na cung maipakilala sa bumabasang irog ang cahi't culabóng anino ng̃ masilacbo't caligaligayang pananalitâ ng̃ ating capatid na Martir sa Bagumbayan. Pasisimulan co: "Mañga guinoo: Sa paggamit ng̃ pananalita'y hindî nacapag-aalinlang̃an sa akin ang tacot na bacâ pakingán ninyo acó ng̃ boong pag-wawaláng bahálà; naparito cayó't ng̃ inyóng ipanig sa sigabo ng̃ aming mithî ang simbuyó ng̃ mithî ninyóng panghicayat sa cabatáan, cayâ ng̃a't waláng salang cayo'y matututong magpaumanhín. Mg̃a panghalinang simoy ng̃ pag-iibigan ang siyáng lumalaganap sa aláng-álang; mg̃a ágos ng̃ pagcacapatiran ang siyang lumílipad na nagcacasalusalubong; mg̃a calolowang masintahin ang nakíkínig, at dahil dito'y hindî acó nag-aalap-ap sa aking abáng cataohan at hindî namán acó nag-aalap-ap sa cagandahan ng̃ inyong loob. Palibhasa'y mg̃a táo cayóng may púsò, walâ cayóng hinahanap cung dî mg̃a púsò rin, at buhat sa caitaasang iyang pinamamahayan ng̃ mg̃a damdaming mahál, hindî ninyo hinahálatâ ang mg̃a walang cabuluháng pang̃it na budhî; nalalaganapan ng̃ inyong titig ang cabooan; pinasisiyahan niyá ang naguiguing dahil at inilalatag ninyó ang camáy sa cawang̃is cong nagnanasang makipanig sa inyó sa isá lamang adhicâ, sa isa lamang mithî: ang dang̃ál ng̃ dakílang ísip, ang ningning ng̃ tinubuang lúpà. ("Magaling, totoong magaling; pacpacan.")

"Ito ng̃a ang cadahilanan cayâ cayó'y nang̃agcacapisan ng̃ayón. May mg̃a pang̃alan sa historia ng̃ mg̃a bayang sila lamang ay nagpapakilala na ng̃ isáng nangyari at nagpapaalaala ng̃ mg̃a pagguiguiliwan at ng̃ mg̃a cadakilaan; mg̃a pang̃alang wang̃is sa isáng cababalagháng hiwágà na nagháharap sa ating mg̃a matá ng̃ mg̃a caisipáng caayaaya at caaliw-aliw; mg̃a pang̃alang ang kinaoowia'y isang pagcacásundô, isang saguísag ng̃ capayapâan, isáng tálì ng̃ pagsisintáhan ng̃ mg̃a nación. Nauucol sa mg̃a ganitó ang mg̃a pang̃alan ni Luna at ni Hidalgo: nililiwanagan ng̃ caniláng mg̃a carang̃alan ang dalawáng dúlo ng̃ daigdig: ang Casilang̃anan at ang Calunuran: ang España at Filipinas. Sa pagsasalitâ co ng̃ dalawáng pang̃alang ito'y nakikinikinitá co ang dalawang nagníningning na balantóc na nagmumula capowa sa magcabicábilang dacong iyon at nagcacalicaw, pagdating sa caitaasan, sa udyóc ng̃ pagguiguiliwán ng̃ iisáng pinangaling̃an, at buhat sa caitaasang iya'y papapag-isahín ang "dalawang bayan" sa pamamag-itan ng̃ walang catapusáng pagcacáisa, "dalawang bayang "magcacambal cahi't papaghiwalayin [XI]ng̃ mg̃a dagat at ng̃ calayuan; "dalawang báyang" hindî sibulán nang "mg̃a binhî ng̃ paghihiwalay na itinatanim ng̃ mg̃a nabubulagang tao at ng̃ caniláng calupitán." Capowa capurihán si Luna't si Hidalgo ng̃ España't ng̃ Filipinas; sa pagcá't cung ipinang̃anác man silá sa Filipinas ay mangyayari rin namáng maipang̃anác sa España. Waláng sariling bayan ang cataasan ng̃ ísip; ang cataasan ng̃ isip ay tulad sa ilaw, sa hang̃in; pag-aari ng̃ lahát; walang sariling bayang gaya ng̃ alang-alang, gaya ng̃ buhay at gaya ng̃ Dios. "(Mg̃a pacpacan)"

"Lumilipas na sa Filipinas ang matatandang caugalian; ang mariring̃al na gawa ng̃ canyang mg̃a anác ay hindî na nangyayari lamang sa loob ng̃ sariling bahay; iniiwan na ng̃ paróparóng silang̃an ang sariling bahay; sa mg̃a lupaing yao'y ipinakikilala na ang paguumaga ng̃ isáng mahabang araw, sa pamamag-itan ng̃ maniningning na cúlay at namumulamulang pagbubucang liwayway, at ang láhing iyóng nagugulaylay sa boong gabí ng̃ historia, samantalang lumiliuanag ang araw sa ibá't ibáng lupaín, mulî ng̃ayóng gumiguising na kumíkinig sa untóg ng̃ electricidad na sa canyá'y gumibíc sa pakikipanayám sa mg̃a bayang calunuran, at "hinihing̃î ang ilaw, ang buhay ang civilizacióng" ng̃ una'y caniláng minana na pinapagtibay ang waláng catapusáng mg̃a lagdâ ng̃ hindî naglilicat na pag-gulong ng̃ panahón, ng̃ mg̃a pagcacáiba't iba, ng̃ di nagmamaliw na paghahalihali, ng̃ pagsúlong."

"Ito'y nalalaman ninyóng magalíng at ipinagdádang̃al na ninyó; cayó ang may gawâ ng̃ cagandahan ng̃ mg̃a brillante ng̃ coronang taglay sa ulo ng̃ Filipinas; ang Filipinas ang nagbigay ng̃ mg̃a bató, ang Europa ang kumikil at ng̃ numingníng. At pinanonood nating lahát ng̃ boong pagdiriwáng; cayo'y ang inyong yárì; cami'y ang ning̃as, ang lacás, ang mg̃a batóng aming bigay. "(Mainam na totoo.)"

"Ininóm nilá roón ang calugod-lugod na talinghágà ng̃ Naturaleza; Naturalezang dakílà at cakilakilabot sa canyang pagwawasác, sa canyang paglacad na waláng humpáy, sa canyang hindî mapaglírip na lacás. Naturalezang matimyás, payápà at malungcot sa canyang mg̃a pagsasaysay na hindî naglílicat at hindî nagbabago; inililimbag ng̃ Naturalezang ito ang canyáng tatác sa lahát ng̃ canyáng linalalang at ibinung̃a. Tagláy ng̃ canyáng mg̃a anác ang tatac na iyán saán man silá pumaroón. Cung hindî pacasiyasatin ninyó ang caniláng mg̃a ásal, ang caniláng mg̃a gawâ, at cahi't babahagyâ man ang pagcakilala ninyó sa báyang iyón, makikita ninyóng na sa lahát na parang siyang bumubuò ng̃ canyáng dúnong, gaya ng̃ calolowang siyang namamatnugot sa lahát, cawang̃is ng̃ nagpapagaláw sa isáng máquina, túlad sa anyóng pang̃úlo, caparis ng̃ unang cagamitán. Hindî mangyayaring hindî sumilang ang talagang canyang dinaramdam, hindî mangyayaring siya'y maguing isáng bágay at ibáng bágay ang gawín; sa dacong ibabaw cung bagá man nagcacáiba, malicmátà lámang. Sa "Spoliarium", sa licuran ng̃ pinturang iyang hindî pipí ay nariring̃ig ang caguluhan ng̃ maraming tao, ang sigawan ng̃ mg̃a alipin, ang taguinting̃an ng̃ mg̃a baluti't sandata ng̃ mg̃a bangcáy, ang hagulhulan ng̃ pang̃ung̃ulila, ang mg̃a híguing ng̃ dalang̃in, na napagwawari ang anyô at catotohanang tulad sa pagcaring̃íg sa dagundóng ng̃ culóg sa guitnâ ng̃ malacás na ing̃ay ng̃ malaking agos ng̃ tubig na bumabagsác mulâ sa mataas, ó ang pang̃ing̃iníg na nacalalaguim at cagulatgulat ng̃ lindól. Ang Naturalezang namamaguitnà sa pagcacaroon ng̃ mg̃a bagay na iyon ay siya ríng namamaguitnà sa pincel na lumálagdâ ng̃ pintura. Bilang capalít nito'y tumítiboc sa cuadro ni Hidalgo ang isang totoong dalisay, pagpapakilalang lubós ng̃ calungcutan, ng̃ cagandahan at cahinaang pawang ipinahamac ng̃ mabang̃ís na lacás; at gayón, palibhasa'y inianác si Hidalgo sa silong ng̃ maningning na azúl ng̃ lang̃it sa Filipinas, sa pagpapalayaw ng̃ mahinhing hihip ng̃ amihang galing sa mg̃a caragatan doon, sa guitnâ ng̃ catahimican ng̃ doo'y mg̃a dagatan, sa hiwagang caaliw-aliw ng̃ canyang mg̃a capatagang lúpà at carikitdikitang pagcacaayos ng̃ canyang mg̃a bundóc at ng̃ mg̃a [XII]bundóc na nagcacatanitanicalâ.

"Cayâ na cay Luna ang mg̃a lilim, ang mg̃a pagcacalabánlaban, ang mg̃a naghihing̃along liwanag, ang talinghágà at ang cakilakilabot, bílang aling̃awng̃áw ng̃ madidilím na sigwá sa lupaíng mainit, ng̃ mg̃a kidlát at ng̃ mauugong na pagbugá ng̃ canyáng mg̃a volcán; cayâ cay Hidalgo'y pawang liwanag, mg̃a culay, pagcacabagay-bagay, damdamin, aliwalas, cawang̃is ng̃ Filipinas sa mg̃a gabíng may bwan, sa canyáng mg̃a araw na tahimic, sa mg̃a naaabot doon ng̃ tanáw, na pawang umaakit sa pagdidilidili at doo'y iníuugoy ang waláng catapusán. At ang dalawá, cahi't lubháng nagcacáiba, sa anyô man lamang, ay nagcacáisa cung ganáp na lilining̃in; cawang̃is namán ng̃ pagcacaisá ng̃ ating mg̃a púsong lahát, bagá man totoong nang̃agcacáiba: ang dalawáng itó, sa caniláng pagpapaaninaw, sa pamamag-itan ng̃ caniláng "paleta," ng̃ carikitdikitang sicat ng̃ araw ng̃ trópico[28], guinágawâ niláng mg̃a sínag ng̃ dî maulátang capurihang canilang inililiguid sa canilang sariling bayan; isinasaysay ng̃ dalawa ang tunay na calagayan ng̃ aming buhay sa pagsasamahan, sa asal na guinagamit at sa natutungcol sa pamamahala ng̃ calacarán ng̃ bayan; ang cataohang pinapagtitiis ng̃ mabibigat na dalahin; ang cataohang hindi natutubos, ang catowiran at ang mithing nakikitungáli ng̃ mahigpit sa mg̃a di "wastong caisipán," sa maling pananampalataya at sa mg̃a licong cagagawán, "sa pagca't ang mg̃a damdamin at ang mg̃a pasiya ay nacapaglalag-os sa lálong macacapal na cuta"; sa pagca't sa lahát ng̃ mg̃a hadláng ay may napumumulusán, pawang nang̃ang̃aninag, at cung hindî sila magcapluma, cung dî sila tulung̃an ng̃ limbagan, hindî lamang maghahandog ng̃ panglibang sa paning̃in ang canilang paleta at mg̃a pincel, cung dî naman maguiguing mananalumpating totoong marikit manalitâ."

Cung itinuturo ng̃ iná sa canyáng anác ang canyáng sariling wícà at ng̃ maunáwà ang canyáng mg̃a catowáan, ang canyáng mg̃a kinacailang̃an ó ang canyáng̃ mg̃a pighatî; itinuturò namán ng̃ España sa Filipinas, sa canyáng pagcainá ang canyáng sariling wícà; "cahi man hinahádlang̃an niyáng mg̃a bahagyâ na ang abo't ng̃ paning̃ín at napacapandác ang pag-íisip," na sa canilang malabis na pagsusumicap na sumapanatag sila sa panahóng casalucuyang tinatawid, ay "hindi nila mátanaw ang panahóng darating at hindî pinagtitimbangtimbang ang maguiguing bung~a ng̃ canilang guinagawâ;" mg̃a sisiwang payát, "masasamáng ásal at mg̃a pang-akit sa casamâang ásal", na waláng ibáng iniimbot cung dî ang inisín ang lahát ng̃ damdaming dalisay, at sa caniláng pagpapasamâ ng̃ púsò ng̃ mg̃a bayan, "ay itinatanim nilá sa mg̃a bayang iyán ang mg̃a binhî ng̃ mg̃a pagcacaalit at ng̃ sa panahong darating ay anihin ang bung̃a, ang lasong haláman, ang camatayan bagá ng̃ mg̃a ipang̃áng̃anác pang mg̃a tao."

"Ng̃uni't ¡limutin natin ang mg̃a capang̃itang ásal na iyán! ¡Capayapaan sa mg̃a patáy, sapagca't páwang mg̃a patáy na ng̃â; hindî na silá humihing̃â, at sila'y kinacain na ng̃ mg̃a u-od! ¡Howag nating tawaguin ang pag-aalaala sa canilá; howag nating dalhin dito sa guitnâ ng̃ ating mg̃a casayahan ang canilang cabahúan! "Sa cagaling̃ang palad ay lalong marami ang mg̃a capatid; ang cagandaha't camahalan ng̃ loob ay pawang mg̃a catutúbò sa sílong ng̃ lang̃it ng̃ España: sa bagay na ito'y cayóng lahát ay mg̃a sacsíng maliliwanag." Nangagcaisa cayó sa pagsagót; nang̃agsitulong cayó, at gumawâ cayó marahil ng̃ lalong malakí cung mayroon pa sana cayong magagawâ. Umupô cayó sa pakikisalamúhà sa aming pagsasalosalo, at sa inyòng pagbìbigay unlac sa maririlag na mg̃a anác ng̃ Filipinas ay pinauunlacan namán ninyo ang España; sapagca't lubos na talastas ninyóng lahat, na hindî ang dagat Atlántico ang hanggahan ng̃ España; hindî rin namán ang dagat Cantábrico at ang dagat Mediterráneo—casirâang dang̃al ng̃ang tunay cung macahadláng ang tubig sa canyáng cadakilâan, sa canyáng isipan.—Narorooon ang España cung saan [XIII]ipinararamdam ang canyáng pangpaguinhawang akit, at cahi't maalís man sacálì ang canyáng bandera, matitira rin ang sa canya'y pag-aalaalang hindî matatapos, hindî magmamaliw, ANO ANG MAGAGAWA NG CAPIRASONG DAMIT NA MAPULÁ AT MARILAW; ANONG MAGAGAWA NG MGA FUSIL AT NG MGA CAÑON SA BAYANG HINDI SIBULAN NG PAGSINTA AT PAGGUILIW; SA BAYANG HINDI NANGAGCACAYACAP ANG MGA MITHI, HINDI NANGAGCACAISA ANG PALATUNTUNAN NG ADHICA, HINDI NANGAGCACASANG-AYON ANG MGA PASIYA NG ISIP..? (Mahabang mg̃a pacpacan.)

Si Luna't si Hidalgo'y tunay ng̃ang inyó at tunay rin namang amin; sila'y inyóng sinisinta, at sa canila'y napapanood namin ang magagandang mg̃a pag-asa, mg̃a mahahalagang ulirán. Ang mg̃a cabataang filipinong na sa Europa, na cailan may masigabo ang loob, at ilán pang mg̃a taong nananatili ang mg̃a púsò sa pagcabátà, palibhasa'y laguing gumagawâ ng̃ mg̃a cagaling̃ang dalisay sa udyóc ng̃ canilang malilinis na budhî, nang̃aghandog cay Luna ng̃ isáng corona, mahinhing alay, tunay ng̃ang maliit cung isusumag sa maalab naming nais, ng̃uni't siyáng lalong cúsà at siya namang lalong maláyà sa lahát ng̃ pag-aalay na guinawâ hanga ng̃ayón.

Datapwa't hindî pa nasisiyahan ang Filipinas ng̃ pagkilalang utang na loob sa canyáng maririlág na mg̃a anác, at sa pagcaibig niyáng maipakilalang ganáp ang mg̃a caisipang umuulic sa canyáng budhî, ang mg̃a damdaming sa puso'y umaawas, at ang mg̃a salitáng tumatacas sa mg̃a lábì, naparito tayong lahát sa piguìng na itó upang papag-isahin ang ating háng̃ad, upang bigyang catuparan ang pagyayacapang iyán ng̃ DALAWANG LAHING nang̃agsisintahan at nang̃agiibigan, na nang̃agcacaisang may apat na raang taon na sa caasalan, sa pagpapanayam, at sa pamamayan, UPANG MANGYARING SA PANAHONG DARATING NA ANG DALAWANG LAHING IYA'Y MAGUING ISA LAMANG NACION SA BUDHI, sa canícanilang mg̃a catungculan, sa canicanilang pitháyà, sa canicanilang mg̃a taglay na biyáyà. (Pacpacan.)

¡Ipinagdíriwang co[29] ang ating mg̃a artistang si Luna at si Hidalgo, capuriháng dalisay at wagás ng̃ DALAWANG BAYAN! ¡Ipinagdiriwang co ang mg̃a táong sa canila'y tumulong upang sila'y macatagál sa lubháng mahirap na pagsalung̃a sa landás ng̃ Arte! ¡Ipinagdiriwang co, at ng̃ uliranin ng̃ cabataang filipino, na "inaasahang mahál ng̃ AKING SARILING BAYAN[30] ang gayóng mg̃a cagandagandahang mg̃a halimbáwà at ng̃ ang ináng España[31], na mapagsicap at mapagmalasákit sa icagágaling ng̃ canyáng mg̃a lalawigan, "pagdaca'y gawín ang mg̃a pagbabagong utos na malaon ng̃ panahóng pinag-íisip"; may daan na ng̃ araro at ang lupa'y hindî cutad. ¡At îpinagdíriwang co, sa cawacasán, ang ililigaya niyong mg̃a magulang na sa canilang pang̃ung̃ulila sa guiliw niláng mg̃a anác, mulâ sa lubhang malayong lupaing caniláng tinátahana'y sinusundan ng̃ titig, na basâ ng̃ lúhà at ng̃ púsong tumítibóc na naglálagos sa mg̃a dagat at sa calayuan, at "inihahayin sa altar ng̃ icagagalîng ng̃ lahát ang mg̃a matimyas na caaliwang totoong nagsasalat pagdating sa dacong calunuran ng̃ buhay", mahahalagá't mg̃a bugtóng na bulaclác sa panahóng tagguináw na sumisilang sa mg̃a pampang̃in ng̃ libing̃an!—(Masilacbóng mg̃a pacpacan; masigabong mg̃a pagpupuri sa nagtalumpatî.)

Sumunod na nang̃ag talumpatì si López Jaena [na pinintasán ng̃ dî cawásà ang mg̃a fraile], si Govantes, Cárdenas, Del Val, iláng mg̃a filipino, si Nin y Tudo, Más, Azcárraga, [XIV]Luna (nagpasalamat), Regìdor, Fernández Labrador, Labra, Azcárraga (muling pagtatalumpatì), Morayta, Rodriguez Correa at Moret. Natapos ang piguíng ng̃ ica 12 ng̃ gabî.

Pakingan natin ng̃ayón ang salítà ng̃ castilang si D. Wenceslao E. Retana tungcol sa talumpatî ni Rizal.

Ganitó ang canyang sinabi:

"Hindî ng̃ ng̃â macahihing̃î ng̃ higuít pa sa ritong cagandahan ng̃ pagcacatalumpatî: nagsalitâ si Rizal sa ng̃alan ng̃ Filipinas, na dî tagláy ang pagpapacumbabang hiníhing̃ì ng̃ mg̃a castílà sa mg̃a anác ng̃ bayang iyon, cung dî parang isáng "caanib" na cusâ ng̃ caniláng calooban: "tayo'y dalawang bayan, tayo'y dalawang láhì, cung anó cayo'y ganoon din camí, at yamang gayo'y ibig namin ang inyong ibig. ¿Ipinagcacait bagá sa amin ang inaacálà naming carapatdapat na aming tamuhin?... ¡Dilidilihin ninyo ang panahóng sasapit!... Hindî mangyayaring manatili magpacailán man ang casalucuyang calagayan ng̃ayon "Walâ pang isá man lamang filipino, lalonglalô na cung gayong na sa haráp ng̃ mg̃a castilang may matatáas na catungculan, na nacapang̃ang̃ahas magsalitâ ng̃ gayón. Ibig ni Rizal na manatili ang pagsasama ng̃ España at Filipinas, ng̃uni't "hinihing̃î niya", upang mangyari ang pagsasamang itó, na magcaroon ang mg̃a filipino ng̃ mg̃a catowiran at mg̃a catang̃îang kinacamtán ng̃ mg̃a castílà. Ipinalálagay niyang malakíng caapihán ng̃ canyang láhì cung dî gayón ang mangyayari, at hindî ng̃â mangyayaring tiisin niya ang gayóng caalimurahan. Hangang dito ang sabi ni Retana. Nang panahóng yao'y kinacathâ na ni Rizal ang novelang Noli me tangere, na sa canya'y magpuputong ng̃ walang hangang capurihán.

Ang mg̃a hulíng bowan ng̃ pagcátirá niya sa España'y guinamit niya sa pag-aaral ng̃ carunung̃ang nauucol sa pag-gawâ ng̃ mg̃a cútà (fortificaciones) sa panahóng pagbabaca, na ang guinamit na salita'y ang wicang inglés, at may mg̃a dibujong nagpapaliwanag ng̃ canyang mg̃a isinulat. Pinamagatán niyá ang mg̃a dibujong itó ng̃ "Parapeto Simple."[32] "Caballo de frisa."[33] "Trampas de lobo."[34] "Estacada."[35] "Estacada de perfil."[36] "Reglas para determinar las dimensiones de los parapetos."[37]

Sinabi ng̃ castilang si Sr. Amador de los Rios, na naguing profesor ni Rizal sa Universidad ng̃ Madrid sa wicang árabe, na cailán man daw ay hindî pa siya nagcacaroon ng̃ alagád na macasing tálas ng̃ isip ni Rizal.

Bago umalís sa España'y nilibot muna ni Rizal ang Andalucía at Valencia, at pinagsicapan nìyang maunáwà ang anyô ng̃ mg̃a lupaíng iyón at ang caugalian ng̃ mg̃a taga roon.

Decorative motif

Nang calaghatian na ng̃ taòng 1885, at ng̃ macuha na niya ang pagca licenciado sa Filosofía at Letras, at bilang calahátì na ang nacacathâ niya sa Noli me tangere, siya'y na pa sa París, sa udyóc ng̃ maning̃as na hang̃ad na macapaglibot sa mundo, upang macapag-aral ng̃ lahat ng̃ bagay at ng̃ mabihasa siyang magaling sa pagwiwicang francés.

Nakisama siya, pagdating sa París, sa bantog na oftalmólogo[38] na si M. Wecker, upang matutuhan niyáng lubós ang panggagamót sa matá. Nagsanay rin siya roon sa mg̃a wicang inglés at alemán. Ipinagpatuloy niya sa París ang pag-cathâ ng̃ Noli me tangere.

Decorative motif

Nang mg̃a unang araw ng̃ taóng 1886 ay lumipat si Rizal sa Alemania. Nagtumirá siya sa ciudad ng̃ Heildelberg, na kinalalagyan ng̃ ilog Néckar, na sumasabang sa ilog Rhin. Buhat diya'y nakipagsulatan siya sa Profesor Ferdinand Blumentritt, sa Leitmeritz, (Bohemia). Nacaibigan niya sa Heildelberg ang profesor Dr. Galezowsky.

Hindî nalimutan ni Rizal susumandalî man ang Filipinas, at nagpapatotoo ng̃ bagay na itó ang canyáng tuláng sinulat sa Heildelberg [XV]ng̃ ica 22 ng̃ Abril ng̃ 1886, na pinamagatán niya ng̃: "A las Flores de Heildelberg."[39]

Ng̃ macatira siyang ilang bowan sa Heildelberg at sa Wilhelmsdorf, ay napa sa Leipzig naman at doo'y pumasoc ng̃ pagcacajista upang macakita ng̃ pagcabuhay.

Nang mg̃a unang araw ng̃ taóng 1887 ay siya'y napa sa Berlin at doo'y canyáng na caibigan ang mg̃a bantog na pantás na si Doctor Virchow, na sa canya'y nagpakilala upang siya'y maguing capanig ng̃ "Sociedad Antropólogica Berlinesa"; si Dr. F. Jagor, dakilang "naturalista" at maglalacbay na sumulat ng̃ librong "Reisen in den Philippinen", na ipinalimbag sa Berlin ng̃ 1873; si Dr. Joest, marilag na "geógrafo" at si Dr. Schiilzer, pantás na mangagamot.

Nang taóng 1886 ay natapos ni Rizal ang pagcathâ ng̃ Noli me Tangere, at ng̃ mg̃a unang bowan ng̃ 1887 ay ipinalimbag sa Berlín ang sinabi ng̃ libro.

Nang calaghatían ng̃ taóng 1887 ay dumating sa Maynila ang iláng Noli me Tangere; datapwa't pinacaiing̃atang lubhâ ng̃ bawa't pinalad magcaroon, sa tacot na bacâ dumating sa balítà ng̃ pinúnò, ó ng̃ mg̃a fraile, ó ng̃ mg̃a guardia civil ó ng̃ mg̃a castílà ay pagbintang̃an siyang "filibustero"[40] at pag-usiguin ng̃ cakilakilabot.

Bawa't macabasa ng̃ "Noli me Tangere" ni Rizal ay nang̃agsasabing ang librong ito'y siyang bagong Biblia ng̃ bayang filipino; sa macatowid baga'y sa mg̃a aral na nababasa sa Noli me Tangere ni Rizal naroroon ang catubusan ng̃ bayang filipino.

¡Laking pagcacagulo ng̃ mg̃a fraile at ng̃ lahát ng̃ mg̃a castílà ng̃ matalastas nila ang napapalamang mg̃a casaysayan sa libro ni Rizal!

Pagdaca'y gumawâ ang mg̃a fraile ng̃ isá at waláng higcát na pagpupulong. "¡Laking capusung̃an! ¡Isáng "indio" isang "macacong indio", isang "matsing na indio"—ang sabihan nila—ang nang̃ang̃ahas pumintas ng̃ ating mg̃a cagagawan!"

May nasumpung̃an si párì Pedro Payo, fraileng dominico at casalucuyang arzobispo dito ng̃ panahóng iyón, na isáng Noli me Tangere; dinalidaling binasa itó at pagcatapos ay agád ipinadalá ng̃ ica 18 ng̃ Agosto ng̃ 1887 cay párì Gregorio Echevarría, na fraileng dominicong gaya rin niya, at rector ng̃ cung tawaguin nila'y Real y Pontificia Universidad de Santo Tomás de Manila, upang siya namán ang sumiyasat. Dalîdálì namáng binása nitó at pagcatapos ay nagtatág ng̃ isáng capulung̃ang naboboo ng̃ tatlóng fraileng mg̃a dominico, na ito'y si párì Matías Gómez, si párì Norberto del Prado at si párì Evaristo Fernández Arias, upang silá ang humatol cung ano ng̃à cayâ ang nang̃apapalamán sa novelang sinulat ni Rizal.

Nang ica 30 ng̃ Agosto ng̃ 1887 ay nagpadalá ng̃ sulat sa Arzobispo na si párì Payo ang rector sa Universidad na si párì Gregorio Echevarria, at doo'y sinasabing binasa at pinagsiyasat ng̃ isáng capulung̃an ang Noli me Tangere na ilinathalâ ni J. Rizal, at caniláng lubos napagtantong ang librong iyo'y totoong isáng malakíng heregía, capusung̃án at nacasisirang púri sa Religión at isáng ganáp na paglabág at pag-alimura sa Gobierno ng̃ España at sa lahát ng̃ mg̃a mahál na capisanang castílà rito, at pangguguló ng̃ catahimican ng̃ púsô at ng̃ budhî ng̃ bayan at ng̃ mg̃a namamayan dito, at mangyayaring pangaling̃an ng̃ mg̃a casacunaang totoong cahapishapis sa España. Sa maiclíng sabi, alinsunod sa capulung̃an [XVI]ng̃ mg̃a fraile, ang librong iyon ni Rizal ay casamasamaang panglabág sa Religión, panglait sa España at pangguguló sa calooban at damdamin ng̃ tagarito.

Ipinadalá namán nì párì Payo ang sulat na iyón sa capitán general na si D. Emilio Terrero.

Sa magcabicabilang panig ng̃ Maynilâ, ng̃ boong Filipinas ay pinaguusapan ng̃ lihim ng̃ mg̃a castílà, ng̃ mg̃a filipino, ng̃ mg̃a taga ibang lupaín ang pasiyá tungcol sa Noli me Tangere, ¡ng̃uni't waláng nacatatalós, waláng nacacabasa pa ng̃ Noli me Tangere! At lumálakí ng̃ lumálakí ang bulung-bulung̃an, ang sabihana'y ang librong iyó'y cakilakilabot, calaguimlaguim, waláng cahalintulad ng̃ samâ ... ¡at lumálakí namán ng̃ lumálakí ang pagmimithî ng̃ bawa't macahiguing ng̃ balitang iyóng mabasa ang Noli me Tangere! caya't pinagpilitan ng̃ lahát at ng̃ bawa't isá ang magcaroon; ng̃uni't hindî macakita, mahirap macakita cung dî sa pamamag-itan ng̃ lalong matatalinong paraan. Ng̃ mg̃a unang araw ay nacabibili ng̃ tatlóng piso bawa't libro, hindî nalao't dumating ng̃ sampong piso, labingdalawáng piso, labinglimang piso, dalawampong piso ... Nang malao'y hindî na dalawampong piso ang halagá ng̃ bawa't "Noli", lalô pang malakí, at cahi man malakí ang ìbayad, cung castílà ó mestizong castílà ang humahanap ay hindî macakita; caya't napilitan ang mg̃a castílà at ang mg̃a punong castílà na magpabilí sa Europa, at sapagca't mainam na pang-udyóc sa anò man ang pakikinabang ng̃ limá, anim hangang macasampong ibayo, ang mg̃a castílà rin ang namilí sa Europa ng̃ Noli me Tangere sa halagang manalapî, at sacá dinalá rito ng̃ lihim at ipinagbilí rito ng̃ lihim sa capowâ castílà rin, sa mg̃a fraile, sa mg̃a filipino at sa mg̃a taga ibáng lupaín sa halagang camalácmalác na dalawampô hangang dalawampo't limang piso ang isá.

Sa sulsol ni párì Payo ay ipinadalá naman ng̃ capitan general na si Terrero ang Noli me Tangere sa "Comisión Permanente de Censura"[41] upang ito'y maglagáy namán ng̃ canyáng pasiya. Si párì Salvador Font, fraileng agustino ang siyang naglagda ng̃ pasiyá, na doo'y pinacacalaitlait si Rizal hangang sa tawaguing isáng "hang̃al" daw na waláng pagpalagyan sa catacsilán at samá. Ang Noli me Tangere, aní párì Font, ay isang paglabág at pamumusóng sa Religión ng̃ España; isang paglabág at pamumusóng sa Pang̃asiwaan, sa mg̃a castilang cagawad ng̃ Gobierno at sa mg̃a Tribunal ng̃ justicia; isang paglabág at pamumusóng sa hucbó ng̃ Guardia Civil, isang paglabág at pamumusóng sa icapapanatili ng̃ mg̃a nasasacop ng̃ España, at pagcatapos ng̃ ganitong bugsô ng̃ "paglabag at pamumusóng" ay sinabi niyang sa canya raw pasya at acálà, ay dapat ipagbawal ng̃ capangyarihan ng̃ capitán general ang pagdadala rito, paglilimbag ulî rito at paglalaganap dito ng̃ librong Noli me Tangere, na totoong nacacapahamac.

Bucod sa lalong mg̃a casakitsákit na mg̃a pag-alimura cay Rizal at mg̃a pagpaparatang ng̃ mg̃a gawang hindî man lamang napapanaguinip ng̃ ating capatid na Martir, ay idinugtong pa ni párì Font ang ganitong mg̃a salitâ: "ANG TANGING HANGAD ni Rizal ANG CASARINLAN NG LUPAING ITO, at ang adhica niya'y iwalat ang mahal na catibayan ng̃ Bayang sarili[42], niyang Bayang sariling sa canya'y nagbigay ng̃ pagcatáo, na sa canya'y nag-arúgà at nagpasúso sa mg̃a dibdib na marang̃al, na sa canya'y nagpacain ng̃ tinapay at ng̃ mg̃a aral ng̃ magagandang asal; at ang Filipinas na dating sumasamba sa di totoong Dios, mangmang at mahahalay ang caugalian ay guinawang ganap na bayang católico, bayang lalong may calayaan at marunong sa lahát ng̃ mg̃a bayang nabubuhay sa ilalim [XVII]ng̃ pagtatangkilic ng̃ mg̃a nación sa Europa, at ang lahing lalong sumasaligaya sa ilalim ng̃ nacapagbibigay guinhawang lilim ng̃ mapagcaling̃ang mg̃a cautusan sa India"; ... at iba't iba pang mg̃a salitang nagpapakilala ng̃ masilacbó niyang poot cay Rizal. At winawacasan niya ng̃ ganitong saysay: "Itó ng̃â ang pasiya ng̃ napifirma sa ibabâ nitó, upang ipagbawal ng̃ mahigpít ang dito'y paglaganap ng̃ librong itó ... Maynilà, ica 29 ng̃ Diciembre ng̃ 1887.—Fr. Salvador Font, agustino calzado."

Ipinalimbag ni párî Font at inilaganap sa boong Filipinas at sa boong España ang canyang pasiyang itó, at sa ganitong nangyari ay lalô namang lumakí ang pagmimithî ng̃ maraming mabasa ang cathâ ni RizaL, caya't ang guinawang iyon ni párì Font ay siyang nacatulong ng̃ dî cawasa ng̃ pagcalat ng̃ Noli me Tangere sa boong daigdig.

¿At ano ang sinasabi sa librong iyon upang macaligalig ng̃ dî ano lamang sa mg̃a fraile at mg̃a castila, macabagbag ng̃ loob ng̃ mg̃a filipino at bigyan ng̃ dî ugaling cahulugan ng̃ mg̃a taga ibang lupaín? Mang̃a bagay na hindî himalâ, mg̃a bagay na hindi dapat pagtakhan; walang sinasaysay cung dî ang cactotohanan; nagcámalî aco, walang sinasaysay roon cung dî ang culabóng anino ng̃ catotohanan ng̃ mg̃a nangyayari rito sa Filipinas na pananampalasan, pag-amis, paglapastang̃an, paninirang puri at walang licat na pang̃ung̃ulimbat sa mg̃a filipino ng̃ mg̃a fraile; ang mg̃a pag-iríng at pagpapahirap ng̃ guardia civil dito, at ang mg̃a hidwang cagagawan ng̃ ilan sa mg̃a empleado[43] at hindi empleadong castila. Walang sinasabi sa librong iyon cung dî ang mg̃a hidwang caasalán at ang mg̃a malíng pananampalataya ng̃ halos lahat ng̃ mg̃a filipino, at ang canilang labis na pagca mapaniwalain sa lahat ng̃ sa canila'y pasampalatayanan ng̃ mg̃a nagpapangap na cahalili ng̃ Dios, niyang Dios na totoong mahabaguin, dakila sa pagca masintahin sa canyang kinapal, walang hang̃gan ang pagca mairuguin sa catowiran; niyang nang̃agpapangap na corderong ma-amo, nagsipanumpang mananatili sa carukhaan, sa pagpapacalinis ng̃ budhî at calolowa, sa paglayô sa cahalayan at sa maruruming layaw ng̃ catawan, sa tunay na pagpapacumbaba at pagca masunurin, bago'y ang guinagawa'y lihis na lihis sa canilang mg̃a catungculang banal, sa canilang mg̃a sumpâ, sa mg̃a damdamin ng̃ bawa't taong may dalisay na calooban....

Mulâ niyo'y nagcalayong lalo ang dating nagcacahiwalay ng̃ pagtiting̃inan ng̃ mg̃a castila't ng̃ mg̃a filipino, baga man sa hayagan, sa paimbabaw ay hindî nagbabago. Napopoot ng̃ dî cawasà ang mg̃a fraile't ang mg̃a castílà na ang isang "indiong" gaya ni Rizal ay magsalitâ ng̃ catotohanan, at nalulugod namán ang mg̃a filipino sa pagcacasalitâ ng̃ catotohanang iyan. Pakinggan natin ang sabi ng̃ castilang si Wenceslao E. Retana tungcol sa bagay na ito:

"¡At anó! anang mg̃a filipino—¿diyata't ipinalalagay na dî capaslang̃an ang sa araw araw at sa boong panahón ay sumulat ng̃ sarisaring mg̃a paglait at mg̃a pagpaparatang na laban sa amin, at ng̃ayo'y mamasamain nilang ang isáng filipino'y "minsang" macasulat ng̃ boong catotohanan?"

"Filibustera" ang novela ni Rizal, sa pagca't isang filipino ang sinasabing cumathâ; cung ang nalagay na cumatha'y isang castílà—at marami ng̃a sa mg̃a castílà ang dî mag-aalinlang̃ang magsabing yao'y gawâ niya—hindî ng̃a nila pang̃ang̃alanan ng̃ gayon."

"Inulit-ulit ni Costa[44] hangang sa nagsawa ang sabing: "bayan (ang España) ng̃ mg̃a eunuco"[45]; at sinabi naman ni Unamuno[46] ang ganito: "bayan (ang España) ng̃ mg̃a dowag." Datapwa't si Costa at si Unamuno'y hindî ipinang̃anac sa Filipinas."

Dumating sa Senado ng̃ España ng̃ Junio ng̃ 1888 ang ligalig dahil sa Noli me Tangere. Ipinagcanulô ng̃ senador Vila sa canyáng mg̃a casamahang, sa Filipinas daw ay may ipinasoc na isang libro na cung tawaguin ay "novela" [XVIII]at ang pamagát ay Noli me Tangere, na kinathâ ng̃ isang "indio" na canyáng alám ang pang̃alan, doctor sa Medicina ng̃ Universidad sa Madrid, caibigang matalic ng̃ Principe de Bismarck at sa canyáng dunong ay nahalal na catedrático ng̃ Medicina sa isang Universidad ng̃ Alemania. Ang "novelang" yaon ... anang senador Vila ... isang pangcalat ng̃ aral na laban sa religión católica, pang-akit sa protestantismo, tagapaglaganap ng̃ aral ni Proudhon, at iba't iba pang gaya nitong pawang hindi catotohanan.

Sa Congreso naman ng̃ España ay pinagcaligaligan din ang Noli me Tangere. Nagsalitâ naman doon ang general na si D. Luis M. de Pando, ng̃ ica 12 ng̃ Abril ng̃ 1889, ng̃ sarisaring paratang sa librong iyón. Datapowa't hindî nababasa ng̃ senador Vila at ng̃ general Pando ang Noli me Tangere; walà silang nabasa cung di ang pasiya lamang ni párì Font. Ang guinawang ito ng̃ mg̃a pantas na castílà at ang walang licat na pag-uusig ng̃ mg̃a fraile sa librong iyon, sacá ang matamáng pagbabalitâ naman ni Blumentritt sa mg̃a pang̃ulong pamahayagan sa sangdaigdigan, sa carikitan ng̃ kinathâ ni Rizal, ang siyang lubhang ikinabantóg nitó sa lahát ng̃ mg̃a nación.

Decorative motif

Mulâ sa Marzo hangang Mayo ng̃ 1887 sinulat ni Rizal ang iba't ibang bagay. Isinatagalog niya ang ilang mg̃a tulâ ni Goethe; kinathâ sa wicang francés ang mg̃a librong "Histoire d'une clef", ang "La Pécheuse et le poison," isang maiclíng casaysayan tungcol sa linggo ng̃ palaspas, ang "Tartarín sur les Alpes," ang "Unter den Linden," ang "Le pistolet de la petite Baronne" at saca ang wicang inglés na: "Are account of the Life and Writings of Mister James. By Patrick Murdock, D. D. F. R. S."

Nang magtatapós na ang Abril ng̃ 1887, si Rizal ay nanaw sa Berlin at na pasa Dresde, at doo'y nakilala niya at naguing caibigan si Dr. A. B. Meyer, marunong na filipinólogo[47] at tagapamatnugot ng̃ Museo Etnográfico roon, na siyang pang̃ulo sa galíng sa lahát ng̃ kilala sa boong daigdíg tungcol sa bagay na iyon. Nagalác ng̃ dî sapálà ang Dr. Meyer ng̃ makilala niya si Rizal, at pinagpakitaan niya itó ng̃ ganáp na magandang calooban. Pumaparoon si Rizal sa Museong iyon sa araw-araw at canyang pinagsusumag ang anyo at calagayan tungcol sa baít at hilig ng̃ lahát at bawa't isá sa mg̃a láhì.

Nalís si Rizal sa Dresde at na pa sa Leitmeritz (Bohemia) at doon tumuloy sa bahay ng̃ cakilala na niyang dati sa pagsusulatan lamang na si Profesor Ferdinand Blumentritt, na namamatnugot ng̃ Ateneo Municipal sa ciudad na iyon at marilag na pantas na umiibig sa Filipinas ng̃ dî paimbabaw, na gaya ng̃ dî mamacailang ipinakita na niya at ipinakikita pa sa gawâ. Bagaman hindî nacararating dito sa Filipinas ay malaki pa marahil ang pagcakilala niya sa lupaing ito at sa mg̃a tagarito cay sa maraming nagpapangap na nacacakilalang lubos sa sangcapuluang itó[48]. Sinasabi ni Blumentritt na nagtamo siya ng̃ isa sa mg̃a casayahang lalong malakí, ng̃ makita at mayacáp niya si Rizal. Nag-ibigan siláng tulad sa tunay na magcapatid, at hindi sila nagpupupuan. Iniing̃atan niya hanga ng̃ayon ng̃ boong pagmamahal ang isang larauan niyang guinawa ni Rizal sa sandalíng pagguguhit ng̃ lápiz.

Hindî maalis sa alaala ni Rizal ang mg̃a pag-alipusta ng̃ mg̃a fraile sa mg̃a filipino, caya ng̃a't sa canyang mg̃a pakikipag-usap sa canyang matalic na caibigang si Profesor Blumentritt ay canyang nasalità ang ganito:

"Na ang lahat ng̃ mg̃a lahi ng̃ mg̃a tao ay nagcacaibaiba lamáng sa canicanilang anyô at caugalian sa dacong labas, ng̃uni't alinsunod [XIX]sa Psicología[49] ang maputi, ang abo-abo, ang marilaw, ang caymangui at ang maitim ay nagcacaisa ang naramdaman, nagcacawang̃is ang mg̃a umuudyok na budhî at hilig, na nagpapatibóc ng̃ púsò: at ang pinagcacaibahan lamang ay ang paraan ng̃ pagsasaysay ó paggawâ.

"Na walang napagkikilala ang mg̃a antropólogo[50] cung dî ang mg̃a lahi; na ang napagmamalas lamang ng̃ mg̃a mapagmasid ng̃ mg̃a pamumuhay ng̃ bawa't nación ay ang pagcacaiba't iba ng̃ calagayan ng̃ mayaman at mahirap, ng̃ mahal at timawa; na sa mg̃a nacióng lalong mg̃a paham, na gaya baga ng̃ Francia at Alemania, ang lalong marami sa mg̃a nananahan doo'y casing pantay rin ng̃ calagayan ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a tagalog, at ang culay ng̃ balat, pananamit at wicang guinagamit ang bilang caibhan lamang."

"Na ang pag-íisip ay tulad sa mg̃a cayamanan at cung may mg̃a nacióng mayaman at mahirap, ay may mg̃a tao ring mahirap at mayaman; cung may nagbabalac na táong siya'y ipinang̃anac na pagdaca'y mayaman, ang gayong tao'y namamali, sa pagca't siya'y sumilang sa sandaigdigang dukhâ at hubád na cawang̃is ng̃ alipin; minamana ang catalasan ng̃ isip na tulad naman sa cayamanang naipamamana. Pawang mayayaman sa pag-íisip ang mg̃a nación sa Europa; datapwa't ang mg̃a tao roon ng̃ayo'y hindî mangyayaring macapagsalitâ, cung di ring lamamg maghahambog, na pagdaca'y mayaman na sila sa pag-íisip mulâ ng̃ mátayô ang canilang mg̃a nación; nagcailang̃an silang gumugol ng̃ maraming siglo[51] sa pagpupumilit sa pamamag-itan ng̃ pagbabaca upang camtán ang mg̃a calayâan, magagaling na mg̃a cautusan at iba pang sarisaring paraan, at ng̃ masundoan ang mg̃a cayamanan ng̃ pag-iisip na canilang ipinamana pagcatapos sa mg̃a táo ng̃ayon; ang mg̃a nagpapakinang ng̃ isip ng̃ayon, ang catowid baga'y ang nagtuturo ng̃ayon sa mg̃a cabataan, di ng̃a nila magagawâ ang gayong mg̃a bagay cung hindî sana nila sinamantala ang salinsaling natutuhan ng̃ mg̃a táong sinundan nila, at cung hindî naman sila lubos na nagsumakit; ang bagay na ito'y sinasacsihan ng̃ Historia[52] ng̃ panahong una'y hindî higuit ang cagaling̃an ng̃ pagpapalagay ng̃ mg̃a romano sa mg̃a alemán, sa pagpapalagay ng̃ mg̃a castílà sa mg̃a tagalog."

"Na ang mg̃a pagpintás na guinagawâ ng̃ mg̃a taga Europa sa nang̃agcacaiba't ibang mg̃a lahing may culay (ang mg̃a caymangui, maitim, marilaw ó abo-abó) ay hindî mabigyang caliwanagan sa isáng matibay na catowiran; cayâ silá nagcacagayo'y dahil sa talagang handâ na ang caniláng calooban sa dî paniniwalâ, at dahil naman sa canilang pagcaisip na sila ang nauucol macapangyari sa mg̃a láhing hindî mapuputî. Talastas ng̃ lahát na nang̃ang̃anib ang mg̃a lahing may culay na baca sila'y pawaláng halaga ng̃ lahing putî, at sa ganitong dahil, cung sila'y naglilingcod sa mg̃a taga Europa ay malaki ang sa canila'y ikinalalamang, at bucod sa rito'y sa pagca't pinagwawárì na hindî magagamit ang lahing may culay sa mg̃a linilimbag. Datapwa't cung paglilining̃in, ang mg̃a lahing may culay na canilang tinutucoy ay mg̃a táong totoong timáwà at waláng pinag-aralan, masasabing ang halaga ng̃ mg̃a pasiya ng̃ mg̃a lahing putî ay capantay lamang ng̃ sa isang tagalog, na sa canyáng paglalacbay sa Francia at Alemania ay ibig na ipalagay na ang lahát ng̃ mg̃a tagaroo'y pawang catulad ng̃ mg̃a manggagatas, mg̃a alílâ at mg̃a cocherong francés at alemáng canyáng nakita."

"Na ang dahil ng̃ caimbihan ng̃ mg̃a túbò rito sa Filipinas ay nagmumulâ lamang sa culay ng̃ balat. Maraming lalaki't babae sa Europa na nagmulâ sa lalong carukharukhâang pamumuhay, na nangyaring naca-akyat sa [XX]lalong cataastaasang calagayang lubhang mahahalagá, ang iba'y nang̃atututong bumagay sa canilang bagong calagayan at hindî ikinahihiyâ ang canilang abang pinanggaling̃an, cung dî bagcos pang ipinalálagay nilang isang malaking capuriháng nangyaring nasunduan nila, sa canilang sariling pagpupumilit, ang gayong pagcápaunlac; ang iba nama'y pinagtutuyaanan at inaaring salát sa catalinuhan, dahil sa canilang dî wastóng paghahambog. Ipinalálagay ng̃ mg̃a táong may culay, na sila'y ucol sa mg̃a dapat uyatín at pawaláng halagá, baga ma't sila'y mg̃a táong mahal na lubós, palibhasa'y isáng sacsìng nagpapatotoo ng̃ canilang pinangaling̃an ang canilang pagmumukhâ, at ang bágay na ito'y siyáng sa canila'y nacapagbíbigay ng̃ cakimian, dahil sa talastás niláng sa canila'y pagpapawaláng halagá ng̃ mg̃a taga Europa: masamâ ang pagting̃în ng̃ mg̃a europeo sa mg̃a tagalog; anó máng waláng cabuluháng pagcacamalî nitó, na mangyayáring gawín din namán ng̃ cahi't dalisay mang lahî ng̃ isáng tubò sa Montmorency, ay linílibac ng̃ mg̃a europeo, at isinisiwalat nila sa pananalitáng: "¡anó ng̃â bagá ang maaasahang gawíng mahusay ng̃ isáng taong may cúlay!" Mangyayáring datnin niyáng siyá'y maguing isáng magalíng na Abogado, isáng dakilang Médico, datapowa't cailán may hindî nila ipalalagay na itó'y isáng caraniwang bágay; ang pinaca malakíng magagawâ lamang nilá'y isáng panguiguilalás, na hicayat ng̃ pagpapalamáng, na gaya ng̃ pagtatacâ, sa isáng malakíng áso sa circo, ng̃uni't hindî ng̃â nilá, matatangáp na magcacapantáy ang pag-iísip ng̃ tagalog at ng̃ europeo".

Sa matiyagá at masalicsic na pagsisiyasat ni Rizal ay caniyang lubós napagkilalang nagcacapantay-pantay ang caya ng̃ pag-iísip ng̃ lahát ng̃ mg̃a láhì: putî, caymangui, mariláw, abo-abó ó itím, at yayamang gayó'y mangyayaring ipagcaloob sa isá't isá ang lahát ng̃ bágay na pamamahálang magalíng sa báyan, ó mg̃a cautusán bagáng nagbíbigay ng̃ lálong malalakíng calayàan; at sa ganitóng pananálig niyá'y guinugol ang boóng lacás upang camtán ng̃ caniyáng mg̃a cababayan ang mg̃a calayàang totoong kinacailang̃an, at ng̃ dito'y lumagô ang caguinhawahan at lumucloc ang Ináng Filipinas sa trono nang carang̃alan.

Nang may isáng bowan ng̃ nagsasama ang magcaibiga'y nagpaalam si Rizal cay Blumentritt, at canyáng nilibot ang mg̃a ciudad ng̃ Praga, Bruna, Viena, Nuremberg at Munich. Dumating sa Ginebra ng̃ mg̃a unang araw ng̃ Junio, doo'y nátirang sandalî, lumipat sa Losana at doo'y tumiguil na iláng araw, sacá nilibot ang mg̃a pang̃ulong bayan ng̃ Suiza at pagcatapos ay naglacbay sa Italia, nilibot namán niyá ang boong caharìang iyón; ng̃uni't malaon ang canyang itiniguil sa Milan, Venecia, Florencia, Roma at Génova. Mulâ sa Génova'y na pasa Marsella, at buhat dito'y lumulan siya sa vapor "Diemnah" na patung̃o sa Saigon ng̃ bowan ng̃ Julio ng̃ 1887, at pagdating sa Saigon ay lumulan namán siyá sa vapor "Haiphong" na patung̃o sa Filipinas na ang conciencia'y tahimic, samantalang nang̃agcácagulo namán ang mg̃a fraile't castílà sa Maynilâ, na ang pinacamagaang na cahiling̃an ay putulin ang canyáng ulo, bilang caparusahang magaang sa dakilang casalanang pagcasulat niyá ng̃ Noli me tangere.

Decorative motif

Nang dumating si Rizal dito'y casalucuyang Presidente ng̃ Consejo ng̃ mg̃a Ministro sa España si D. Práxedes Mateo Sagasta, Ministro ng̃ Ultramar si Don Victor Balaguer, Gobernador at Capitán General ng̃ Filipinas si D. Emilio Terrero, Gobernador Civil ng̃ Maynílà, si D. José Centeno, Director General ng̃ Administración Civil si D. Benigno Quiroga-López Ballesteros at Secretario ng̃ Gobierno General si D. José Sáinz de Baranda, mg̃a guinoong pawang mairuguín sa calayàan; at cung hindî ang dirito'y ang mg̃a guinoong sinabi na, noon pa sana'y napahamac na si Rizal.

Tumangáp siyá ng̃ siya'y bagong cararating dito sa Maynílà, ng̃ lubhang maraming sulat na waláng firma, at doo'y ipinagtagubilin sa canyang[XXI] siya'y magpacaing̃at, sa pagca't totoong nang̃ang̃anib ang canyang buhay, at gayon din namán ang sabi sa canyá ng̃ canyáng ama't iná, mg̃a capatíd, mg̃a camag-anac at mg̃a caibigan. Nang̃agtátaca ang lahát cung bakit hindî agád siya napapahamac pa, palibhasa'y hindî cailâ ang calakilakihang capangyarihan ng̃ canyang mg̃a caaway.

Sa utos ng̃ matátaas na puno'y halos hindî humíhiwalay cay Rizal ang teniente ng̃ guardia civil na si D. José Taviel de Andrade.

Isáng umaga'y napasá Ateneo Municipal siyá upang makipagkita at bumátì sa mg̃a jesuitang si párì Pablo Ramón at si párì Federico Faura; sinalubong siyá nitó, at sinábi sa canyáng yámang nagbago siyá nang pananampalataya'y huwag ng̃ túlungtong na mulî sa Ateneo; at hindî na ng̃á namán siyá nagbalíc doón hangang sa siyá'y binaríl.

Hindî nagluwat sa Maynila si Rizal; na pa sa Calambâ siyá, at iníbig niyang doó'y manahímic; ng̃uni't hindî nangyári. Sa ákit ng̃ pagmamahál sa mg̃a cababáyan, siyá'y gumawâ nang isáng casulátang wícang castilà at wícang tagalog, na doo'y idinaraing sa Gobernador General na mangyáring tangkilikin ang mg̃a catowiran ng̃ mg̃a taga Calambang maláon ng̃ totoong niyuyurac ng̃ mg̃a fraile. Sa casulatang iyo'y sinasaysay ang lihís sa matuwíd na pagpapabuwís ng̃ mg̃a fraileng dominico sa mg̃a lupang linílinang ng̃ mg̃a taga Calambâ, ang pagdaragdag sa taon-taón ng̃ buwis, ang sa mg̃a pagtataním ng̃ mg̃a halaman, ang sa mg̃a lansang̃an, mg̃a bahay at mg̃a escuelahan: waláng sinásaysay doon cung di dalisay at wagás na catotohanan. Tumawag si Rizal ng̃ isang pulong ng̃ mg̃a namamayan sa Calambâ, dumaló sa pulong na iyón ang mg̃a caibigan at ang mg̃a caaway ng̃ mg̃a fraile; ipinabasa niyá sa lahát ang casulatang wícang castila't wícang tagalog na iyón, at walâ, isá mang tumanguí sa pagfirmá. Pumirmá sa casulátang iyón si Rizal, ang caguînoohan, ang mg̃a naghaháwac ng̃ lupa't ang mg̃a nang̃ing̃isama, ang mg̃a babae, ang mg̃a alilà, ang mg̃a insíc, ang boong báyan, sampo ng̃ mg̃a caibígan ng̃ mg̃a fraile. Ipinadalá ang caraing̃ang iyon sa Gobernador General, at ang gayong caraing̃a'y hindî pinansín; at sapagca't nag acalang manghigantí ang mg̃a fraile, mulíng nagpadalá ulî ng̃ isá pang casulatang ipinamamanhíc na mangyaring makialám ang Gobernador General sa pag-amís na guinágawâ ng̃ mg̃a fraile; ng̃uni't ang gobierno'y hindî umimíc.

Nagpasimulâ ang mg̃a taga Calambâ ng̃ pagtanguí sa pagbabayad, samantalang hindî ipinaliliwanag ng̃ mg̃a fraileng dominico ang cung bakit silá ang tang̃ing may-árì ng̃ boong Calambâ, na waláng nátira, cácarangcal mang lúpà sa mg̃a táong túbò roon; sinagót ng̃ mg̃a fraile ang gayong cahing̃ìan, ng̃ pagpapalakí ng̃ bowís at ng̃ paghihigpít ng̃ panining̃il, at sa cawacasa'y nagpadalá silá sa Calambâ, ng̃ Septiembre ng̃ 1888, sa pamamag-itan ng̃ capangyarihan ng̃ Capitán General Weyler, ng̃ isáng hucbó ng̃ mg̃a sundalo, at ipinaguibâ at ipinasunog ang mg̃a bahay ng̃ nagsisitanguing magbayad ng̃ buwís, at isá sa mg̃a ipinaguibâ ang bahay ng̃ mg̃a magulang ni Rizal.

Baga man totoong ligalíg ang canyang calooban sa mg̃a pag-apíng nangyayari sa canyang cababayan at sa mahigpít na pag-uusig na sa canya'y guinágawâ ng̃ mg̃a fraile, hindî rin siyá naglilicat ng̃ pagsulat; inihulog niyá sa wicang tagalog ang iláng maiinam na tuláng wicang alemán, at sacâ ang bantóg na drama ni Schiller na Guillermo Tell ang pamagát, na wicang alemán din, at bukod sa roo'y nanggágamot pa siyá sa mg̃a may sakít sa canyang bayan.

Datapowa't waláng salitâ, waláng pagkilos, waláng anó mang hakbáng si Rizal na hindî ipinalálagay ng̃ mg̃a fraileng hakbáng, kilos at salitáng "filibustero", at dahil sa gayong nangyayari'y napilitan si Rizal, na mulíng panawan ang canyang pinacasísintang bayang Filipinas, at papang̃ulilahin ang canyang mg̃a magulang, capatíd, kinamag-anacan, caibigan at mg̃a cababayan, ng̃ unang araw ng̃ Febrero ng̃ 1888, cahi't may dinaramdam pa siyáng sakít noon. Umalís sa Filipinas si Rizal na nanglulupaypáy ang loob; siyáng cailan ma'y di nag-ibig na magbubò [XXII]ng̃ cahi't capatác dugô ng̃ canyáng capowâ tao'y napagkilala niyang hindî cacaratan ang casarinlán ng̃ Filipinas cung dî sa pamamag-itan ng̃ pagpapabahâ ng̃ dugô.

Hindî pa nalalaong nanaw si Rizal sa Maynila'y guinawà na ng̃ mg̃a caguinoohang tagalog sa pang̃ulong bayang ito ng̃ sangcapuluang Filipinas, ng̃ unang araw ng̃ Marzo ng̃ 1888, ang isáng payapang "procesión cívica" ng̃ lubhang maraming filipino, na nagdaan sa Escolta, tinung̃o ang loob ng̃ Maynilà at ibinigay cay Don José Centeno, Gobernador Civil dito ng̃ panahóng iyón, ang isáng casulatang nacafirma ang marami, na doo'y hinihing̃ing papanawin dito ang Arzobispo at paalisín ang mg̃a fraile, dahil sa mg̃a cadahilanang nálalagdâ sa casulatang iyón. Sinalubong ang mg̃a guinoong iyón ng̃ Gobernador Civil ng̃ boong cagandahan ng̃ loob, at sa canila'y ipinang̃acong gagawin ang na sa catwiran, bagay na matútupad ng̃â marahil cung dî sana macapangyarihan ang mg̃a fraile cay sa Gobierno ng̃ España. Ang nangyari'y nang̃ábilanggò sa Bilibid na mahabâ ring panahón ang mg̃a pang̃ulong pumifirma sa casulatang iyón, at walang nagawâ upang sila'y maligtas si Terrero, Centeno at Quirroga—López—Ballesteros na sa canila'y tumatangkilic.

Dumatíng si Rizal sa Emuy. Nalúlà siyang mainam sa pagdaragát, dahil sa tinátaglay niyáng sakít. Hindî siya lumunsád sa Emuy, dahil sa malacas na ulán at sa caguinawán, at dahil namán sa sinabi sa canyáng doo'y totoong marumí. Nagtulóy siya sa Hongkong at doo'y nacakilala niya ang ilang mg̃a castílà at si G. Balbino Mauricio, na malaóng taóng nabilangò dahil sa gulóng nangyari sa Tang̃uay ng̃ taóng 1872. Doon siya nátira sa bahay ni G. José María Basa, na napatapon sa Marianas, dahil din sa gulóng sinabi na. Nag-aral siya sa Hongkong ng̃ wicang insíc. Napag-unawâ ni Rizal doong ang mg̃a fraileng dominico'y sila halos ang may ari ng̃ Arsenal sa Hongkong. Sinamahan si Rizal ni Basa sa pagpasa Macao, upang dalawin si G. Lecaroz, at sa bahay nito'y natirá, silang ilang araw, at pagcatapos ay nang̃agbalic ulì sa Hongkong, at mulâ roo'y lumulan siya sa vapor "Oceanic" ng̃ ica 22 ng̃ Febrero ng̃ 1888, na ang tung̃o'y sa Japón. Damatíng siya sa Yokohama ng̃ ica 28 ng̃ buwan ding iyon. Carárating pa lamang niya sa Hotel ay tumanggáp na siya ng̃ pasabi ng̃ "Encargado ng̃ Legación ng̃ Negocios ng̃ España" sa ciudad na iyong sa canya'y makikipagkita. Hindî ng̃a nalaon at dumatíng sa tinatahanan ni Rizal ang iláng castílà, binati siya ng̃ boong pitagan, inihandóg sa canya ang boong paglilingcod at tuloy inanyayahan siya ng̃ boong guiliw na doon na matira sa Legación. Aayaw sanang pahinuhod si Rizal sa anyayang iyón, ng̃uni sa pagca't namasid niya ang malabis na pagpupumilit, at palibhasa'y nais niya ang lubos pakilala sa mg̃a castílà, sumang-ayon siya sa capamanhican. Nátira ng̃â si Rizal sa Legación ng̃ Españang may mahiguit na isáng buwan. Nilibot niya ang ilang lalawigan ng̃ Japón, na cung minsa'y casama niya ang "Encargado ng̃ Legación" at cung minsa'y ang "intérprete" nito: Doo'y nag-aral si Rizal ng̃ japonés at pinagsiyasat ang canilang teatro. Samantala'y inaakit si Rizal ng̃ sinabi ng̃ "Encargado" na tumanggap ng̃ isang catungculang mataas na sa canya'y ipinagcacaloob ng̃ Gobierno ng̃ castílà, datapwa't hindì pumayag si Rizal. Nang macalampás ang isáng bowa'y napasalamat siya sa magandang caloobang sa canya'y ipinakita, napaalam at lumulan sa isáng vapor na ang tung̃o'y sa Estados Unidos ng̃ América. Nácasacay niyá sa vapor ang isáng mag-anac na ang ama'y inglés na nagng̃ang̃alang Jakson, ang ina'y filipina at ang mg̃a anac ay ipinang̃anac sa Filipinas, at sacà isáng japonés. Itinanong sa canya ng̃ isá sa mg̃a anac ng̃ inglés cung nakikila niya ang isáng nagng̃ang̃alang "Richal" na cumathâ ng̃ Noli me Tangere; sumagot si Rizal na nacang̃itî, na nakikilala niya, tulad sa pagcakilala ni Aladin cay Florante; at sa pagca't nagsasalitâ ng̃ mg̃a pagpupuri sa cumathâ ng̃ librong yaon, siya'y napakilala na, sa pagca't cahi't ilihim man niyá ang canyang pang̃alan [XXIII]ay maaalaman din sa capitán at mg̃a oficial ng̃ vapor. At sapagca't ang japonés ay walang nalalaman cung dî ang canyang kinaguisnáng wícà, siya ang naguíng "intérprete" sa pakikipagsalitaan sa ibáng mg̃a casacáy sa vapor.

Dumatíng si Rizal sa San Francisco de California ng̃ ica 28 ng̃ Abril ng̃ 1888. Hindî siya nacalunsád agád, dahil sa pinapag "cuarentena" ang vapor, bagá man tumelégrama ang Cónsul americano sa Hongkong, na ng̃ umalís ang vapor na iyo'y waláng cólera roon, at gayon ang guinawâ dahil lamang sa may casacáy na walong daang insìc, at sapagca't nagcátaong ng̃ mg̃a araw na iyo'y casalucuyang halhalan, ng̃ mawicâ ng̃ mg̃a táongbayang ang Gobierno'y tumiting̃in sa canilá at naghihigpít sa mg̃a insíc, cayâ guinawâ ang gayong pagbimbín. Gayon ma'y cumacain sa vapor ang maraming mg̃a empleado sa Aduana roon at ang Médicong americano na galing sa Hospital ng̃ mg̃a may sakít na cólera. Nang macaraan ang labingdalawang araw ay pinalunsád si Rizal at iba pang mg̃a "pasajerong de primera", ng̃uni't nang̃atirá sa vapor ang mg̃a insíc at mg̃a japonés na pawang pasajerong "de 2.a" at "de 3.a" hangang sa namatáy na untiuntì, ayon sa balitâ ni Rizal, ang may tatlongdaang insíc.

Linibot ni Rizal ang lalong malalakíng ciudad ng̃ Estados Unidos, at canyáng hiniwatigan ang calagaya't mg̃a caugalian ng̃ mg̃a tagaroon. Hinang̃aan niya ang mg̃a caguilaguilalas na bahay roon, ang mg̃a ilaw eléctrico, ang cahimahimalang Niágara, ang mg̃a dakilang bung̃a ng̃ caisipán ng̃ mg̃a americano; dinalaw niyá ang mg̃a nagpapaalaala cay Washington, ang carilagdilagang táong walang cahulilip sa sanglibutan ng̃ siglong yaon; ng̃uni't namasid niyang doo'y walang tunay na calayâan sa pamamayan. Sa maraming mg̃a Estado'y hindî nacapagaasawa ang isang lalaking negro (itím) sa isang babaeng maputî, at ang isang babaeng maitím, ay hindî nacapagaasawa sa isang lalaking maputî. At doo'y totoong kinagagalitan ang mg̃a insíc, hangang sa pagcamal-an ang mg̃a japonés na isinasama nilá sa pagcasusot sa mg̃a insíc.

Ng̃ ica 16 ng̃ Mayo ng̃ 1883 ay lumulan si Rizal sa vapor "City of Roma" at tumung̃o sa Europa. Dumatíng siya sa Liverpool ng̃ ica 24 ng̃ Mayo ng̃ 1883, at hindî nalao't siya'y na pa sa Lóndres ng̃ calaghatían ng̃ taón ding iyón, at sa araw-araw ay naparoroon siya sa bahay ng̃ filipino ring si G. Antonio María Regidor.

Samantalang linilibot ni Rizal ang mg̃a iba't ibang nación upang mahiwatigan at mapagcúrô niya ang sarisaring dunong at mg̃a caugalian ng̃ iba't ibang lahì, itinátayô namán sa Madrid ng̃ mg̃a filipinong naroroon, ng̃ ica 12 ng̃ Julio ng̃ 1888, ang "Asociaciòn Hispano-Filipina," na caayon nilà ang pantás na castilang si D. Miguel Morayta.

Sa pagca't inaacálà ng̃ mg̃a filipinong yaong kinacailang̃an ang isang pamahayagang maglathalà ng̃ canilang mg̃a mithî at damdamin, nagtatag ang filipinong si G. Graciano López Jaena ng̃ isang pamahayagang pinalalabas towing icalabinglimang araw, na ang pamagat ay La Solidaridad. Nagsisulat sa pamahayagang ito si na Guinoong Marcelo Hilario del Pilar, José Rizal, Ferdinand Blumentritt, Mariano Ponce, Eduardo Lete, Antonio Luna, Graciano López Jaena, Dominador Gómez at iba pa.

Nagtayô ng̃ mg̃a panahong iyon ng̃ isang "logia" ng̃ mg̃a filipino, na pinamagatang Solidaridad, at mulâ noo'y sumilang ang adhicang palaganapin sa mg̃a filipino ang masonería.

Guinawâ ng̃ 25 ng̃ Noviembre ng̃ 1889 ang Junta general ng̃ capisanang "Asociación Hispano-Filipina at nangahalal na bumuô ng̃ Junta Directiva ang mg̃a sumusunod:

Presidente: D. Miguel Morayta, Gran Oriente Español ng̃ francmasonería.

Vicepresidentes: D. Antonio Balbin de Unquera, católico at manunulat na balita; D. Felipe de la Córte, general brigadier ng̃ ingenieros, at D. Luis Vidart, jefe ng̃ artillería, académico ng̃ Historia at manunulat.

Tesorero: D. Teodoro Sandiko.

Secretario: D. Dominador Gómez.

Ang bumubuô naman ng̃ Comisión Ejecutiva'y ang sumusunod:

[XXIV]Presidente: D. Miguel Morayta.

Vocales: D. Marcelo Hilario del Pilar, D. José Hernández Crame at D. Simplicio Jugo.

Secretario: D. Manuel Labra.

Hangang guinágawâ ng̃ mg̃a filipinong na sa Madrid ang mg̃a sinabi co na'y sinisiyasat naman ni Rizal ang lahát ng̃ mg̃a casulata't mg̃a librong nauucol sa Filipinas, upang malagyan niya ng̃ mg̃a paliwanag ang librong Sucesos de las Islas Filipinas (Mg̃a nangyari sa Sangcapuluang Filipinas) na sinulat ng̃ Dr. Antonio Morga na ipinalimbag nito sa México ng̃ taóng 1609.

Dito naman sa Filipinas ay hindî naglilicat ang mg̃a fraile ng̃ pagsirang puri sa Noli me tangere.

Palibhasa'y hindî marami sa mg̃a lupaíng itó ang marunong ng̃ wicang castílà, ang mg̃a sinulat ni Rizal at ibá pang mg̃a filipino, tungcol sa pagmamalasakit sa atin, ay bahagyâ, na lamang napagkikilala rito, datapowa't sa malakíng pagcacámalî ng̃ mg̃a fraile ay silá rin ang naglaganap ng̃ bagay na caniláng linilipol.

Pagca ang tao'y naparaig sa silacbó ng̃ maning̃as na galit, ang madalás na naguiguing bung̃a ng̃ guinagawà ay siyá rin ang nagpahamac sa sarili. Itó rin ng̃â ang nangyari sa mg̃a fraile.

Kinapopootang totoo ng̃ mg̃a fraile ang mg̃a sinusulat ni Rizal, dahil sa pawang pumupucao ng̃ pagsinta sa kinamulatang lúpâ, nagpapaliwanag ng̃ catowiran, nagpapakilala ng̃ sariling dang̃al at camahalan, nagtuturô ng̃ mg̃a catungculan at carapatán at ipinauunáwâ ang mg̃a pagdaraya at pang̃ang̃alacal na guinagawâ sa Religión ni Cristo ng̃ mg̃a nagpapangáp na "cahalili ng̃ Dios," at napopoot sila ng̃ di cawasà cay Rizal at sa caniyang mg̃a sinusulat, palibhasa'y talós nilang si Rizal ay lubhang pahám at masintahing totoo sa tinubuang lúpâ, at cung ang mg̃a titic na iya'y lumaganap sa sangcapuluan, ang caniláng capangyariha'y málulugsô at masisirâ ang caniláng hanap buhay na pang̃ang̃alacal ng̃ Religión.

Sa guitnâ ng̃ caniláng pagng̃ing̃itng̃it ay humanap silá ng̃ paraang sucat macasirang puri sa filipinong nagtatang̃ol sa canyang kinamulatang bayan.

Totoo't na sa caniláng camáy ang capangyarihang magbawal ng̃ pagpapadalá rito ng̃ mg̃a casulatan ni Rizal, at na sa camay rin namán nilá ang capangyarihang umusig at magparusa ng̃ cabigatbigatan sa sino mang mang̃ahás tumanggap, mag ing̃at ó bumasa ng̃ mg̃a casulatang yaon; ng̃uni't caniláng nakitang linalabag lamang at pinaglalaruan ng̃ ilang mg̃a filipinong tunay na sumisinta sa tinubuang bayan ang canilang mahigpít na utos, ang canilang mg̃a pagbábalà ng̃ caparusahán sa catawán at sa calolowa, at winawalang cabuluhan ang canilang mg̃a pang̃ang̃aral sa púlpito at sa confesionario, at sa gayong calagaya'y pinagcaisahan ng̃ mg̃a fraile na sagutin ang mg̃a casulatan ni Rizal ng̃ sulat din. Inihalál nila sa pagganap ng̃ ganitong tungcol si Fr. José Rodriguez, na ng̃ panahóng yao'y prior at púnò ng̃ "Asilo de Huérfanos" (Ampunang-bahay sa mg̃a ulilang lalaki) sa convento ng̃ Guadalupe, sacop ng̃ bayang San Pedro Macatí, na ng̃ayo'y napapanig sa lalawigang Rizal.

Tumupad si Fr. José Rodriguez ng̃ boong casipagan sa canyang mahigpit na catungculan, at sinabi naming mahigpit, sa pagca't walâ ng̃ mahirap gawing gaya ng̃ piliting hadlang̃an ang mahinusay na lacad ng̃ pagsulong ng̃ mg̃a carunung̃an at ng̃ pagcakilala ng̃ tawo sa canyang sariling camahalan; tulad naman sa halíng na mag-acalang masasalaan niya ang ilog Pasig, at ng̃ ang tubig na umaagos doo'y howag macarating sa dagat.

Nagpalimbag si Fr. José Rodriguez ng̃ sunodsunod na mg̃a libritong wicang castílà at wicang tagalog. Pinamagatán niya ang mg̃a wicang castílà ng̃ CUESTIONES DE SUMO INTERES, at ang tagalog nama'y CAIINGAT CAYO.

Hindî sagot ang mg̃a libritong yaon sa mg̃a pang̃ang̃atowiran ni Rizal, cung di licawlicaw na paglait, pag alipusta at mg̃a pagpaparatang sa tinatawag nilang hang̃al at imbíng Doctor Calambenyo.

Hindî kilala ng̃ panahóng iyón ng̃ halos ng̃ [XXV]lahat ng̃ filipino ang Doctor José Rizal, at bihirangbihirâ ang nacauunáwà ng̃ canyang pang̃alan at mg̃a sinusulat, datapowa't ng̃ mabasa ng̃ mg̃a tagalog ang mg̃a librito ni Fr. José Rodriguez, na ipinang̃alat na walang bayad ng̃ boong casaganaan, ay napucaw ang canilang pagmimithing basahin ang NOLI ME TANGERE, na bagong calalabas, at sa pagca't ang pagsinta sa Inang Baya'y siyang lalong malacás na pangpatapang sa paglulong sa pang̃anib, hindî nawalan ng̃ nagpilit na dito'y macapagpasapit ng̃ lihim ng̃ lalong marami ng̃ librong iyon, at marami naman ang lihim na naglacô, at lalong marami ang mg̃a lihim na bumili, "sa anim at pitong piso bawa't libro." Walâ na yatang totoong masarap sa aliping gaya ng̃ lumasáp ng̃ ibinabawal; ito ang cadahilana't nanaig sa tacot sa capahamacan ang maalab na adhicang sumírà, ng̃ utos ng̃ mg̃a tampalasang pinapang̃inoon.

Hindî nalaon at sinagot ng̃ mg̃a tagalog ang mg̃a libritong CAIINGAT CAYO ni fray José Rodriguez ng̃ mg̃a librito ring pinamagatan naman ng̃ CAIIGAT CAYO, sa macatowid baga'y magpacaigat, tumulad sa igat, na sa cadulasan ng̃ catawan ay nacahahagpos sa camay ng̃ humuhuli. Cung minsa'y Dolores Manapat at cung minsa'y Salvadora Liwanag ang nacafirma sa mg̃a libritong iyon. Isa sa mg̃a libritong tagalog na sagot sa mg̃a librito ni Fr. José Rodriguez ay ang nacafirma'y si Dimas Alang, pamagat ni Rizal, na siyang sumulat ng̃ libritong iyon.

Sa mg̃a libritong Caiigat cayo'y ipinakikilala ang mg̃a malulupit at mg̃a cahalayhalay na asal ng̃ mg̃a fraile at ang canilang mg̃a pagdaraya sa mg̃a filipino, at bucod sa rito'y linilibac ang mg̃a maling aral, ang mg̃a licong itinuturo, at ang mg̃a cung dî sana catampalasana'y catawatawang mg̃a aral ng̃ Iglesia Católica Apostólica Romana, at ang mg̃a libritong yaon ang caunaunahang limbag na sa wicang tagalog ay nag-alís ng̃ piríng ng̃ mg̃a nalalabuang isip ng̃ tagarito.

Bucod sa mg̃a libritong Caiigat ay may isinabog din dito sa Maynilang mg̃a dahong papel na limbag, na ang pamagat ay ¡Alerta Paisanos! at iba pa, na pawang laban din sa mg̃a fraile at sa mg̃a macafraile.

Decorative motif

May mg̃a bagay na nangyari ng̃ mg̃a panahóng yaóng hindî dapat calimutan, sapagca't nagpapakilala ng̃ casiglahán ng̃ loob ng̃ mg̃a táong bayan, ng̃ caniláng tunay na pag-ibig sa kinamulatang lúpà at ng̃ caniláng malakíng galit sa mg̃a fraile na dito'y pawang nag-uugaling mabang̃is na hárì bawa't isá.

Niyo'y icapat na araw ng̃ Octubre ng̃ 1888, casalucuyang ipinagpifiesta ang San Francisco de Asis, na hindî magcasiya sa simbahan ng̃ mg̃a franciscano sa Maynilâ ang dami ng̃ taong nagsimbá sa misa mayor; ng̃ matapos na ito'y may apat ó limang batang lalaki na namamahagui, sa nagsisilabás sa simbahan, ng̃ mg̃a libritong waláng pinag-ibhan ang culay ng̃ takíp sa mg̃a librito ni Fr. José Rodriguez, at ang pamagát ay Caiingat cayo. Nang matatapos na ang paglabás ng̃ mg̃a tao'y nátanawan ng̃ isáng fraileng franciscano, buhat sa bintánà ng̃ convento ng̃ simbahan ng̃ "Tercera Orden", na caniyang pinanunung̃awan, ang pamimigáy ng̃ mg̃a librito ng̃ mg̃a batang yaón. Ipinatawag agad-agád ng̃ fraile ang uldóg na portero at pinagutusang cumuha ng̃ isá sa mg̃a libritong ipinamímigay. Sumunód naman ang uldóg. Huming̃î sa mg̃a batâ ng̃ isá sa mg̃a libritong iyon at ipinanhic sa fraile, at ng̃ buclatín nitó ay nakitang ang mg̃a libritong yaon ay hindî palá ang Caiingat cayo ni Fr. José Rodriguez, cung di ang Caiigat ng̃ mg̃a tagalog, at sa gayo'y nalipós ng̃ galit ang fraile, at sinabi ng̃ pasigáw sa uldóg, na pagdaca'y iparakíp sa mg̃a guardia civil veterana ang mg̃a batang iyón. Patacbóng nanaog ang uldóg, tumawag ng̃ mg̃a veterana at iniutos niyang dacpín ang mg̃a batang namímigay ng̃ mg̃a librito sa mg̃a táong lumálabas sa simbahan ng̃uni't ng̃ caniláng hanapin ay walâ na cahi't isá man, nacatacas ng̃ lahát, at cahi't pinagpilitang maalaman cung sino sino ang mg̃a batang iyon, at cung sino sino ang sumusulat, nagpapalimbag, lumilimbag at nagpapacalat ng̃ Caiigat cayo, ay hindî [XXVI]nangyaring maalaman, at nasayang lamang ang di cacaunting nagugol na salapî ng̃ mg̃a fraile sa pagpapahanap na iyón.

Decorative motif

Caugalian, buhat sa caunaunahang mulâ, na sa simbahan ng̃ Santa Cruz, nayong malakí nitong Maynílà, ay wicang tagalog ang guinagamit sa pagsesermón, at sa pagca't si Fr. José Rodriguez ay balitang magaling managalog, inanyayahan siya ng̃ cura párroco sa nasabing nayon ng̃ Santa Cruz, na si párì Eustaquio Moreno, fraileng recotelano, na siya na ang magsermón sa ica 12 ng̃ Octubre ng̃ sinabi ng̃ taóng 1888, fiesta ng̃ Nuestra Señora del Pilar, pintacasi ng̃ bayan. Punóngpunô ng̃ táo ang simbahan, ng̃uni't pagcakita nilá na si Fr. Rodriguez ang pumanhíc sa púlpito at siya ang magsesermón, umugong ang isáng aling̃awng̃áw na salisalitaan ng̃ isa't isá:—¡Tayo na!—anilá,—ang magsesermón pala'y ang maestro ng̃ Dios! At nang̃aglabasan ng̃â, sa simbahan, na ano pa't iilán ilán lamang ang nanirá, na siyang nakiníg ng̃ pag-alimura ni Fr. José Rodriguez cay Rizal at sa boong catagalugan.

Hindî na namin saysayin ang lubhang maraming bagay bagay na nangyaring nagpaliwanag ng̃ pagcapucaw ng̃ loob ng̃ tagalog sa maning̃as na pag-ibig sa kinamulatang lúpà, mulâ ng̃ canilang mabasa ó mabalitaan ang mg̃a sinulat ni Rizal, hangang sa dumating ang malualhating icadalawampo't apat na araw ng̃ bowan ng̃ Agosto ng̃ 1896, na pagpapasimulâ ng̃ panghihimagsic ng̃ mg̃a filipino sa gobierno ng̃ castílâ, sapagca't lalawig caming lubhâ, at ang bagay na ito'y itatalâ na namin sa librong aming ilalathalâ na ang pamagát ay REVOLUCION NANG FILIPINAS; sucat na ang aming sabihing salamat sa mg̃a isinulat ni Rizal ay naguising sa mg̃a dibdib ng̃ catagalugan ang natutulog na pagsinta sa sariling dang̃al; at cung nangyari ang gayong caligaligayang bagay, sa gayong balibalitâ lamang ang pagcaalam ng̃ caramihan sa mg̃a sinulat ni Rizal, sapagca't bibihirâ ang tunay na nacatatalos ng̃ Noli me tangere, Filibusterismo at ibà pang canyang itinitic sa wicang castílà ¿di lalonglálò ng̃ mag-aalab ng̃ di ano lamang ang pagsintang iyán, cung caniláng ganáp na maunawâ ang mg̃a pantás na casulatan ni Rizal, na siyang naguing maliwanag na araw na humawì ng̃ dilim na mg̃a lupaing ito? Ito ang wagás na cadahilanan at pinagsicapan naming isatagalog ang calahatlahatang sinulat ni Gat Jose Rizal, at ilathalâ sa isáng paraang macacayang icabasa ng̃ lalong carukrukhaang tagalog, at lubós ang aming pag-asa na ang aming munting pagal ay pag-aanihan ng̃ matimyas at saganang bung̃ang icagagalíng at icararang̃al ng̃ Sangcapuluang Filipinas.

Nanatili si Rizal sa Lóndres, at doo'y ipinagpatuloy niya ang pag-uusísà ng̃ mg̃a casulatan at librong kinalalagdaan ng̃ mg̃a nangyari sa canyáng lúpà ng̃ mg̃a panahong nacaraan na, bucod sa siya'y nagpapadalá ng̃ sulat na ipinalalathálà sa "La Solidaridad." Sa sandasandaling siya'y natitiguil ay naglilibang sa pag-ukit ng̃ mg̃a larawang cahoy. Tatlong "estátua" ang nayari niya sa Lóndres na canyáng pinamagatang "Ang pagtatagumpay ng̃ camatayan sa buhay", "Ang pagtatagumpay ng̃ carunung̃an sa camatayan" at "Si Prometeong nacagapos". Bucod sa rito'y sumusulat siya ng̃ mg̃a casaysayang wicang inglés at wicang alemán, na canyáng ipinadádala sa mg̃a pamahayagan. Nátitira si Rizal sa Lóndres, sa nayon ng̃ Chalk Farm, sa bahay ng̃ isáng mag-anac na mg̃a inglés, na naboboo sa isang matandang lalaki at tatlong dalaga, na nagpapakita sa canya ng̃ boong cagandahan ng̃ loob, dahil sa sila'y nang̃alúlugod sa catalinuhan ng̃ isip at catimyasan ng̃ asal niya. Iguinawâ ni Rizal ng̃ isang mainam na larawang cahoy ang mg̃a ulo ng̃ tatlong dalagang iyon at saca inihandog sa canila.

Isang araw ay naparoon siya sa bahay ni G. Antonio Regidor at nagsabing siya'y aalis sa bahay na iyon at siya'y pasasa París, sa pagca't nararamdaman niyang tila siya'y ibig maraig ng̃ paghilig ng̃ budhî sa isá sa mg̃a dalagang iyon.—"Hindî mangyayaring dayain co ang dalagang iyon—ani Rizal cay Regidor;—hindî[XXVII] acó macapapacasal sa canya, sa pagca't hindî itutulot na gawin co ito ng̃ mg̃a ibang pag-ibig na linisan co sa ating lupain, at dî co ng̃a maitutumbas ang pagdaráyà sa isang dalisay at malinis na pag irog". Nalalarawan sa mukhâ ni Rizal ang malaking pakikipaglaban niya sa panghihinaíng ng̃ pusong sarili ng̃ sinasabi niya ang mg̃a bagay na iyón sa cababayan nating si G. Antonio Regidor.

Decorative motif

Lumipat ng̃â si Rizal ng̃ taóng 1889 sa París at doon tumulóy muna sa bahay ng̃ ating calahî at cababayang si G. Valentín Ventura, at bago lumipat sa Rue de Maubergue, bilang 45, sa París dín, at ipinagpatuloy niya roon ang pagcathâ ng̃ Filibusterismo, na canyang pinasimulán na ng̃ siya'y natitirá pa sa Lóndres, at tuloy ipinalimbág niya roon ang librong Sucesos de las Islas Filipinas, ni Doctor Antonio de Morga, na canyang nilagyan ng̃ mg̃a paliwanag upang lalong mapagcurong magalíng ng̃ babasa.

Samantala'y waláng licat ang paglaganap sa boong Filipinas ng̃ maraming dahong limbág, na doo'y ipinauunawâ ang sarisaring mg̃a mahahalay at tampalasang cagagawán ng̃ mg̃a fraile sa pagyurac sa dang̃al at pamumuhay ng̃ mg̃a filipino, mg̃a dahong limbàg na ipinamamahagui ng̃ boong lihim sa mg̃a tagarito, at hindî mapagcúrò ng̃ mg̃a cawaní ng̃ Gobierno cung sino ang nagdadalá rito, baga man nakikilalang mg̃a gawâ sa limbagan sa Hongkong, at hinihinalang ang nagpapalimbag doo'y marahil si G. Doroteo Cortés ó si G. José María Basa, na capowâ cababayan natin.

May isáng nagng̃ang̃alang filipinong sumagót ng̃ dahong limbag din sa mg̃a dahong limbag na iyón. Sa sagót ng̃ filipinong yao'y ipinagsasanggaláng ang mg̃a fraile't ang mg̃a castílà, at tinututulan at minámasamâ ang guinágawâ ng̃ mg̃a filipinong na sa Europa, at lalonglalo na ang guinágawâ ng̃ mg̃a sumusulat sa La Solidaridad at ang mg̃a pagbabagong utos na hinihing̃î ng̃ mg̃a magcacapanig sa "Asociación Hispano-Filipina;" hindî raw mabuting dito'y ipagcaloob ang Código político, ang nauucol baga sa mg̃a calayaan sa pamamayan, at hindî raw pakikinabang̃an ng̃ sino man ang magcaroon sa Kapulung̃ang bayan ng̃ España ng̃ mg̃a filipinong tagapakiharáp natin doon, bucod sa canyang inaalimura't ipinalalagay na mg̃a tampalasan ang mg̃a táong dito'y nagcacalát ng̃ mg̃a dahong limbag na laban sa mg̃a fraile at mg̃a castílà.

Nacarating hangang sa Europa ang tutol na iyon, at dî nalao't dito'y dumatíng ang isang masigabong sagot ng̃ mg̃a filipinong na sa París. Ang taglay na fecha ng̃ sagot na iyo'y 10 ng̃ Octubre ng̃ 1889. Sinasapantáhà ng̃ iláng ang sagot na iyo'y gawâ ni Rizal; datapwa't ani G. Mariano Ponce ay hindî raw. Si G. Mariano Ponce ay isa sa lalong mg̃a caibigang matalic ni Rizal.

Nagpasimulâ si G. Antonio Luna ng̃ pagsulat sa La Solidaridad, at ang guinamit niyang pamagat na pangfirma sa canyáng mg̃a ilinalathálà ay "Taga-Ilog," at sa pagca't inúuyat ni "Taga-Ilog" ang iláng mg̃a ugalî ng̃ mg̃a castílá, sumagot sa canya ang páhayagang "El Pueblo Soberano", sa Barcelona, at doo'y pinacacalaitlait ng̃ dî cawásà si G. Juan Luna, sa pagca't waláng̃ boong isip ang mg̃a castílâ cung dî si G. Juan Luna ang pumifirmá ng̃ "Taga-Ilog." Hindî nacatiís si Rizal cung dî ipagsangalang ang cababayan sa isang mainam at bayaning pang̃ang̃atuwiran, na canyáng ilinathálà sa La Solidaridad ng̃ ica 30 ng̃ Noviembre ng̃ 1889. Na sa París ng̃ panahóng iyón si Rizal. Ganito ang wacás ng̃ casagutan niya:

" ...dinaramdam namin ... na ang isáng pamahayagan ng̃ isáng "partido" na may cagalinggaling̃ang mg̃a mithî, na pinacananais na mácamtan ang mg̃a dakilang adhicâ na pamamahala't paglalagdâ ng̃ mg̃a cautusa'y ang pagcacapantaypantay ang guinagamit na saguisag; pagca nauucol na sa filipino'y limutin ang canyang linalandás na asal at gumamit ng̃ pananalitang sa capalalua'y malabis at puspós ng̃ casung̃itan, nasasalig sa camalìan, na wárì mandin ang hinahang̃ad ay ang papagng̃alitin ang mg̃a may tapát na loob na [XXVIII]nananahán sa Sangcapuluan, at tila mandin sa canila'y sinasabi: ¡Ha! Howag cayong umasa sa cadalisayan ng̃ talarongtimbang̃an, howag cayong umasang kikilalanin ang inyong mg̃a catowiran, huwag cayong umasa sa pagcahabág: ¡cailan ma'y hindî mangyayaring cami'y inyong maguing capatid! Tunay ng̃a't ibig namin ang Calayaan, ang pagsunod sa Talarongtimbang̃an, ang Pagcacapantaypantay; ng̃uni't ibig naming cami lamang ang magcamit ng̃ tatlong cagaling̃ang ito; tunay ng̃a't ipinaglalaban namin ang icágagaling nang sangcataohan; ng̃uni't ang icagagaling lamang ng̃ sangcataohan sa Europa; hindî lumálampas ang aming pagting̃ín sa daco pa roon; sa pagca't cayo'y mg̃a, lahing marilaw ó caymangui, ¡cayo ng̃â ang bahálà sa inyong sariling catawán! Talagang mabang̃is ang lahát ng̃ mg̃a "partido"—cahi't na ang lalong maiiruguin sa mg̃a calayàan—sa mg̃a taga ibang lupaíng nasasacop ng̃ canicanilang nación. ¡Cung ibig ninyong magtamó ng̃ lubós na catowiran ay inyong hanapin sa pamamag-itan ng̃ pakikibaca."

Naghayag si Rizal ng̃ dalawang casulatang mahahalagá sa La Solidaridad, mula ng̃ Septiembre ng̃ 1890 hangang sa mg̃a unang bowan ng̃ 1891, na ang mg̃a pamagát ay Filipinas dentro de cien años, (calagayan ng̃ Filipinas sa loob ng̃ sandaang taón) at Sobre la indolencia de los filipinos (tungkol sa catamaran ng̃ mg̃a filipino). Sinasaysay ni Rizal sa Filipinas dentro de cien años ang mg̃a caunaunahang nangyari sa Filipinas, ang casalucuyang nangyayari ng̃ panahóng iyon at ang inaacálà niyang mangyayari sa hinaharap. Tungcól sa casalucuyang nangyayari, nagsasalitâ si Rizal ng̃ mg̃a catotohanang masasacláp, ng̃uni't mg̃a dákilang catotohanan.

"Ang pagca maramdamin ang púsò"—ani Rizal—"ang siyang pang̃ulong budhî ng̃ "indio", at sinugatan nila ang pagca maramdaming iyan; at cung natutong manatili sa pag-titiís sa mg̃a hirap at pagcaamis ng̃ búhay sa paanan ng̃ isang bandera ng̃ taga ibang lúpà, sa paglilingcod sa España,[53] hindî nacapagtiís ng̃ makita niyang ang sa caniya'y ibinabayad ng̃ canyang pinaghahayinan ng̃ buhay ay pag-alimura at mg̃a sawíng caasalán (chonggo, pilósopo, filibustero at iba pa). Nang magcágayo'y untiunting hiniwatiga't siniyasat ang canyang calagayan at napagkikila ang canyang anyong cahapishapis (wal-in ang pag-asa magpacailan man, sa canyang catubusan). Ang hindî nang̃ag-aacalà ng̃ ganitóng mangyayari, palibhasa'y nápacalupit na mg̃a pang̃inoon, ipinalagáy niláng paglabág ang anó mang daíng, ang anó mang pagtútol, at camatayan ang siyáng parusang bigáy; pinacsáng lunurin sa dugô ang anó mang sigáw ng̃ paghihírap, at guinawâ ang sunodsunód na pagcacámalì. Datapowa't hindî napagúlat sa ganitó ang budhî ng̃ bayan. At baga man sa íilang púsò lamang napúcaw ang pagdaramdam, ang ning̃as nito'y hindî naglílicat ng̃ marubdob na paglalakit, salamat sa mg̃a catampalasanan at mg̃a masasamang cagagawán ng̃ tang̃ing mg̃a táong nagpupumilit inisín ang mg̃a damdaming mahál at mairuguín. Tulad namán cung narirígkitan ng̃ alab ang suot na damít, ang pagcágulat at pagmamadalî ng̃ pagpapagpag ay siyáng lalong nacapagpaparubdob ng̃ ning̃as, at bawa't isáng pamamayagpag, bawa't isáng paghampás sa ning̃as ay isáng híhip na lalong nagpapaalab."

Mahábà pang lubhâ ang canyáng mg̃a sinaysáy, ng̃uni't ang lalong nacapagtátaca'y ang marami sa canyáng mg̃a sinabi'y naguing isáng panghuhúla, catulad ng̃ mg̃a wicâ niyáng itó:—"Marahil mapag-isipan ng̃ malakíng República Americana ang muha ng̃ sacóp sa mg̃a dacong itó, bagá man hangga ng̃ayo'y walâ siyáng pinakikialamán cung dî ang canyáng mg̃a pag-aaring na sa sa dagat Pacífico at hindî pa ng̃â siya nakikitalamitam sa mg̃a nacucuha ng̃ mg̃a ibáng nación sa Africa."

Sinabi rin niyáng cahi't lubhang payapang loob ang filipino'y mapipilitang ipagpasumalá, sa camatayan ang buhay na puspós ng̃ lait [XXIX]at cahirapan, at gayon ng̃â ang nangyari.

Ipinagsasangalang ni Rizal towî na ang canyang mg̃a caláhì, sa pamamag-itan ng̃ canyang pluma, sa mg̃a paratang at pagpapahirap ng̃ mg̃a fraile at mg̃a castílá, na ano pa't cung aking sasabihin dito ang lahat ng̃ canyang mg̃a guinawa'y hahabà ng̃ dî cawasà ang casaysayang ito, caya't ng̃ dì magcágayo'y isinasamò co sa bumabasang cung totoong ibig niyang matalós na ganap ang buhay ni Rizal at ang canyang mg̃a sinulat, bucod sa Noli me tangere, Filibusterismo at Sucesos de las Islas Filipinas, ay adhicain at basahin ang librong dî malalaon at aming ipalilimbag na ang pamagát ay Buhay ni Rizal.

Nalís sa Francia si Rizal at lumipat sa Madrid ng̃ mang̃ang̃alaghatìan na ang Agosto ng̃ 1860, at pagdating niya roo'y pinagod niya ang maraming pahayagan sa calalathálà ng̃ canyáng mg̃a sinusulat sa paglalaban ng̃ catuwiran ng̃ mg̃a filipino.

Minsa'y hindî na nagcasiya si Rizal na pluma na lamang ang gamiting sandata. Naglathálà si Don Wenceslao E. Retana sa páhayagang La Epoca ng̃ ica 16 ng̃ Noviembre ng̃ 1890, ng̃ isang sulat na laban sa mg̃a camag-anac ng̃ ating marilág na capatíd, at kinabucasa'y tumatangap na siya ng̃ dalawang sacsing inutusan ni Rizal, at siya'y ipinahahamon sa isang away na patayan (desafió â muerte). Namag-ita't ng̃ huwag mátuloy ang away na iyon ang dalawang caibigan ni Retana, at binigyang wacás ang gayong pag-aalit sa pamamag-itan ng̃ isang "acta" ó casulatang pinagfirmahanan ng̃ lahat, na doo'y sinasabing walang cahi't munting hang̃ad si Retanang ligaliguin cahi't babahagyâ, ang calooban ni Rizal, at cung sacali't may salitang dapat icamuhî ni Rizal na canyang sinulat ay ipinamamanhic na huwag pansinin at yao'y hindî niya hang̃ad. Si Retana rin ang sa canyang Vida y escritos del Dr. Rizal ay nagsabi ng̃ ganito: "Nang matapos na ang bagay na iyon, isa sa mg̃a kinatawan co, na si Sr. Scheidnagel, manunulat na militar na sa aki'y malaki ang pagguiliw, ay nagsabi sa akin: Nagaalap-ap acong mátuloy ang pag-aaway ninyó; sa pagca't talastas cong totoong magaling ang camáy ni Rizal sa pamamaril, at sacâ hindî marunong malaguím."

Sinabi ng̃ mg̃a pamahayagang castílang "La Correspondencia Alicantina", "El Demócrata," sa Lorca at ibá pa, na cung gaano raw ang cagaling̃ang totoo ng̃ camáy ni Rizal, sa pagpapagalíng ng̃ matá, ay gayon din ang cabutihang magpatámà ng̃ bala; naisusulat niyá sa pader ang canyáng pang̃alan sa pamamag-itan ng̃ mg̃a bála ng̃ pistolang canyáng pinapúputoc. Magalíng din totoong manandata siyá ng̃ espada at sable.

Nang mámasid ni Rizal na hindî niyá masunduan sa Madrid ang maalab na mithî ng̃ canyáng calolowang macapagbigay guinhawa sa Inang Filipinas, bagá man guinagamit niyá ang boong lacás ng̃ canyáng ísip, nanaw siyá roong puspós ng̃ calungcutan, pagcatapos na mailáthalà niyá sa "La Solidaridad" ang canyáng mg̃a pagsisiyasat ng̃ librong "Las luchas de nuestros dias" ni D. Francisco Pí y Margall, at ang canyáng mg̃a sinulat na ang pamagát ay "Como se gabiernan las Filipinas," "A mi.... (musa)" at "Mariang Makiling." Ica 27 ng̃ Enero ng̃ 1891 ng̃ umalís si Rizal sa Madrid na ang tung̃o'y sa París.

Decorative motif

Hindî nalaong totoo ng̃ pagtirá sa París si Rizal. Halos sa boong táong 1891 ay nátira siyá sa Bélgica. Nanahán muna siyá sa ciudad ng̃ Bruselas, ng̃uni't hindî nagluat at lumipat siyá sa ciudad ng̃ Gante, at doo'y ipinalimbág niyá ang Filibusterismo. Náhahandog ang librong itó sa mg̃a presbíterong tagalog na si párì Mariano Gómez, (walompo't limang taon); si párì José Burgos (tatlompong taón), at si párì Jacinto Zamora (tatlompo't limang taón), na ipinabitay ng̃ gobiernong castílà sa Bagumbayan ng̃ ica 28 ng̃ Febrero ng̃ 1872.

Hindî ipinagbilí ang cahi't isang libong Filibusterismo sa Madrid, ni sa alín mang ciudad ng̃ Europa; ipinadalá niyáng lahát sa Hongkong upang ipasoc ng̃ lihim sa Filipinas; ng̃uni't nátictican ng̃ mg̃a cainalám ng̃ mg̃a fraile, caya't ng̃ [XXX]dalhín dito sa Mayníla'y nahuling lahát. Gayon ma'y nacapagparating din dito ng̃ librong iyón, ng̃uni't cacauntî ang naipamahagui, dahil sa malakíng paghihigpít ng̃ mg̃a nag-uusig sa mg̃a libro ni Rizal.

G. Teodora Alonso Y Quintos, Iná ng̃ Dr. José Rizal Imp. de M Fernández. Paz, 447, Sta Cruz

Ng̃ mg̃a caarawang dumating dito sa Maynilà ang librong "Filibusterismo" ay pinaparoonan naman ang Calambâ ng̃ mg̃a guardia civil at ng̃ mg̃a castilang sundalong artillero, na ang namiminuno'y ang mabang̃is at waláng habág na si Francisco Olive y García, coronel ng̃ 20.° tercio ng̃ guardia civil, na totoong maraming pinahirapan at binaríl at ipinabaríl na mg̃a filipino, mulâ ng̃ Agosto ng̃ 1896 hangang sa malupig dito ang gobierno ng̃ castílà. Ang mg̃a guinawâ ng̃ ganid at tampalasang itó at ibá pang mg̃a castílà at cauralì ng̃ mg̃a castilang sa Filipinas ay naglaganap ng̃ kilabot dahil sa caniláng calupitán, sásaysayin co sa aking librong ilalathala tungcol sa Revolución ng̃ 1896. Iguinibâ ng̃ mg̃a guardia civil at ng̃ mg̃a artillero, sa utos ni Olive, ang mg̃a bahay nang mg̃a taga Calambang inaacalang catoto at nakikisang-ayon cay Rizal, at ng̃ maiguibâ na'y sinunog naman. Guinawa ang lahat ng̃ itó sa cahing̃ian ng̃ mg̃a fraile. Hindî pa nagcasiya ang mg̃a fraile sa gayong gawâ ay hining̃î sa pamamag-itan ni Olive sa general Weyler na ipatapon sa Joló ang dalawampo't limang mg̃a camag-anac at caibigan ni RizaL, at sumang-ayon namán ang general na iyon.

Nang mábalitaan ni Rizal ang gayong nangyari, nagdamdam ng̃ di gagaanong pighatî at sacláp ng̃ loob.

Inacálà ni Rizal na dalhin ang canyang ama't iná at mg̃a capatid sa Leida, ó sa Delpt ó sa Utrecht, at doon na sila tumirang casama niya, sa pagca't ito ang sa canya'y hatol ng̃ canyang caibigang si profesor Blumentritt, datapuwa't hindî pumayag silá sa canya, caya't ang guinawâ niya'y lumipat siya sa Hongkong at doo'y dumating ng̃ magtatapos na ang buwan ng̃ Noviembre ng̃ taóng 1891, sa pagca't ibig niyang mápalapit siya sa mg̃a sinísinta ng̃ canyang calolowa.

Hinang̃ad niyang omowi dito sa Filipinas, caya't sumulat siya sa canyang "familia" ng̃ ganito:

"Hongkong, 1 ng̃ Diciembre ng̃ 1891."

"Minamahal cong ama't iná at mg̃a capatid: Sinúsundan cong walang licát ang cahapishapis na Calvariong inyong linálacbay, Huwag cayong mang̃anib at hindî aco nagpapahing̃alay sa pagsisicap. ¡Lakíng caligayahán sana cung matulutan ninyo acong macaowî riyan! ¡Marahil magbago ang lahat! Ipagcaloob ng̃a ninyo sa akin ang capahintulutang ito at papariyan agad acó. Umaasa acó, lubos ang aking paniniwalang magalíng ang ating calalabasan."

"Natatalastas co ang pagcaparoon ng̃ apat na cababayan sa Joló, at ang pagcábalic ng̃ aking capatid na lalaki sa Maynila. Natalastas co ring mulíng ipinatawag sa Gobierno Civil ang Nanay, si Pang̃oy at si Trining. Taglayín ninyó ang caunting pagtitiis. Lacsán ang loob."

"Sa pagca't pinapagmámadalî aco ng̃ panaho'y bíbigyan cong wacás itóng sulat."

"Maalab ang aking mithíng cayo'y mayacap."

Ang inyóng anác,—Rizal.

Sinagót agad siyá ng̃ canyang familiang howag ituloy ang canyang gayac, cayâ hindî siyá nátuloy niyón ng̃ pag-owi rito.

Umupa siyá ng̃ bahay sa Hongkong at doon na siyá nagtumirá, hangang sa siya'y bumili ng̃ maraming libro, na ang bilang ay dumating hangang sa sanglibo.

Ng̃uni't hindî rin siyá mátahimic; ninanasâ niyang totoo ang capanatagán ng̃ canyáng mg̃a magulang, mg̃a capatíd, mg̃a camag-anac at mg̃a cababayan, caya't naglacbáy siya sa Borneo, lupang sacóp ng̃ Inglaterra[54], at ng̃ makita niyang doo'y maluwag ang pamamayan, ming̃î siyá sa Gobierno ng̃ Inglés na pagcalooban siyá ng̃ lupang mátahanan at mápagtamnan ng̃ mg̃a halaman, at pumayag naman ang Gobiernong iyon.

[XXXI]Gayác na sana si Rizal, ng̃ pagpasa Borneo, na doo'y isasama niyá ang canyáng mg̃a magulang, capatíd, kinamag-anacan at cababayan, ng̃ mabalitaan niyang dito sa Filipinas ay may bagong Gobernador General na totoong masintahin sa catowiran. Ito'y ang teniente general Eulogio Despujol y Dusay, Conde de Caspe, na dumating dito ng̃ ica 17 ng̃ Noviembre ng̃ 1881. At tunay ng̃â namán. Ng̃ mg̃a unang buwan ng̃ pamumunò rito ng̃ general Despujol ay nagpakita ng̃ pag-uusig sa mg̃a gawáng masamâ ng̃ mg̃a castílà, at ipinakilala niyang hindî siyá sang-ayon sa mg̃a caasalán ng̃ mg̃a fraile. Sa pagca't marami ang nagbalitâ cay Rizal ng̃ mg̃a gayong panunupád ng̃ General Despujol sa canyáng mataas na catungculan, sumulat siya sa Gobernador General na itó, at sinabi niya ang nasang omowî rito sa Maynilà upang ihandóg niya ang pagtulong sa lalong magalíng na pamamanihalâ ng̃ lupaíng itó. Hindî sumagót si Despujol sa sulat na iyón, ng̃uni't ng̃ macaraan ang iláng buwan, mulíng sumulat si Rizal ng̃ Mayo ng̃ 1892 sa General, at sinabi niyá ang canyang acalang bumalic siyá sa bayang itóng sa canya'y pinang̃anacan, upang ipagbili niya at ng̃ canyang mg̃a caibigan ang mg̃a pag-aaring sa canila'y nátitira pa, at ng̃ macalipat silá ng̃ pamamayan sa Borneo, na casama ang canicaniláng asawa't mg̃a anác, at doo'y mang̃ang̃asíwà silá sa pagsasáca, sulat na hindî sinagót ng̃ sulat din ng̃ general Despujol, cung dî ang guinawa'y ipinasabi na lamang sa canyá sa Cónsul ng̃ España sa Hongkong, "na sa pagca't culang na culang sa magsasacá ang mg̃a lúpà rito sa Filipinas, hindî ng̃â gawang macabayan ang alsán ng̃ mg̃a magsasacá rito upang bigyang casaganaan ang lúpà ng̃ mg̃a taga ibang nación, caya't dahil dito'y hindî ng̃â siyá macatutulong sa gayong nais"; sacâ idinugtong ang sabing: "sino mang filipino'y macatutulong mulâ sa alín mang bayan ng̃ Sangcapuluan sa iguiguinháwa ng̃ lupaíng itó, sa loob ng̃ nasasaclaw ng̃ mg̃a cautusán ng̃ sariling bayan."

Datapuwa't cung nagsusumakit man si Rizal sa icapapanatag ng̃ mg̃a irog ng̃ canyáng puso'y hindî naman niya nililimot ang ipagtatamó ng̃ guinhawa, mg̃a calayâan at casarinlán ng̃ Filipinas, at sa pagca't ang pagcacaisa'y siyang mahigpít na cailang̃an upang tamuhín ang mg̃a gayóng bagay, inisip niya't itinatag ang isáng samahang pinang̃alanan niyang Liga Filipina; nagpalimbag siyá ng̃ maraming palatuntunan ng̃ capisanang itó at ipinadalá sa canyáng caibigang si G. Domingo Franco.

Sa pagca't inaacalà cong lubhang mahalagang bagay, aking isasatagalog ang "Estatutos de la Liga Filipina", sa pagca't mainam na gawing ulirán sa pagtatayô ng̃ ano mang samahang nauucol sa catubusan nitong ating kinaguisnang bayan.[55]

Ang mg̃a abreviaturang cagamitan sa "Estatutos de la Liga Filipina" (Palatuntunan ng̃ Pagcacabigkísbigkís ng̃ mg̃a Filipino) ay ang sumusúnod:

L. F., Liga Filipina; Pagcacabigkísbigkís ng̃ mg̃a Filipino.

A * * *, Archipiélago; Sangcapuluan.

VIO * * *, Vnvs Instar Omnium; Pagcacaisá ng̃ lahát.

Cp, Consejo popular; Capulung̃áng bayan.

CP, Consejo Provincial; Capulung̃áng Lalawigan.

CS, Consejo Supremo; Cataastaasang Púnò.

GS, Gefe Supremo; Cataastaasang Púnò.

G, gefe; Púnò.

F, Fiscal; Taga-usig.

T, Tesorero; Taga-ing̃at-yaman.

S, Secretario; Calihim.

[XXXII]A, Afiliado ó afiliados; Capanig ó Mg̃a Capanig.

P, mayúscula (malaking P), ang cahuluga'y Provincial, ang nauucol sa Lalawigan; at p minúscula, (maliit na p), ang cahuluga'y "popular, ang nauucol sa bayan".

Ganito sa wicang tagalog ang sinabi ng̃ "Estatutos":

L. P.

ADHICA: Paglakiplakipín ang A * * * sa isá lamang capisanang nag-iibigang mahigpít, malacás at nagcácaisang anyô ang magcacapanig.

2. Mang̃agtangkilican sa lahát ng̃ capang̃aniban at pang̃ang̃ailang̃an.

3. Pagsasang̃galang laban sa anó mang catampalasanan at gawáng sawî sa catuwiran.

4. Pagpapalagô ng̃ pag-aaral, ng̃ pagsasaca at ng̃ pang̃ang̃alacal.

5. Pag-iísip at paggamit ng̃ mg̃a pagbabagong cautusán.

Saguisag: VIO * * *

Palatandàan: * * *

PARAAN:

1. Upang masunduan ang mg̃a ADHICANG ito'y magtatatag ng̃ Cp, CP at sacâ isáng CS.

2. Bawa't C ay magcacaroon ng̃ isáng G, F, T, S at mg̃a capanig.

3. Bubuô-in ang CS ng̃ mg̃a GP, at gayon ding bubuô-in ang CP ng̃ mg̃a Gp.

4. Nag-uutos ang CS sa LP at makikipag-alam na tulóy-tulóy sa mg̃a GP at mg̃a Gp.

5. Nag-uutos ang CP sa mg̃a Gp.

6. Ang Gp ay nacapag-uutos sa mg̃a A.

7. Bawa't CP at Cp ay gagamit ng̃ isáng pang̃alang ibá sa pang̃alan ng̃ kinalalagyang bayan ó lupaín.

MGA CATUNGCULAN NG̃ MG̃A A.

1. Magbabayad ng̃ dalawang piso pagpasoc, at bucod sa rito'y piso sa bawa't buwan.

2. Súsunod ng̃ waláng tutol at ng̃ boong caganapán ang lahát sa mg̃a cautusáng mangaling sa isáng C ó sa isáng G ó sa GS.

3. Ipagbíbigay alám sa F ng̃ canyang C ang anó mang mahiwatigan ó maringíg na nauucol sa LP.

4. Pacaiing̃atan ang paglilihim ng̃ ano mang lagdâ, cautusán ó cahatulán ng̃ C.

5. Sa anó mang gágawin sa pamumuhay ay bíbigyang ling̃ap ang mg̃a A; howag bíbili cung dî sa tindahan ng̃ A, at cung magbíbili naman ng̃ ano man sa isáng A ay bababàan ang halagá. Parurusahan ng̃ mabigat ang ano mang pagsuay sa cautusang itó. * * *

6. Ang A na hindî sumaclolo, baga man mangyayari, sa isang capwâ A, na nakikitang na sa caguipitan ó pang̃anib ay parurusahan, at ang caliitan ng̃ parusang ito'y ang capantay ng̃ paghihirap na tiniis ng̃ dapat niyang saclolohan.

7. Gagamit bawa't A, pagpanig niya sa LF, ng̃ bagong pang̃alang hindî niya mababago ulî hangang hindî siyá naguiguing GP.

8. Itutulong sa bawa't C ang isáng gawâ, isáng paalaala, isáng natutuhang dunong ó ng̃ paghicayat sa magagandang loob na cababayang sila'y umanib sa LF.

9. Howag paaalimúra at howag magpapalálò canino man.

MGA CATUNGCULAN NG G.

1. Ling̃atan ang búhay ng̃ canyang C. Sacali't siyá ang GS, dapat niyáng masaulo ang mg̃a pang̃alang bago at gayon din ang ng̃alang tunay ng̃ mg̃a C, at sacali't siya'y Gp ay dapat niyang masaulo ang mg̃a pang̃alang dati at pang̃alang bago ng̃ sacóp niyang mg̃a A.

2. Sa towi na'y pagsisicapang maalaman ang lalong magalíng na paraan upang magcáisa ang canyáng mg̃a nasasacupan at sila'y mapag-abot-usap agad-agád.

3. Pagsisicapang maalaman at pagdaca'y bibigyang cagamutan ang mg̃a pang̃ang̃ailang̃an ng̃ LP, ng̃ CP ó ng̃ Cp, alisunod sa cung siya'y GS, GP ó Gp.

4. Pápansinin agad at paglilitisin ang lahat ng̃ mg̃a paalaala, mg̃a sulat at mg̃a cahing̃ìang canyang tangapín, at ipagbíbigay alam na madalì cung cang̃ino nararapat.

5. Sa pang̃anib ay siya ang magpapáuna at siya ang unang manánagot ng̃ ano mang mangyari sa loob ng̃ caniyang C.

6. Magbigay ulirán ng̃ canyang pagca masunurin sa canyang mg̃a púnò, at ng̃ siyá, nama'y sundín ng̃ canyang mg̃a pinamumunúan.

[XXXIII]7. Ipagpapalaga'y ang catapustapusang A na isáng caboôan ng̃ LF.

8. Ang mg̃a caculang̃áng gawín ng̃ mg̃a púnò ay parurusahan ng̃ higuít ang cabigatán sa mg̃a parusang ibiníbigay sa isáng A lamang.

MGA CATUNGCULAN NG F:

1. Ang F ang siyang mang̃ang̃asiwà upang tumupád ang lahat ng̃ canícanilang catungculan.

2. Isusumbong sa haráp ng̃ C ang ano mang páglabág ó hindî pagtupád na canyang mámasid sa sino mang caanib sa C.

3. Ipagbigay alam sa C ang ano mang pang̃anib ó pag-uusig.

4. Siyasatin ang calagayan ng̃ salapì ng̃ C.

CATUNGCULAN NG T:

1. Magtátaglay ng̃ isáng talaan ng̃ mg̃a bagong pang̃alan ng̃ mg̃a A. na bumubuò ng̃ canyang C.

2. Magbíbigay ng̃ mahigpit na sulit sa buwan buwan ng̃ tinátangap niyáng bayad ng̃ isá't isá, na ang magtatalâ sa libro'y ang mg̃a A rin, na ang canícanilang tang̃ing pang̃alang bago (simbólico) ang gagamitin.

3. Magbibigay ng̃ "recibo" (catibayan), at canyáng ipatatalâ sa librong talaan, na ang letra at sulat ay sa táo ring nag-aambag, ang lahát ng̃ ambág na humihíguit sa píso at hindî humíhiguit sa limampong piso.

4. Ititira ng̃ Tp sa Caja ng̃ Cp ang icatlông bahagui ng̃ mg̃a naliligpit niyang mg̃a bayad at ng̃ siyang maipagtakíp sa mg̃a cailang̃an ng̃ sinabi ng̃ Cp. Pagdumatíng na sa halagang sampong piso, ang dalawáng bahagui ay ibíbigay sa TP; ipakikita sa TP ang canyang talàan at siyá rin, sa macatuwíd baga'y ang Tp din, ang susulat sa talàan ng̃ TP ng̃ salaping canyáng ibinigáy. Pagcatapos ay magbíbigay ng̃ isang "recibo" ang TP, at cung sang-ayon siyá sa mg̃a cuenta ay canyáng lálagyan ng̃ "Visto Bueno" ó "Sang-ayon" ang librong talaan ng̃ Tp. Gayon din ang gáganaping paraan pagca nagbibigay ang TP sa TS ng̃ halagang mahiguít sa sampong piso.

5. Itítira ng̃ TP sa canyáng Caja ang icasampong bahagui ng̃ mg̃a salaping sa canya'y ibinibigay ng̃ mg̃a Tp at ng̃ siyang magugol ng̃ CP. at ang siyám sa sampong bahagui ay ibíbigay sa TS ng̃ CS.

6. Pagca ibig magbigay ng̃ sino mang A sa LF ng̃ halagang mahiguít sa limampong piso, canyang ihahabilin ang salaping iyon sa alín mang matatág na Banco, na ang ipalálagay niya'y ang tunay niyang pang̃alang caraniwan, at sacâ ibíbigay niya ang recibo sa sino mang magali~ngín niyang T.

MGA CATUNCULAN NG S.

1. Ipagbibigay alám sa bawa't pagpupulong ang pinagcayarîang batás at ipauunáwà, ang mg̃a gagawin.

2. Siya ang susulat ng̃ mg̃a liham ng̃ C. Sacali't umalís ó hindî macaganáp ang sino mang púnò, maghahalal siya ng̃ samantalang cahalili sa punong hindî macaganáp.

MGA CATUWIRAN NG MGA A.

1. May catowiran ang lahát ng̃ A sa saclolong paghahatol at sa saclolong salapî ng̃ canyang C at ng̃ LF.

2. Mahihing̃î niya sa lahát ng̃ mg̃a A na siya'y tangkilikin sa canyang pang̃ang̃alacal ó hánap-búhay, cailan man at patibayan niyang hindî sahól ang calacal ó hánap-búhay niya sa mg̃a ibá. Upang camtán niya ang tangkilic na itó, sasabihin niya ang canyang tunay na pang̃alan at ang canyang calagayan sa canyang Gp, upang ipagbigay alam nitó sa GS, at ng̃ ito nama'y macapagbigay alám sa lahát ng̃ mg̃a A ng̃ LF.

3. Sa ano mang caguipitan, pagcaapí ó catampalasanang laban sa catuwirang sa caniya'y mangyari, mahíhing̃î niya ang boong pagtatangkilic ng̃ LF.

4. Macahíhing̃i ng̃ puhunan sa ano mang hánap búhay, cailan ma't may salapî sa Caja.

5. Macahíhing̃i ng̃ bawas ng̃ halagá ng̃ ano mang canyang bilhin, ó ano mang paglilingcod na canyang hiling̃in sa alin mang tindahan ó bahay-calacal na tinatangkilic ng̃ LF.

6. Hindî mapaghahatulan ang sino mang A hanggang hindî muna naipahihintulot sa canya ang pagsasanggalang.

[XXXIV]

MGA CATUWIRAN NG GS.

1. Hindi siya matututulan, cung dî rin lamang may mang̃unang sumbóng na laban sa canya ang F.

2. Macagagawâ siya ng̃ bawa't canyang magaling̃ín, dahil sa caculang̃an ng̃ panahon upáng mahintay ang pagpupulong na dapat gawin ng̃ mg̃a bumubúò ng̃ CS; ng̃uni't may catungculan siyang managót sa mg̃a casisiháng sa canya'y gawín, cung gumawâ siya ng̃ dî dapat.

3. Sa loob ng̃ alin mang C. ay siya ang hucóm na macahahatol sa ano mang usapín ó pagcacáalit.

4. Siya ang tang̃ing may capangyarihang macaalam ng̃ tunay na mg̃a pang̃alan ng̃ canyang mg̃a A ó nasasacupan.

5. Lubós ang canyang capangyarihan upang canyang itatag ang mg̃a paraang gagawin sa mg̃a pagpupulong, mg̃a pagpapadalahan ng̃ sulat at ang mg̃a inaadhicang gawín, upang lalong pakinabang̃an, pumanatag at mangyari ng̃ boong cadalîan ang mg̃a adhicâ ng̃ LF.

6. Pagcâ lubhang marami ang nang̃apapanig sa isang Cp, mangyayaring magtatag ang Gp ng̃ isang sub C, at siya ang unaunang maghahalal ng̃ mg̃a púnò. Cung natatatag na ay pababayaang ang mg̃a magcacapanig ang siyang maghalal ng̃ mg̃a púnò, ayon sa tadhánà ng̃ mg̃a palatuntunang ito.

7. May capangyarihan ang lahat ng̃ G na magtayo ng̃ isang C sa alin mang bayang wala pa nito, at pagkatapos ay ipagbibigay alam sa CS * * * ó sa CP.

8. Ang G ang siyáng magháhalal sa S.

MGA CATUWIRAN NG F:

1. Magpalabas ó magpapasoc sa nasusumbong sa pinagpupulung̃an, samantalang pinaguusapan sa C ang mg̃a nangyari.

2. Masisiyasat sa ano mang oras ang mg̃a librong talaan.

MGA CATUWIRAN NG T:

Magagamít ang salapíng canyang iniing̃atan sa isáng mahígpit at lubhang malaking pang̃ang̃ailang̃an ng̃ sino mang A ó ng̃ C; ng̃uni't may catungculang ipagbigay sabi at managót sa haráp ng̃ Tribunal ng̃ LF.

TANGING MGA CATUWIRAN NG GS:

1. Macatatawag ng̃ mg̃a pulong ó pagcacatipong hindî caraniwan, bucod sa guinágawà sa bowán bowán.

2. May malakíng capangyarihan ang G S upang macagamit ng̃ salapi ng̃ capisanan sa totoong mg̃a pang̃ang̃ailang̃an, cailan ma't ipagbigay alam pagcatapos sa CS.

PAG-UUCULAN NG SALAPI:

1. Pagcacagugulan sa pagpapa-aral ang A ó ang canyang anác, cung mapagmasdang totoong matalas ang ísip at masipag mag-aral, ng̃uni't walang caya.

2. Gugugulan ang paglalaban ng̃ catuwiran ng̃ isang dukhang A sa canyang pakikipag-usapin sa isang macapangyarihan.

3. Sasaclolohan ang maguing dukhang A.

4. Pahihiramín ng̃ puhunan ang A na mag cailang̃an, sa pagtatayô ng̃ isang hánap-buhay ó ng̃ macapagsaca ng̃ lúpà.

5. Tutulong at ng̃ gumaang ang pagdadalá rito ng̃ mg̃a máquina at ang pagtatayo ng̃ mg̃a bago ritong hánap-búhay ó kinakailang̃ang hánap-búhay.

6. Magbúbucas ng̃ mg̃a tindahan, mg̃a almacen at iba pang mábibilhan ng̃ mg̃a A ng̃ canilang mg̃a kinakailang̃an upang macabilí ng̃ lalong mura ang halagá cay sa mg̃a ibá.

MGA BATAS NA PANGCALAHATAN:

1. Sino ma'y hindî matátangap sa LF, cung hindi muna nagagawa ang pagcacaisang voto ng̃ mg̃a A sa C ng̃ canyang bayan, at cung hindî pa nagagawa sa canya ang mg̃a pagtikím na kinacailang̃ang sa canya'y gawín muna.

2. Dalawang taón ang taning lamang ng̃ tagál ng̃ pang̃ang̃atungculan ng̃ bawa't isa, liban na lamang cung magcaroon ng̃ ano mang sacdál ng̃ F.

3. Upang magtamó ng̃ catungculan ay kinakailang̃an ang tatlóng icapat na bahagui ng̃ mg̃a "voto" ng̃ mg̃a caharáp.

4. Inihahalal ng̃ mg̃a A ang Gp, ang Fp at ang Tp; ang mg̃a punong p ang siyáng mang̃agháhalal sa mg̃a punong P, at ang mg̃a punong P ang magháhalal sa GS.

[XXXV]5. Cailan man at tátangap ng̃ isáng A, ipagbibigay alám ng̃ Gp sa GS ang pang̃alang dati at ang pang̃alang bago ng̃ tinangáp na A; at gayon din ang gágawin pagca nagtayò ng̃ isáng bagong C.

6. Ang pang̃alang "simbólico" (pamagát) ang, siya lamang ilálagay sa pagpápadalhan at gayon din ang firma sa mg̃a sulat cung panahóng caraniwan, at ganitó ang gágawing pagpapadalá: ipadádala ng̃ A sa Gp at ipadádala ng̃ Gp sa GP, ó sa GS, at gayon din sa pabalíc; sa macatuwid: mangagaling sa GS ó GP na patung̃o sa Gp, at mulâ sa Gp hang̃ang sa A. Cung panahóng dî caraniwan lamang manyayaring masírà ang ganitong palácad. Gayon man, sa ano mang panahón at sa alin mang calagayan ang GS ay macapagpápadala ng̃ sulat ó mangyayaring makipag-usap sa canino mang capanig sa LF.

7. Hindî kinacailang̃ang mácaharap ang lahát ng̃ mg̃a capanig ng̃ C sa pagcacaroon ng̃ catibayan ng̃ ano mang pagcayarîan.

8. Sa alín mang sandalî ng̃ caguipitan ay ipalálagay ng̃ bawa't C na siyá ang caligtasan ó cútà ng̃ LF, at cung sa ano mang dahil ay magcawaraywaray ó masirà ang alín mang capulung̃an, bawa't C bawa't G, bawa't A ay magaatang sa sarili ng̃ catungculang pagtatatag at pagyarî ulì ng̃ nalanság.

CASULATAN SA PAGPASOC SA LF.

Sa Gp ng̃ Cp sa...........................

Aco'y si...........................,...... ................may..................taóng gulang...................., ang calagaya'y ...............(dito ilalagay cung binátà, may asawa ó bao).......................... ang hanap-buhay, tubo sa bayan ng̃........ .............lalawigan ng̃................ nananahan sa daang........................ bilang...........ng̃ bayan ng̃............ lalawigan ng̃......,.................., sa aking pagka tunay na anac na irog ng̃ Filipinas; sinasaysay co, sa ilalim ng̃ tunay at tapat na panunumpâ, na aking napagkikilala at ganáp na napagtátalos ang mg̃a adhicáng pinagsisicapang camtan ng̃ LF, na nátatalâ sa licuran ng̃ casulatang ito; caya ng̃a aco'y napasásacop at cusang nakikiusap sa GP ng̃ lalawigang ito, na mangyaring aco'y tangaping A * at tapat na loob na catúlong ng̃ LF, at sa icapagcácamit ng̃ cahiling̃an cong ito, lubos acong náhahandang gumawâ at sumunod sa mg̃a kinakailang̃ang pagtikím na sa aki'y hing̃ín, bilang pagpapatotoo ng̃ cataimtimán ng̃ aking pakikipanig.

.............ica..........ng̃......... ......ng 18........

...................................

Decorative motif

Taglay ng̃ vapor na naghatíd sa Maynílà cay Rizal ang sumúsunod na sulat cay Don Eulogio Despujol, Gobernador at Capitán General ng̃ Filipinas.

"Marilág na guinoo: Ang cadahilanan nito'y ipagbigay alám pô sa inyó, na casabay ng̃ correong itó ang aking pagpariyan sa aking bayan, upang lumagáy pô acó sa ilalim ng̃ inyong capangyarihan, ang una, at ang icalawa'y upang paghusayin ang aking sariling mg̃a pagcabúhay. Aayaw ang mg̃a caibiga't mg̃a ibang tao na aco'y pumarito, at ipinaalaala nila sa aking lumálagay acó sa pang̃anib na líhim sa ganitóng gawâ; ng̃uni't umaasa aco sa ganap ninyong pag-ibig sa catuwirang tumatankilic sa lahát ng̃ mg̃a nasásacop ng̃ España sa Filipinas; umaasa rin acó sa dalisay cong ipinagmamasakit at sa capayapáan ng̃ aking budhî, at matututong ing̃atan aco ng̃, Dios at ng̃ mg̃a cautusán sa lahat ng̃ mg̃a sílò pagpapahamac.

Sabihanang dahil daw sa akin ay pinag-uusig ng̃ boong calupitán ang aking mg̃a magulang na matatandâ na, ang aking mg̃a camag-anac at patí ng̃ mg̃a táong hindî co kilalá. Ng̃ayo'y humáharap acó upang sa akin ibuntó ang gayóng calakíng mg̃a pag-uusig, upang aco'y managót sa mg̃a sacdál na ibig niláng gawín laban sa akin, at sa ganito'y ng̃ mawacasán iyang caligaligáng masacláp sa mg̃a walang casalanan, at malungcot sa pamahálâ pô ninyong nagsusumicap na mapagkilala sa panununtón sa catowíran.

"Dahil sa hindî po ninyó pag-imic sa aking [XXXVI]mg̃a sulat;—hindî pag-imíc na sa wala acóng maacalang naguiguing cadahilanan cung dî ang lubhang malaking calakhan ng̃ pag-itan, mulâ sa cataastaasáng calagayan po ninyó hangang sa cababàan ng̃ aking cataohan, sa pagca't kilala po ang cagandahan ninyong makipagcapowa tao,—hindî co maalaman cung inyong mamagaling̃ín ang humaráp aco sa sa inyo, hindî man ninyo aco tinatawag. Dahil sa bagay na ito'y maghihintay po aco sa isá sa mg̃a hotel[56] sa Maynílà, marahil ay si "Hotel Oriente" sa pagbabacá-sacaling may ibig pô cayóng paglagayán sa akin ó ano mang bagay na ipag-uutos, at cung macaraan ang tatlong araw, cung walâ cayóng inilalagay na hadláng, gagamitin co ang aking calayàan upang paghusayin co ang aking caunting pag-aárì, sa aking pag-asang nacaganáp na aco sa Gobierno at sa aking mg̃a cababayan.

"Taimtim cong nasang cayo'y ing̃atan ng̃ Dios sa mahabang panahon, at aco po, guinoo ang puspos na mapitagan at masunuring lingcod,—Jose Rizal.—Hongkong, 21 ng̃ Junio ng̃ 1892".

Ang sumusunod namang sulat na hindî napagtalós cung dî ng̃ siya'y patay na, ay canyang inihabilin cay D. Lorenzo Pereyra Marquez, na taga Macaw, bago siyá lumulan sa vapor na maghahatíd sa canyá sa Maynílà, at ang bilin ay ibigay sa canyang familia, ang dalawang sulat na iyon, cung siya'y patay na, Ganitó ang sabi:

"Sa mg̃a iniirog cong mg̃a magulang, mg̃a capatíd at mg̃a caibigan:

"Ang pagsintang sa towi na'y isinusuyò co sa inyó ang siyang sa aki'y naguutos na gawín co ang ganitóng bagay, na ang mangyayari sa hulí lamang ang macapagsasabi cung matinô ó hindî. Ang nangyayari ang siyang nagpápasiya sa mg̃a bagay alinsunod sa kinalálabasan; ng̃uni't magalíng ó masamâ ang cahínatnan, cailan ma'y wiwicàing ang tungculin co ang siyáng nag-utos, at hindî ng̃â dapat damdaming mamatáy acó sa pagtupád ng aking catungculan.

"Talastás cong cayo'y pinapagdusa co ng̃ hindî cawásà; ng̃uni't hindî acó nagsisisi sa aking guinawâ, sa pagca't yao'y siya cong catungculan. Masayá ang aking loob sa paglagáy sa pang̃anib, hindî ng̃ pagdusahan co ang aking sala (na sa bagay na ito'y walà acóng guinagawang camalian ayon sa aking paniniwálà), cung dî ng̃ bigyán cong capurihán ang aking gawâ at sacsihán ng̃ aking pagbibigay halimbáwà ang mg̃a bagay na aking iniaral.

"Dapat magpacamatáy ang tao sa pagganáp ng̃ canyang catungculan at sa canyang mg̃a pinananaligan. Ipinagmámatigas co ang lahát ng̃ mg̃a caisipáng aking inilagdâ tungcol sa calagayan at hináharap na panahón ng̃ tinubuan cong lupaín, at mamamatáy acó ng̃ boong towâ sa pagsinta sa canya, at lálò na sa pagsusumicap na inyong camtan ang tapat na catuwiran at capanatagán.

Isinasapang̃anib co ng̃ boong galác ang aking búhay-upang aking mailigtas ang lubhang maraming mg̃a walang malay-sala: ang lubhang maraming mg̃a pamangkin, ang lubhang maraming mg̃a sangól ng̃ mg̃a caibiga't hindî caibigang nang̃agcacahirap dahil sa akin.

¿Anó acó? Isáng táong nag-íisa, walang familia hálos, nilagoc, na ng̃ búhay ang lubhang mapait na mg̃a carayaan ng̃ mundo. Maraming pag-cabigô ang akíng tiniís, at marilím ang handog sa akin ng̃ hináharap na panahón, at totoong cádilimdiliman cung ang hináharap na panahóng iya'y hindî liniliwanagan ng̃ ilaw, ng̃ liwayway ng̃ aking tinubuang lupaín. Samantalang lubhang marami ang mg̃a táong puspos ng̃ mg̃a pag-asa at ng̃ mg̃a minímithing towâ, na marahil ay liligayang lahát cung aco'y mamatáy; sa pagca't inaasahan cong masisiyahan na ang aking mg̃a caaway at hindî na nila pag-uusiguin ang totoong maraming walang málay-sála. Hálos sumasa catwiran silá ng̃ pagtataním ng̃ galit sa akin tungcol sa aking magulang at sa aking mg̃a kinamag-anacan.

[XXXVII]"Sacali't lisyâ ang aking palad, talastasín ng̃ lahat na maligayang makikitil ang aking búhay, sa pag-aacalang masusunduan sa aking pagcamatay ang pagpapahintô ng̃ caniláng masasaclap na mg̃a kahirapan. Mang̃abalíc nawâ silá sa kinaguisnang bayan natín at ng̃ doo'y lumigaya silá.

"Hangang sa hulíng sandalî ng̃ aking búhay cayó ang aking isasapag-iísip at hahang̃arín cong inyong tamuhín ang lahat ng̃ bagay na mg̃a caligayahán.—Jose Rizal.—Hongkong, 20 ng̃ Junio ng̃ 1892".

Itó namán ang pang̃atlong sulat na canyang ilinagdâ, na nagpapakikilalang nakikinikinitá na niyang maaamís ang canyang búhay sa canyang pag-owî dito sa bayang kinakitâan niya ng̃ unang liwanag:

"Sa mg̃a Filipino:

"Totoong mapang̃anib ng̃â ang aking guinawâ ó ang aking gágawin, at hindî co kinacailang̃ang sabihing pinag-ísip co munang magalíng bago co itinulóy. Talastás cong aayaw na gawín co itó halos ang lahát; datapuwa't talastás co rin namang hindî alám ng̃ halos lahát ang nangyayari sa aking púsò. Hindî mangyayaring mabuhay acó na aking nalalamang maraming nang̃agdurusa sa mg̃a walâ sa catowírang sa canila'y pag-uusig dahil sa akin; hindî mangyayaring mabuhay acóng aking pinanonood ang aking mg̃a capatid at ang canilang maraming mg̃a hinlóg na pinag-uusig na waláng pinag-ibhán sa mg̃a táong tampalasan; minámagaling co pang lumulóng sa camatayan, at ipinagcacaloob co ng̃ boong towâ ang aking búhay upang máligtas lamang ang pagcaramiraming mg̃a waláng málay-sála sa gayóng walâ sa catuwirang pag-uusig. Talastás cong naaatang sa akin ang isáng bahagui ng̃ sasapitin ng̃ aking tinubuang lúpà, sa hináharap na panahôn: na cung mamatay aco'y marami ang mang̃agtatagumpay, at yamang gayo'y marami ang nang̃agmimithi ng̃ aking pagcapahamac. Datapuwa't ¿anó ang aking gagawin? Ang unauna'y may mg̃a catungculan acóng dapat ganapín sa aking sariling budhî, may mg̃a catungculan acó sa mg̃a familia ng̃ nang̃agdurusa, may catungculan acó sa aking mg̃a magulang na dumarating hangang sa caibuturan ng̃ aking púsò ang canilang mg̃a buntóng hining̃á; talastás cong acó lamang, cahi't ang camatayan co ang mácapalit, ang siyang macapagbibigáy ligaya sa canilá, sa pagpapabalíc sa caniláng kinamulatang bayan at sa catahimican ng̃ sariling báhay. Walángwalâ acó cung dî ang aking mg̃a magulang; ng̃uni't ang tinubuan cong lúpa'y marami pang totoong mg̃a anác na macaháhalili sa akin, at humahalili na ng̃ang higuít sa akin ang caniláng nagágawâ.

"Bucod sa rito'y ibig cong ipakita sa mg̃a nagsasabing dî umano'y hindî tayo marunong sumintá sa kinamulatang lúpà, na tayo'y marunong magpacamatáy sa pag-tupád ng̃ ating catungculan at sa ating mg̃a pinananaligan. ¿Anó ang cabuluhan ng̃ camatayan, cung namamatay dahil sa sinísinta, dahil bagá sa kinamulatang bayan at dahil naman sa mg̃a táong sinusuyuan ng̃ ganáp na pag-ibig?

"Cung napagtátalastas co sanang aco ang pinagpapatoonan ng̃ política[57] ng̃ Filipinas, at cung mapagtalastás co sanang cagamitan ng̃ aking mg̃a kababayan ang aking pag-lilingcod, marahil mag-alinlang̃an aco sa pagpapatuloy nitong aking gágawin; datapowa't may mg̃a ibáng macacahalili sa akin, at humahalilí na ng̃ang malaki ang nagagawa cay sa akin; hindî lamang ito: marahil pa'y may mg̃a nagpapalagay na aco'y calabisan na, at hindî gagamitin ang aking mg̃a paglilingcod, sa pagca't aayaw niláng pakilusin acó.

"Sinintá cong laguì ang caawaawá cong tinubúang lúpà, at matibay ang paniniwalà cong siya'y aking pacasísintahin hangang sa hulíng sandalî ng̃ aking búhay, cáhíman gawín sa akin ng̃ sangcataohan ang walâ sa catowiran; at hindî co hinalagahan at páwà cong inihandog sa kináguisnan cong lupaín ang aking panahóng dáratnin, ang aking búhay at ang aking mg̃a catowàan. Ano man ang aking cásapitan, mamámatay acong pinacapupuri ang aking bayang tinubúan at sa canya'y mímithiin [XXXVIII]ang pagbubucang liwayway ng̃ canyang catubusan.

"Pagcamatay co'y ilathála ang mg̃a sulat na ito.—Jose Rizal.—Hongkong, 20 ng̃ Junio ng̃ 1892."

Dumating dito sa Maynílà si Rizal, na casama ang isang capatid niyang babae, ng̃ ica 26 ng̃ gabí Junio ng̃ 1892, at doon siya tumuloy sa Hotel de Oriente, at bilang 22 ang tahanang ibinigáy sa canya roón. Hindi kinacailang̃ang sabihing siya'y sinalubong ng̃ canyang mg̃a magulang, mg̃a capatid, bayaw, mg̃a camag-anac, mg̃a caibigan, mg̃a cakilala at hindî cakilala. Lumaganap agad-agad sa boong Maynílà ang matuling aling̃awng̃aw ng̃ canyang pagdatíng, at nang̃agtacá ng̃ dî cawásà ang canyang mg̃a caibigan at mg̃a caaway sa canyang capang̃ahasan sa pagparito niyá sa lupaíng pinaghaharîan ng̃ mg̃a ganid na púsong walang ibáng lalong pinacananais cung dî kitlín ang canyang mahalagang búhay. Buhat ng̃ matalastás ang canyang pagdatíng dito'y walang dî humulang hindî malalao't canyang dáratnín ang capahamacáng malaon ng̃ sa canya'y inilalaan ng̃ mg̃a taong tampalasang isinasacdal niya sa sanglibutan, sa pamamagitang ng̃ mg̃a casulatang canyang ilinathálà sa—"La Solidaridad" at ibá pang mg̃a pámahayagan sa Europa, at lalonglalo na sa mg̃a kitnathâ at ipinalimbag niyang mg̃a librong "Noli me tangere" at "Filibusterismo" at gayon din sa "Sucesos de Filipinas" na sinulat ni Morga at nilagyan niya ng̃ mg̃a paunawà at bago ipinalimbag.

Nang mabalitaan ng̃ paham at macabayang si Guinoong Apolinario Mabini ang canyang pagdating dito, caracaraca'y nagsadyâ ng̃ gabí rin iyon sa tinatahanan ni G. Manuel Hidalgo, na asawa ni G. Saturnina Rizal, capatid na pang̃anay ng̃ Doctor Rizal, at namanhic na siya'y pakisamahan at ipakilala sa bayaning nagtatangol ng̃ mg̃a catowiran at camahalan ng̃ mg̃a filipino. Napahinuhod naman si G. Manuel Hidalgo, sinamahan niya si Mabini at ipinakilala cay Rizal. Pag-daca'y nag-irugán ang dalawang púsong capowâ bayani, ang dalawang maniningning na isip na capowa nahahandog sa maalab na pag lilincod sa Inang Bayan. Maraming totoo ang canilang pinag-usapang pawang nahihinguil sa adhìcang pagtubós sa Filipinas sa caalipinang kinagagapusan. Nang magpaalam si Mabini ay ito ang sinabi ni Rizal sa canya:—"Sa sandalíng pag-uusap natin ay napagkikilala cong tunay po cayong macabayan, matalas ang caisipan at may púsong hindî marunong magulat sa bálà ng̃ mg̃a pang̃anib; cayo po'y isá sa lalong mahalagáng cútâ at capurihan ng̃ cahabaghabag nating Bayan." Tumumbás si Mabini ng̃ mg̃a pananalitang sumásacsing agpang na agpang sa canya ang canyang apellido: Mabini, mahinhín, hindî magasó, hindî hambóg. Casama ni G. Manuel Hidalgo sa pagdalaw na iyon cay Rizal ang canyang anác na si G. Alfredo Hidalgo, na casalucuyan ng̃ayong nag-aáral sa Estados Unidos galing na sa Lóndres.

Nang gabí ring pagdating ni Rizal, 26 ng̃ Junio ng̃ 1892, ay dumaló siya sa isáng pulong na guinawâ sa Tundo sa bahay ni guinoong Doroteo Ongjungco, at doo'y dinatnan niyá ito at saca si na guinoong Timoteo Paez, Domingo Franco, Agustín de la Rosa, Ambrosio Salvador, Numeriano Adriano, Bonifacio Arévalo, Deodato Arellano, Arcadio del Rosario, Luis Villarreal, Faustino Villarroel, Estanislao Legazpi, Gregorio Santillan, Mariano Crisóstomo, Genaro Heredia, José A. Ramos, Ambrosio Flores, Pablo Rianzares, Juan Zulueta, Teodoro Plata, Apolinario Mabini, Moisés Salvador, Francisco Nakpil, ang amá ni G. Ongjunco at si G. Andrés Bonifacio. Si Rizal ang nang̃ulo sa pulong at sa canila'y nagsalitâ ng̃ ganitó, ayon sa isáng nacapakiníg:

"Mang̃a mutyáng capatid: Panahón ng̃ pag-isípin natin ang lalong magalíng na paraan upang mailigtas ang ating Inang Bayan sa cahapíshápis na caalipinang kinatatanicalâan. Capang̃itpang̃itang catacsilán ang magpabayà, tayong manatili sa pagcabusabos ng̃ayong nagtátapos na ang siglong icalabingsiyám. Pinagcagugulan ng̃ pagod ng̃ ísip at ng̃ catawán ng̃ iláng mg̃a castílà at ng̃ maraming mg̃a filipino, [XXXIX]at acó ang isá sa mg̃a filipinong iyan, upang camtan natin ang mg̃a calayaang tinátamo ng̃ mg̃a europeo at ng̃ ibá pang mg̃a láhì, ng̃uni't nasayang na lahát ang caniláng pagsusumícap, at nasayang, palibhasa'y nagcacáwatac-watác ang ating lacás; pag-isahín natin ang maraming mumunting cáyang nang̃agcacahiwalay, sa pamamag-itan ng̃ taimtim at tunay na pag-iibigan at pagmamalasakitan, at makikita ninyong maiguiguibâ natin ang capangyarihan niyang mg̃a táong dito'y lubós na nacapangyayari, at siyang mahigpit na humáhadlang ng̃ pagcasulong natin sa pagdunong na ikinararang̃al at sa casaganaang iguiniguinhawa. ¡Totoong casakitsákit! ¡Tayo ang túbò rito, tayo ang may árì nitó at tayo ang alipin ng̃ mg̃a nanunuluyan lamang! Hindî tayo magtátamong catubusan hangang dito'y nacapangyayari ang mg̃a fraile, na siyang tunay na may árì at pang̃inoon ng̃ Filipinas at ng̃ calahatlahatang mg̃a filipino. Naglambál ang Gobierno ng̃ España at ang mg̃a fraile sa pag-amís sa atin, caya't kinacailang̃ang pacaisiping magalíng. Hindî casucatán ang maguing caaway ng̃ mg̃a fraile; kinakailang̃ang tumutol tayo sa Gobierno; kinacailang̃ang maguing caaway naman tayo ng̃ Gobierno. Nang̃agcacaisá ang mg̃a fraile't ang Gobierno ng̃ pagcacait sa atin ng̃ mg̃a calayàan. ¿At mangyayari bagáng maatím nating magpacailan ma'y howag na tayong magcamít ng̃ mg̃a carapatáng nauucol sa táo, gayong tayo'y táo rin namang gaya ng̃ mg̃a ibang láhí? ¿Anóng capacanáng tayo'y maguing Abogado ó Médico, anóng capacanáng ibatás sa Código civil na tayo'y mg̃a castílà, cung sa catotohana'y inaapi tayo ng̃ Gobierno ng̃ castílà, cung sa catotohana'y ibinabawal sa atin ang ilathálà ng̃ hayagan ang ating mg̃a mithî, ang ating mg̃a adhicâ, na ano pa't walang pinag-ibhan sa pagbabawal sa ating tayo'y umísip, na gamitin natin ang ating ísip? ¡Busabos ng̃ang ganáp ang ating tunay na calagayan! Mang̃agpipisan ng̃â tayo; mang̃agcacáwatasan tayong sa sulác ng̃ dugo'y nagdaramdam ng̃ dang̃al ng̃ pagcatao; mang̃agtipon tayo ng̃ mg̃a kinacailang̃an upang masunduan nating sa ati'y ibigay ang ating mg̃a catuwiran sa pamamayan; papagtibayin natin, sa isáng salitâ, ang buhay ng̃ "Liga Filipina". Ang mg̃a palatuntunan ng̃ samaháng itó'y talastas na marahil ninyong lahát, at cung di man alám ninyong lahát, ang caramihan sa inyo'y nacatatalós. Ihalál ninyo sa inyong mg̃a casamahán ang mg̃a táong mamiminúnò sa adhicáng iyáng sacali't matuloy ay siyang lalong matibay na maaasahang macapaglíligtas sa cahabag habag na caalipnan ng̃ Filipinas, na dapat nating paghandugan towî na ng̃ pamumuhay at buhay. Walang salang ang gagawin nating ito'y magbubung̃a ng̃ ating mg̃a pagcapatapon at mg̃a pagpapahirap sa atin ... ¡Ah! ¡Tumang̃is cayó! ¡tumang̃is ang anác sa pagcapahamac ng̃ amá! ¡tumang̃is ang ama sa pagcapahamac ng̃ anác! ¡tumang̃is ang capatíd sa pagcapahamac ng̃ capatíd! Datapowa't ang sumísinta sa bayang sa caniya'y pinang̃anacán, at napagtátantò ang mg̃a kinacailang̃an upang macamtán ang icagagalíng nito'y dapat lumigaya, sa pagca't sa landás lamang na itó mátatamo ang Calayàan! ¡Manumpâ tayong lahát na sasacsihan natin ang maalab na pagsinta sa Inang Bayan ng̃ pagbubuhos ng̃ ating dugô!" Nagsipanumpang lahát ang mg̃a naroron.

Sa lahat ng̃ mg̃a nagsidaló sa pulong na iyo'y si G. Andrés Bonifacio ang carukharukhaan; ang mg̃a casamahan niya'y mg̃a nacacacaya sa buhay; halos ang lahát ay may sariling pag-aarì at marami ang mg̃a marurunong; datapwa't si Bonifacio'y isáng abáng "bodero" ng̃ bahay-calacal ni na guinoong Fressell at mg̃a casamahang pawang dî tagarito, at bábahagyà ang tinátangap bowán bowán; ng̃uni't hindî cailà na si G. Andrés Bonifacio ang siyang nagtulóy ng̃ adhicâ ni Rizal. ¡Isang catotohanang ang catubusa'y madalás guináganap ng̃ lalong mg̃a dukha!

Mulíng nagcatipon silá ng̃ gabí ng̃ icatlong araw ng̃ bowán ng̃ Julio ng̃ 1892, at doo'y nang̃áhalal na pámunuan ang mg̃a sumúsunod:

Nagmunacála: Dr. Jose Rizal.

Cataastaasang pang-ulo: Ambrosio Salvador.

[XL]Taga-usig: Agustin de la Rosa.

Taga-ing̃at yaman: Bonifacio Arévalo.

Calihim: Deodato Arellano.

Mg̃a casangúni: Andrés Bonifacio, Mamerto Natividad, Domingo Franco, Moisés Salvador, Numeriano Adriano, José A. Dizon, Apolinario Mabini, Ambrosio Rianzares Bautista, Timoteo Lanuza, Marcelino de los Santos, Paulino Zamora, Juan Zulueta, Doroteo Ongjunco, Arcadio del Rosario at Timoteo Páez.

Ang caramihan sa mg̃a nakianib sa "Liga Filipina", cung di ipinabaríl ay pinahirapan, ibinilangô ó ipinatapon sa malayong lúpà ng̃ Gobierno ng̃ castílà. Ipinabaril si Rizal, Domingo Franco, Moisés Salvador, Numeriano Adriano, José A. Dizon, Luís Villarreal, Faustino Villarroel, Antonio Salazar, Vicente Molina, José Trinidad, at iba pa; pinahirapan at ibinilangô si Agustin de la Rosa, Bonifacio Arévalo, Ambrosio Rianzares, Timoteo Lanuza, Marcelino de los Santos, Arcadio del Rosario, Timoteo Páez at iba pang lubhang marami; ibinilango't ipinatapon sa Mindanao si Pablo Rianzares at doo'y pinatay sa cápapahirap; ibinilango't ipinatapon sa pulóng Chafarinas si Paulino Zamora at iba pang marami.

Sa daang Raxa Matandâ ay nagtayô ang mg̃a taga Tundó ng̃ iláng "monumentong" bató na nagpaalaala ng̃ pagcapagtayô ng̃ "Liga Filipina" ng̃ gabí ng̃ ica 3 ng̃ Julio ng̃ 1892, sa tapát ng̃ lugar na iyón, sa bahay na may bilang 176, daang Ilaya. Ambag na cusâ ni G. Timoteo Páez ang lupang pinagtayuan ng̃ sinabi ng̃ monumento.

Namanhic si Rizal sa General Despujol, na mangyaring makipag-usap sa canya, at pumayag namán. Ang unang ipinakiusap ni Rizal sa General Despujol ay mangyaring palabasin sa pagcábilangô ang mg̃a napipiit at paowiín ang mg̃a tinapon dahil sa canya, yamang siya'y naririto na at handang sumagót sa anó mang sacdal, at ipinagcaloob naman ang gayong cahiling̃an. Nagsalitaan silá ng̃ maluat tungcol sa bagaybagay na nauucol sa pamamahálâ ng̃ Filipinas. Nang mananaog na si Rizal ay siya'y tinanong ng̃ General Despujol:—¿Anó pô ang palatuntunang susundin ng̃ inyong caasalán dito sa Filipinas?—Makikibagay pô ang palatuntunan ng̃ aking caasalán,—ang malumanay na sagót ni Rizal—sa caasalang gamitin ng̃ España sa Filipinas. Cung bíbigyan pô ang Filipinas ng̃ España ng̃ mg̃a calayâan at mg̃a carapatáng ucol, na siyang mithî ng̃ lahát ng̃ tagarito, acó po'y castílà, tunay na castílà, at ang pagca castílà co'y higuít sa inyó, higuít sa pagca castílà ng̃ lahát ng̃ mg̃a castílà; datapowa't cung hindî, cung papapanatilihin ang pagaapí sa cafilipinuhan, ¡ay! pagcacagayo'y ...¡acó pô ang tunay na filibustero, ang lalong ganid na filibustero!

Ipinagbilin cay Rizal ng̃ General Despujol, na pagcaca araw ng̃ Miércoles ay makipag-usap sa canyá, at gumanáp naman si Rizal. Ng̃ sumunod na pag-uusap niláng dalawa'y nasabi ni Rizal sa General Despujol ang ganitó:—Isáng cagaling̃ang malaki ang cautusáng magcaraon ang Gobernador General sa Filipinas ng̃ capangyarihang magawâ ang bawa't ibiguin, cailan man at nauucol sa icagagalíng ng̃ bayan.—¿Bakín pô? ani Despujol—Sa pagca't salamat sa cautusang iyá'y magagawâ pô ninyó ang madla't maraming cagaling̃an dito sa cahabaghabag na bayan, ang sagót ni Rizal.—Nagcacamalî pô cayo; ang tutol ng̃ General, ang cautusáng iya'y waláng casing samâ. Dahil sa cautusáng iya'y hindî maulatang mg̃a catampalasanan ang magagawâ, at marahil ay guinawâ na.—Iyan po'y cung masamâ ang General, ang sagót ni Rizal; datapowa't cung isáng Gobernador General na masintahin sa catuwirang gaya pô ninyo'y isáng tunay na cagaling̃an.—Hindi, hindi; ang pagdaca'y isinalabat ng̃ General; hindî dapat ipagcatiwalâ ang capangyarihang iyan sa lalong banál; banál ma'y mangyayaring mámali, banál ma'y maaaring matucsó ó mapagdayâan. Sa ganitong pang̃ang̃atuwira'y si Despujol din ang hindî nalao't nagbigáy catibayan sa canyáng guinawang hindî carapatdapat laban cay Rizal.

Ipinagpatuloy nitó ng̃ boong casipagan ang paglaganap ng̃ canyáng mg̃a aral. Napasa Bulacan, nagtulóy sa Malalos, at nilibot ang ibang malalakíng bayan sa Capampang̃an at sa Tarlac. [XLI]Hindî kinacailang̃ang sabihing hindî hinihiwalayan si Rizal ng̃ mg̃a cawaning lihim (policía secreta) ng̃ Gobierno. Nagcacasalusalubong ang mg̃a telegrama ng̃ mg̃a Gobernador sa mg̃a lalawigan sa Gobernador General, at ang mg̃a telegrama nitó sa canilá.

Samantala'y pinagbabalaan si Despujol ng̃ mg̃a fraile at ng̃ mg̃a castila, na cung dî niya ipararákip agád si Rizal at ipabíbilangò ay ipalálagay niláng casabuat siya nito sa tacsíl na acalang pag-labag sa capangyarihan ng̃ España. Gulong-guló ang ísip ni Despujol; cung dî niya sundin ang mg̃a fraile at mg̃a castila'y siya ang lubhang nang̃ang̃anib mapahamac, at cung sundin naman niya'y tampalasan siya sa isang táong walang ibang casalanan cung dî ang pag-sintang maalab sa kinamulatang bayan. ¿Ano ang dapat niyang gawín? Itó ang madalás niyang tanong sa sarili. Nagtagumpay, sa cawacasan, ang pag-ibig sa sariling catahimican; caya't umisip siya ng̃ paraang dapat ipagpahamac cay Rizal. Ipinag-utos niya sa lahat ng̃ mg̃a puno ng̃ guardia civil veterana dito sa Maynílà at gayon din sa mg̃a Gobernador sa mg̃a lalawigang sa icasiyam na oras ng̃ umagang̃ ica 5 ng̃ Julio ng̃ 1892, sabaysabay na salicsikin (requisahin) ang lahat ng̃ bahay na tinatahanan ng̃ mg̃a taong inaacalang caibigan ni Rizal ó cacampí ni Rizal, at tingnan cung may mg̃a sulat ó ano mang pahayagan ó librong laban sa España ó sa Religión Católica. ¡Caguiláguilalás! Dalawa pa munang oras bago gawin dito sa Maynílà ang pagsalacay sa bahay bahay ng̃ mg̃a filipinong kilala rito ng̃ mg̃a panahong iyong cacampí ni Rizal ay tumangap ang mg̃a taóng ito ng̃ pasabing:—"Iligpít ninyo agad agad at itágò ang mg̃a casulatan, pámahayagan ó librong sa inyo'y macapapahamac, sapagca't sa umaga ring ito'y cayo'y sasalacayin ng̃ veterana." Ang nang̃agpasabi ay ang mg̃a capanig sa pamunuan ng̃ Liga Filipina, na pinagsabihan naman ng̃ isang taga Naic, Cavite, na ng̃ panahong yao'y madalás sa palacio ng̃ Malacanyang, at canyáng naring̃íg ang mg̃a pag-uutos ng̃ General Despujol sa mg̃a púnò ng̃ Veterana. Salamat sa gayong pasabi'y nacapag-ing̃at ang lahat at hindî naracpan sa canicanilang bahay ng̃ ano mang sucat icapahamac. Sa mg̃a lalawiga'y hindî gayon ang nangyari, palibhasa'y walang sucat magamit na paraang macapagpaunawà sa canila ng̃ darating na pang̃anib, caya't sa canila'y maraming mg̃a násamsam na "La Solidaridad", "Noli me tangere", "Filibusterismo", mg̃a dahong limbag na laban sa fraile at mg̃a sulat at larawan ni Rizal at iba pang mg̃a filipinong na sa Europa at na sa Hongkong. Dinakíp at ibinílangô ang mg̃a násamsamán.

Nagcásiya ng̃ maguing cadahilanan ang mg̃a nasamsam na mg̃a pamahayagan, mg̃a libro at mg̃a dahong limbag, na walang caanoanomang laban sa España, cung dî pawang laban lamang sa masasamang mg̃a gawâ ng̃ mg̃a fraile, upang iparakip si Rizal at ipapiit sa cútà ng̃ Santiago (fuerza de Santiago) at ipalathalâ sa "Gaceta de Manila" ng̃ ica 7 ng̃ Junio ng̃ 1892 ang isáng "decreto" ó cautusang ipinatatapon si Rizal sa isa sa mg̃a pulô (sa Dapitan) ng̃ dacong Hilaga ng̃ Filipinas, dahil sa casalanang pag-cathâ, pagpapalimbag at paglalaganap dito ng̃ "Noli me tangere" at "Filibusterismo" at ng̃ mg̃a dahong limbag na laban daw sa Religión Católica Apóstolica Romana, at dahil daw naman sa nacuhang mg̃a dahong limbag na laban sa mg̃a fraile, sa balutan ng̃ banig at unan ni Rizal at ng̃ canyang capatid na babae, at ng̃ masiraang púri ang Martir natin ay sinabi pang itinutol daw ni Rizal, na hindî siya ang may dala ng̃ mg̃a dahong limbag na yaon, cung dî ang canyang capatid na babae. Ipinag-uutos din naman ni Despujol sa decretong iyon, na canyang ipinagbabawal ang pagpapapasoc at pagpapalaganap dito ng̃ lahat ng̃ mg̃a kinathâ at isinulat ni Rizal at iba pang laban sa religión católica at sa capanatagan ng̃ capangyarihan ng̃ España.

¿Tunay ng̃â cayang nararapat na parusahan si Rizal at siráan siya ng̃ púri sa gayong parâan?

Sino ma'y waláng naniniwalang nagsabî si Rizal na ang canyang capatíd na babae ang may dalá ng̃ mg̃a dahong limbág na násamsam sa [XLII]balutan ng̃ baníg at unan, Kilala ng̃ lahát ang ca-acasan at camahalan ng̃ loob ni Rizal, na ano pa't cung icapapahamac ng̃ canyáng capatíd, cahit maguing totoong itó ang may dalá ng̃ mg̃a dahong limbág na iyón, aangkinin ni Rizal ang casalanan, howag lamang magdusa ang capatíd niyang babae; hindî cailâ sa canyáng capatíd na pagdatíng nila rito'y pacasisiyasating magalíng ang caniláng mg̃a dalá, cayâ hindî ng̃â masasapantahang siya'y mang̃ang̃ahas na magdádala rito ng̃ mg̃a bagay na talastás niyang icapapahamac, liban na lamang cung sirâ ang isip, at ang capatíd na babaeng casama ng̃ pag-owî rito'y matalino at mapag-ing̃at, lalò ng̃ hindî maaacalang si Rizal ang siyang magdádala ng̃ mg̃a dahong limbag na iyón dito, sa pagca't nalalaman ng̃ lahát ang catalasan ng̃ canyang ísip; kinacailang̃an ng̃ang may isáng taksíl na camáy na doo'y naglagáy, at itó ng̃â ang catotohanan: Ang sumiyasat ng̃ balutan ng̃ banig at unan ng̃ capatíd na babae ni Rizal ay ang teniente ng̃ carabineros na naga-apellidong Nozaleda, pamangking boô ng̃ arzobispong Nozaleda, fraileng dominico, at sa acalâ ng̃ lahat ay itó ang naglagay sa balutang iyón ng̃ mg̃a dahong limbág na laban sa mg̃a fraile, at ang nagpatibay ng̃ sapantahang ito'y ang dî nalaon at nangyari. May isáng filipinong taga Naic, nagcanuló cay Don Miguel Rodriguez Berriz Juez de primera instancia sa Intramuros, (loob ng̃ Maynílà) na ang mg̃a dahong limbág na dito'y ilinalaganap, laban sa mg̃a fraile at laban sa Gobierno ng̃ España'y pawang gawâ ng̃ mg̃a fraile sa canilang limbagan sa Malabón, at mg̃a cainalám din mg̃a fraile ang nang̃agcácalat, upang mapagbintang̃an at maipahamac ang mg̃a filipinong hindî marunong manghinuyò sa mg̃a fraile, na caniláng lihim na pinadadalhán ng̃ mg̃a dahong limbag na iyón. Sa pagcaibig ni Don Miguel Rodriguez Berriz na matantô niya cung catotohanan ó hindî ang sumbong sa canyá, lihim na naparoon siyáng may iláng casama sa "Asilo de huérfanos, (Ampunan sa mg̃a ulilang lalaki) sa Malabon—na ng̃ panahóng iyo'y sacóp ng̃ lalawigang Maynílà, at ng̃ayo'y sacóp ng̃ lalawigang Rizal—na sa ilalim ng̃ pamamahálà ni párì José Rodriguez, fraileng agustino, at doo'y canyáng násamsam ang mg̃a "molde" ng̃ mg̃a ikinacalat ditong laban sa mg̃a fraile. Natotohanan ng̃ang doon din guinawa ang mg̃a "dahong limbag" na pinagpatacaran ng̃ pagtatapon cay Rizal sa Dapitan. Inusig si párì José Rodriguez, datapowa't hindî nailáng arawan at namatáy na biglâ itó, baga man waláng sakít, batà at matabâ ang pang̃ang̃atawan. Salamat sa nangyaring ito'y nawalâ ang pinacapang̃ulong dapat managót sa gayong catacsiltacsilang gawâ.

Halos ang lahát ng̃ mg̃a pamahayagang castílàng inilalathálà rito at sa España, pagcatapos na mailagdâ nilá ang utos ni Despujol na itapon sa Dapitan si Rizal, pinacamura-mura nila itó ng̃ walang áwà, liban na lamang sa "El Globo," na nagtanong, cung dapat ipalagay na hindî umíbig sa España ang bawa't hindî pumupuri sa mg̃a fraile, dahil sa ipinatapon si Rizal sa pagca't sumulat lamang ng̃ laban sa mg̃a fraile; ang sabi ng̃ "La Correspondencia Militar"; ang guinawâ raw ni Despujol ay pagtulad sa asal ng̃ tribunal ng̃ Inquisición, at ang wicâ naman ng̃ "El País" ay di raw espada cung dì pangwisíc ng̃ tubig na bendita ang tang̃an ni Despujol at siya'y General ng̃ mg̃a dominico. Tumutol ng̃ maalab na pang̃ang̃atuwiran laban sa masamáng cagagawáng iyón ni Despujol ang lahát ng̃ mg̃a pámahayagang inglés sa Hongkong; ang "O Independente" sa Macao, ang "Almeine Zeitung" na malaking pamahayagan sa Munich at ang mahalagang pámahayagan sa Lóndres na ang pang̃ala'y "London and China Telegraph." Ipinagmalasákit ng̃â si Rizal ng̃ ilang mg̃a pámahayagan sa Madrid, ng̃ lahát ng̃ mg̃a pámahayagan sa Hongkong at sa Macao, at ng̃ mg̃a mahahalagang pámahayagan sa Inglaterra at sa Alemania. Bucod sa rito'y nagharáp ng̃ isáng maning̃as na pagtutol ang Cónsul ng̃ Inglaterra dito sa Maynílà sa gayong pag-amís cay Rizal.

Maiinam na casulatan ang mg̃a inilathalà sa "La Solidaridad" sa pagsasangalang cay [XLIII]Rizal. Sumulat ang ating macabayang si Gat Marcelo Hilario del Pilar Gatmaitan ng̃ isang pang̃ang̃atuiran lubhang magandá ang ayos, na doo'y ipinagmamalasakit niya ng̃ boong lacás si Rizal, datapuwa't; ¡ay! ¡nagpacabing̃í ang España sa tinig ng̃ catotohanan at ng̃ cagaling̃an! ¡Hindî niya inacalang ang canyang di pagling̃ap sa catuwira'y mamumung̃a ang pagcálugsò ng̃ canyang capangyarihan sa mg̃a lupaing ito!

Mula ng̃ ica 7 hangang sa ica 14 Julio ng̃ 1892, ay nanatili siya sa pagcábilanggô sa Fuerza ng̃ Santiago. Ng̃ kinabukasan, pagcaumagang umagga'y binalitì siya at ipinadalang líhim sa pangdigmang vapor "Alava" na, sa canya'y naghatid sa Dapitan, na nasa pampang̃ing dacong ibabáng silang̃an ng̃ pulô ng̃ Mindanaw.

Decorative motif

Nabalitaan agad ni Andrés Bonifacio ang pagdakíp cay Rizal. Hindî panglulumó ang pumasoc sa loob niya sa cahambalhambal na nangyari; cung dî sa bugsô ng̃ matindíng hápis sa pagyurak sa capurihán at catuwíran ng̃ inapíng capatíd, ay sumibol sa canyang pusò ang maalab na hang̃ad na ihayin ang buhay sa pagwawacsì ng̃ capangyarihan ng̃ Españang gumawa ng̃ gayong calaitlait na calupitan sa mg̃a mapagtiís na anác ng̃ Filipinas. Pagcabalità niyá ng̃ pagdakíp cay Rizal; pagcatapos ng̃ sandalíng pag-iisip ísip, ng̃ araw ding iyon, icapito ng̃ Julio ng̃ 1892, ay canyang inanyayahan sa pagpupulong na lihim si na guinoong Deodato Arellano, Briccio Pantás, Teodoro Plata, Valentin Díaz, Ladislaw Diwà at José Dizon. Hindî naluatan at dumaló ang mg̃a guinoong ito, na pinagsabihan ni Andrés Bonifacio ganitó ó cawang̃is nitong pananalità:

"Mg̃a Capatid:"

"Tayo'y di mg̃a pantás, caya hindî mariring̃al na talumpatî at dî maririkit na sulat ang ating idaraos; sa gawâ natin daanin: ang catubusa'y hindî nacucuha sa salita ó sa sulat; kinácamtan sa pagsasabog ng̃ dugô."

"Talastas na ninyo ang calupitáng guinawâ sa ating capatid na si Dr. Rizal, iya'y maliwanag na halimbawang nagpapakilala sa ating di tayo macaliligtas sa caalipnan cung dî daraanin sa pakikibaca."

"¡Sucat na ang pagpapacababà! ¡Sucat na na ang pang̃ang̃atuwiran! ¡Nang̃atuwiran si Rizal ay hinuli pagcatapos na mapag-usig ang mg̃a magulang, capatid, kinamag-anacan at cacampí!"

"¡Sucat na! Papagsalitain natin naman ang sandata! ¿Na tayo'y pag-uusiguin, mabibilango, ipatatapon, papatayin? Hindî dapat nating ipanglumó ang lahat ng̃ ito, mabuti pa ng̃a ang tayo'y mamatay cay sa manatili sa pagcabusabos."

"At ng̃ maganap natin ang dakilang cadahilanan ng̃ pagpupulong nating ito'y ating maitayô ang isáng malacás, matibay at macapangyarihang catipunan ng̃ mg̃a anác ng̃ Bayan."

"¡Mabuhay ang Filipinas!!!"

Sumang-ayong waláng alinlang̃an ang mg̃a capulong, at ng̃ gabí ring yaong ica 7 ng̃ Julio ng̃ 1892 ay nátatag ang Kataastaasan Kagalang galang Katipunan ng̃ mg̃a Anac Bayan.

Dinaíg ng̃ pananampalasan ni Despujol ang lahát ng̃ mg̃a sinulat ni Rizal, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce at iba pang macabayang filipino; salamat sa pananampalasang iya'y napucaw ang púsô mg̃a Anac-Bayang pagwaray-warayin ang capangyarihang umaalipin.

At sa cagalinggaling̃an ang palacad ng̃ asal ng̃ nang̃apapanig sa Katipunan: "Gumawâ ng̃ gumawâ ng̃ waláng imíc", cabaligtarán ng̃ maraming capisanang. "Salitâ ng̃ salità'y walà ginagawâ." Hindî nagluat at libolibong filipino ang umanib sa Katipunang iyon.

Decorative motif

Pagdatíng ni Rizal sa Dapitan ay ibinigay siyá sa Gobernador doong si Don Ricardo Carnicero y Sánchez, capitán sa infantería, casama ng̃ pagbìbigay na iyon ang isáng sulat, na bucod sa mg̃a iba't ibang bagay, ipinag-uutos sa Gobernador na patahanin si Rizal sa convento roon ng̃ mg̃a jesuita, at sacali't hindî mangyari itó, ay doon siya patirahín sa bahay ng̃ Gobernador. Tinanggap din naman ni párî Antonio Obach; jesuitang misionero sa [XLIV]Dapitan, ang isang sulat ni párì Pablo Pastells, Superior ng̃ Misión ng̃ mg̃a páring Jesuita sa Filipinas, na doo'y ipinagbibiling sacali't ibig ni Rizal na tumirá sa convento ng̃ misionero, ay sa ilalim ng̃ tatlong bagay na gágawin ni Rizal: Una, hayag na tátalicdan at pagsisisihan ni Rizal ang canyang mg̃a sinabing laban sa religión católica, at maghahayag siyá ng̃ mg̃a pagpapatotoong iniibig niya ang España at kinalulupitan niya ang mg̃a cagagawang laban sa España; icalawá, na bago siya tangapín ay gágawâ muna siyá ng̃ mg̃a "santo ejercicio" at sacâ "confesión general," ng̃ canyang dinaanang buhay; at icatló, na sa háharaping panahon ay magpapacagalìng ng̃ asal, na ano pa't siya'y maguing ulirán ng̃ ibá sa pagca masintahin sa religión católica at sa España. Hindî pumayag si Rizal sa gayong cahing̃ian sa canyá, caya't hindî siya tinangáp ng̃ paring jesuita at doon siya nátira sa bahay ng̃ Gobernador na si Carnicero.

Hindî nalaón at tumangáp si Rizal cay párì Pastells ng̃ isáng librong sinulat ng̃ presbíterong si Don Félix Sará, y Salvany, at sa handog na iyo'y napasalamat si Rizal at nang̃acong siya'y tútumbas, bagay na tinupád niya ng̃ ica 15 ng̃ Enero ng̃ 1893, na nagpadalá naman siyá cay párì Pastells ng̃ isáng marikit na esculturang larawan ni San Pablo, na canyáng guinawâ. Nagsulatán si párì Pastells at si Rizal mulâ ng̃ Agosto ng̃ 1892 hanggang Mayo ng̃ 1893. Pinagpipilitan ni párì Pastells na maakit si Rizal sa pagbabalic-loob sa religión católica. Hindî pa nagcasiya'y inutusan ni párì Pastells na pumaroon sa Dapitan si párì Francisco de Páula Sánchez upang causapin si Rizal at pagtiyagaang hicayatin sa pagcampí sa religión católica.

Kinaibigang magalíng si Rizal ng̃ Gobernador Carnicero, upang mataróc niya ang lalim ng̃ mg̃a iniísip at minimithî ng̃ canyang bilanggô, at bawa't sabihin ni Rizal sa Gobernador na iyon, pagdaca'y ipinagbibigáy alám cay General Despujol.

Iniudyoc ni Carnicero cay Rizal na ang mabuti'y mang̃asíwà na lamang siya sa pagpapasaca ng̃ lúpà, na doo'y totoong matabâ at sagánà, at ng̃ mangyari ang gayo'y anyayahan niyá ang canyáng familia at ng̃ doon na mátira, at maniwalang hindî magsisisi ng̃ pagcáparoon.

—Cung gayon—ani Rizal—pasimulaan pô ninyó ang pagpapatibay ng̃ inyóng salitâ, sa pamamag-itan ng̃ pag-gawâ ng̃ magalíng upang macaparito ang siyam cataong na sa Joló ng̃ayon, sa pagca't doon sila itinapon ng̃ Gobierno, dahil sa akin.

Nang̃acô si Carnicero, na siya ang bahalang mamanhíc sa Gobernador General, at ng̃ ipagcaloob.

—Hindî pô maláyò—ani Carnicero cay Rizal—na ipagcaloob ng̃ Gobierno ang aking cahing̃ìang dito'y magcaroon ng̃ isáng "médico titular"; ¿cung ipagcaloob pô ba'y ibig ninyong sabihin co sa Gobernador General na cayó na ang ihalál na médico titular dito?

—Marahil po'y tangapín co ang catungculan iyan—ang sagót ni Rizal—sacali't pumarito at pumayag na mamayan dito ang aking familia; cung dî pô silá mananahan dito'y hindî co tátanggapin ang catungculang sinabi ninyo.

Huming̃î si Rizal, at pumayag naman ang Gobernador, ng̃ malakíng lupang walang nagmamay-árì at walang pananím, sa dacong ilaya ng̃ Dapitan, at canyang tinamnán ng̃ sarisaring cahoy na namumung̃a ng̃ macacain at ng̃ iba't ibang halaman.

Iniakit ni Rizal sa Gobernador Carnicero ang pagpapagawa ng̃ isáng mainam na "plaza" ng̃ Dapitan, at sa pagca't pumayag ay iguinawâ niya ng̃ isang magandang "plano".

Sa lahat ng̃ correo'y maraming dumarating na mg̃a libro, "folleto", mg̃a pámahayagan at mg̃a sulat na padalá cay Rizal ng̃ canyang mg̃a magulang, mg̃a capatid at mg̃a caibigan; datapuwa't ang lahat ng̃ ito'y hindî niya tinatanggap cung hindî muna mabasa ng̃ Gobernador Carnicero, at cung inaacálà nitong dapat mabasa niya ay ibinibigay; datapuwa't cung hindî ay itinatagò at hindî ipinamamalay sa canya. Gayon din naman ang mg̃a ipinadadala niya sa iba't ibang tao; binabasa muna ng̃ Gobernador, [XLV]at cung di ibig nito'y hindî ipinadádala, baga man sinasabi, sa canyang ipinadalá na. Isáng castilang "auxiliar de fomento" ang sa canya'y lihim na bantáy.

Ng̃ icá 18 ng̃ Septiembre ay ipinatawag si Rizal sa convento ni párì Obach, na curang jesuita roon, at sinabi sa canya nitong binigyan na raw ng̃ "indulto" ng̃ Gobernador General ang mg̃a taga Calambâ, at gayon din ang canyang capatid na itinapon sa Joló, bagay na canyang ikinagalac ng̃ dî cawasà.

Si Rizal, ang Gobernador Carnicero at isáng castilang nagng̃ang̃alang Francisco Eguilior ay lumálarò sa Loteria, sa bowán, bowán, at bumibili silang sapisapi ng̃ isang boong billete, na halagang sampong piso. Nang icawalong oras ng̃ umaga, ng̃ icá 21 ng̃ Septiembre ng̃ 1892, ay dumatíng sa Dapitan ang vapor-correo "Butuan" na napapamutihan ng̃ sarisaring bandera. Dalidaling sumalubong ang Gobernador at iba pang mg̃a cagawad niya, na may casamang isáng bandang "música", sa pagca't ang boong acala'y may dumating na isáng punong may malaking capangyarihan, at ang unang balitang sinabi sa Gobernador ng̃ capitán ng̃ vapor ay tumámà sa dalawangpung libong piso ang billete ng̃ Lotería, bilang 9.736, na pinagsasapîan ni Rizal, ng̃ castilang si Francisco Eguilior at ng̃ sinabi ng̃ Gobernador. Ang tatlong billete ay ipinadala ni Dr. Rizal sa canyang amá at ng̃ sing̃ilin ang cabayarán ng̃ tinamaan, at ipinagbílin niyang ipamahagui sa mg̃a mahihirap nilang camag-anac at caibigan, at gayon ng̃â ang guinawà, at ang nátira sa canya ay inaacalang ipag-pagawà ng̃ bahay at puhunanin sa pagpapatanim ng̃ niyóg at sa pagsasaca ng̃ lúpà.

Nacabilí si Rizal sa Dapitan ng̃ isáng malaking lúpà, na may mg̃a cahoy na nagbubung̃a ng̃ pinakikinabang̃an, sa halagang labing walong piso lamang, na ayon sa balác niya'y mapag-aanihan hangang sa halagáng dalawang libong piso sa bawa't isang taón. Bucod sa lúpang iyo'y bumilí siyá ng̃ lúpà ng̃ Estado at ang caratig nitong may mg̃a labing walong hectárea ay binilí naman niyá cay G. Lucía Pagbang̃on. Bumili rin sa nayon ng̃ Daanglogsod, sacóp ng̃ bayang Lubung̃an, malapit sa Dapitan, ng̃ tatlompô at apat na hectárea; at sacâ isá pang lupàng may mg̃a limampô at walong area. Binilí niya ang dalawang lupang itó cay G. Sixto Carrión, na taga Dapitan. Tinamnán niya ang mg̃a lúpà niyang iyón ng̃ maraming punong abacá, niyóg at iba pang mg̃a cahoy na pinakikinabang̃an. Marami rin namang cawayan ang canyang itinaním doon. Ang lúpà sa Dapitan ay batuhán at bundóc-bundóc. Sa lugar na minagalíng niyá sa canyáng lúpà ay nagtayô siya ng̃ isáng bahay, na labing isang metro't calahatì ang harapán at sampong metro ang lalim, sa macatuwíd ay halos parisucát ang lakí. Ang bubóng ng̃ bahay na iyo'y pawid, cawayan ang balangcás, cahoy ang mg̃a cahabaan, haligui at ibá pang mg̃a casangcapan at tablá ang sahíg. Sa tabí ng̃ bahay ay nagtayô siya ng̃ isáng camalig na pitóng metro ang harapán at labing limang metro ang lalim. Cawayan ang balangcás, at pawang cahoy na ang mg̃a ibang casangcapan at tablá, ang sahíg.

Araw-araw, pagcacaumaga, pagcatapos na cumain ng̃ agahan, ay pumaparoon sa canyang mg̃a lupaín si Rizal, nagtatrabajong casama ng̃ canyang mg̃a inuupahan, hangang sa icalabing dalawang oras ng̃ araw, na umuuwî upang mananghalìan, pagcacain ay nagbabálic sa canyang lupaín, itinútuloy ang canyang paglilinang ng̃ lúpà ó pagtatanim ng̃ mg̃a halaman, ng̃ nióg, ng̃ abacá at mg̃a cahoy na namumung̃a, at pagcahapon, paglubog ng̃ araw ay umuuwî sa tinátahanan at hangang kinabucasan naman.

Cailan mang umaalís siya upang pumaroon sa lupaíng canyang dinídilig ng̃ pawis, ay hindî nalilimutan ang paghing̃î ng̃ pahintulot sa Gobernador, hindî niya nililimot na siya'y "deportado," bilangong itinapon doon, baga man ang Gobernador ay nagpapakita sa canya ng̃ magandang calooban, casama siya sa pagcain sa agahan, sa tanghalian at sa hapunan, at sa bahay niya natitirá. Cung may natatanaw siya sa dagat na ano mang sasacyang patung̃o [XLVI]sa Dapitan, caracaraca'y umuuwî siya sa bahay ng̃ Gobernador na canyang tinatahanan, at ng̃ howag hinalain cailan man, ó cumapit cayâ sa canya ang bintang, na ibig niyang tumanan doon.

Guinagamit ni Rizal ang gabí at ang araw ng̃ linggó sa pagtutúrò sa mg̃a batâ ng̃ pagbasa, pagsulat, cuenta at ng̃ mg̃a wicang castílà, latín, inglés, francés at alemán, at nanggagamot ng̃ walang bayad sa mg̃a tagaroon. Ng̃ mápaalis na si Rizal sa Dapitan, ay maraming mg̃a batang nacapagwiwicà at nacacasulat ng̃ castílà, latín, alemán, francés at inglés, bucod sa magalíng na pamamayan at pakikipagcapuwâ táong canya ring pinagtiyagaang itinúrò. Hindî nanghinawà si Rizal ng̃ paglilimbag sa púsò ng̃ mg̃a batâ, ng̃ pagsintang maalab sa kinamulatang lúpà, at ng̃ pagmamalasakit ng̃ dang̃al ng̃ láhì at ng̃ sariling cataohan.

Pinagsikapan din niyáng umayos ang pananamit ng̃ mg̃a babae, hangang sa canyang iaral, na sacali't hindî macagamit ng̃ zapatos ay mang̃ag medias man lamang, at ng̃ huwag mamasdan ang paa; mg̃a aral na hindî nasayang, sa pagca't marami ang sumunód sa canya.

Sa canyang mg̃a pagpapasial sa dacong hapon ng̃ mg̃a araw ng̃ linggo at fiestá, madalás na nácacasalubong niya si párì Sánchez, at pagcacágayo'y walâ ng̃ iniuusap sa canya ang jesuitang ito cung di ang natutungcol sa religión.

Hindî nawáwalà ang galit ng̃ mg̃a fraile cay Despujol, baga man ipinatapon na niya si Rizal, caya ng̃a't hindî sila tumitiguil ng̃ pag-uusig upang paalisín dito ang General Despujol. Ng̃ magtatapos na ang taóng 1892 ay naalís sa camay ng̃ "partido conservador" ang pamamahalà ng̃ Gobierno ng̃ España, at ang nahalili nama'y ang "partido liberal". Nahalal na Ministro ng̃ Ultramar si Maura. Sumulat ito, sa udyóc ng̃ mg̃a fraile, cay General Despujol, na inaanyayahang siya'y magbitaw ng̃ catungculan. Hindî sumang-ayon ang General Despujol, sumagot na hindî siya macapagbibitaw ng̃ canyang tungcol, yamang cáya niya ang pagganap at gumáganap naman siya ng̃ boong pag-iingat catalinuhan; ng̃uni't cung minámasamâ siya ng̃ Gobierno'y mangyayaring bawîan siya nito ng̃ catungculan, at gayon ng̃a ang nangyari; siya'y inalís at ang inihalili sa canya'y si D. Ramón Blanco, na teniente general ng̃ hucbó ng̃ España. Hindî ng̃a pinakinabang̃an ng̃ General Despujol ang lahat ng̃ canyang guinawang pagbibigay loob sa mg̃a fraile upang tampalasanin si Rizal sa cadahilanan lamang na nakikita nilang tunay ng̃a't sumusunod si Despujol sa canila sa mg̃a pithayang pagpapahirap sa mg̃a masintahin sa calayaa'y pinagpipilitan namang dito'y lumaganap ang mg̃a carunung̃an at ang paglago ng̃ mg̃a pagsasapi-sapì, at sacá hindî lubós ina-amís si Rizal.

Sa udyóc ng̃ mg̃a fraile, pagcatapos na maipadala sa Dapitan si Rizal, ay binawìan ng̃ catungculan si G. Manuel Arguelles, na ng̃ panahong iyo'y "Auxiliar de fomento" sa lalawigan ng̃ Batang̃an; si G. Pedro Serrano, maestro ng̃ mg̃a batà sa pang̃alawang Escuela ng̃ Binundóc; si G. Antonio Consunji, "Gobernadorcillo" sa San Fernando, Capangpang̃an, at si G. Ruperto Laxamana, teniente primero sa México, Capangpang̃an; at ipinatapon sa maláyò si G. Doroteo Cortés na taga Maynìlà; si G. Mariano Alejandrino na taga Arayat, Capangpang̃an; si G. Antonio Roxas, na taga Malolos, Bulacán; si G. León Apacible, na taga Balayang, Batang̃an; si G. José Basa, na taga San Roque, Tang̃way, at si G. Vicente Reyes, na taga Santa Cruz, Laguna, ayon sa Superior Decreto ng̃ sinabi ng̃ General Despujol, ng̃ ica 13 ng̃ Septiembre ng̃ 1892, na inilathálà sa "Gacete de Manila" ng̃ 20 ng̃ Septiembre ng̃ 1892.

May mg̃a nangyaring nagpapakilalang nabawasan ng̃ dî sápalà ang alang-alang at pag sambá, sa mg̃a fraileng nagpapanggap na "cahalili ng̃ Dios." Ng̃ panahóng na sa Dapitan pa si Rizal ay nagcaróon ng̃ isáng piguíng sa isáng bahay sa Balayang, Batang̃an; sa piguíng na iyo'y dumaló ang fraileng cura párroco roon. Pinahalíc niya sa canyang camay ang mg̃a táong doroon, ng̃uni't tumangguí sa paghalíc sa camáy niya ang isáng magandang [XLVII]dalagang anác ng̃ isáng guinoo. Ipinilit ng̃ fraile recoletanong humalíc ang dalaga, at nanatili itó sa pagtangguí. Ng̃ magcagayo'y sinampál ng̃ fraile ang dalaga, casabay ang lalong masasacláp na pagmura; nuha ang dalaga ng̃ isáng tungcód at hinambalos ng̃ walang toos ang fraile, at itó nama'y tumugón ng̃ suntóc, sicad at tabig ... Ng̃ mabalitàan sa Maynílà ng̃ capisanan ng̃ mg̃a fraileng recoleto ang nangyaring ito'y nagcaguló ng̃ dî cawasà, at canilang binagabag ang Gobierno ng̃ dî gayon lamang, sa paghing̃ing parusahan ng̃ mabigat ang dalagang iyón, ang mg̃a casambahay at si Rizal, na siyang may cagagawan daw ng̃ lahát ng̃ nangyayari.

Niyon ding mg̃a panahong iyo'y nangyari naman sa isa sa mg̃a bayan ng̃ Bulacán ang isáng caguluhan. Napatung̃o ang isang fraileng franciscano sa isang bahay na walang namamahay cung dî dalawang dalaga. Nang papasoc na siya'y sinansala siya ng̃ isa sa mg̃a dalaga, at sinabi sa canyang sa pagca't capowa babae ang tang̃ing na sa bahay, hindî magaling na panooring tumátangap ng̃ lalaki: Nagmatuwíd ang franciscanong sa pagca't siya'y párì ay hindî macarurung̃is ang pakikiusap niya sa capurihan ng̃ sinoman. Nanatili ang dalaga sa pagsansala sa canya, ng̃uni't nagpupumilit din ang fraile, at ng̃ mákita nitong ayaw na totoong papasukin siya, ang guinawa'y tinampal ng̃ boong lacás ang dalagang iyón. Pinagtulung̃an siyang dinaluhong ng̃ dalawang dalagá, na ano pa't ng̃ umalís siya roo'y punit-punit ang caniyang pananamit. Sabihin pa ang galit ng̃ lahat ng̃ mg̃a fraile, ng̃ canilang mabalitaan ang gayong mg̃a nangyari. Buhat sa púlpito ng̃ simbahan ng̃ San Agustin dito sa Maynílà, ay itinalác ni párì Coco, fraileng agustino ang ganitóng saysay: "¿Ibig ninyó ang dugô ...? ¡¡Daranac ang dugô!!"

Samantala'y nagcacasundong mabuti ang Gobernador Carnicero at si Dr. Rizal. Dating caugalian ni Carnicero ang ipapalô sa lansang̃an ó sa guitnâ ng̃ plaza ang bawa't magcasalang filipino. Ng̃ mapanood ni Rizal ang gayo'y nakiusap cay Carnicero na howag gayonín ang táong bayan, sa pagca't lálong sásamà—¿At bakit, ang tanóng ni Carnicero.—Sa pagca't sa ganyang guinágawâ pô ninyó, ang tugón ni Rizal, ay nawawalâ ang cahihiyan ng̃ táong bayan. Salamat sa gayóng mg̃a paghimoc at iba pang pang̃ang̃atuwirang matimyas, ay nagbago ang ugalì ni Carnicero, at ang dating mabang̃ís at malupit ay gumandá ang asal. Nalalao'y lalong nagmamahalan si Rizal at si Carnicero, bagay na totoong ikinagagalit ng̃ mg̃a paring jesuita, caya ng̃a't pinagpilitan nilang mahalinhan si Carnicero sa pagca Gobernador sa Dapitan. Sumulat ang jesuita, na si párì Juan Ricart, ng̃ ica 23 ng̃ Abril ng̃ 1893, cay Don Federico Ochando, Gobernador General interino dito sa Sangcapuluan, na sinasabing malaon na raw na hindî nagsísimba ang Gobernador Carnicero cahi't dakilang araw, bagay na totoong napupuna, dahil sa Dapitan ay walang castílà cung dî siya, at sacâ isáng itinapon doon, at cung sacali't magsimbá man ay hindî lumuluhod, cahi't sa sandalíng itinataas ang "hostia." At pagca umaga ng̃ Viérnes Santo ay nagpapatay ng̃ vaca ang Gobernador na iyon, na ipinadaláng walà man lamang takíp sa Comandancia ng̃ oras pa namang lumálabas ang mg̃a táo sa simbahan. Dahil dito at sa mg̃a iba pang cawalang-galang̃an sa "religión"; siya'y tinatawag na moro ng̃ mg̃a táong-bayan at iba pa. Dahil sa sulat na ito'y inalís ni Ochando si Carnicero sa pagca Gobernador sa Dapitan, at ang inihalili'y si D. Juan Sitges y Pichardo, capitán ng̃ Infantería at médico. Umalís sa Dapitan si Carnicero ng̃ ica 4 ng̃ Mayo ng̃ 1893, sa macatowid ay totoong mahigpít ang capangyarihan ng̃ huming̃ing siya'y bawîan ng̃ catung̃culan.

Mulâ ng̃ dumatíng si Sitges ay nag-iba ang calagayan ni Rizal. Pinaalís siya sa bahay ng̃ Gobernador, pinatirá sa isáng bahay na malapit doon, pinahaharap siya sa Gobernador pagcacaumaga, tanghalì at hápon, nagpalibot ng̃ bando sa boong bayang nagpapakilala ng̃ pagcuculang tiwálà cay Rizal, at iba't iba pang paghihigpít. Sumacláp ng̃ dî ano lamang ang calooban ni Rizal, ng̃uni't camuntî ma'y hindî siya naparaíg sa samâ ng̃ loob. Ipinagpatuloy [XLVIII]na parang walang ano mang nangyayari ang canyang pagsasaca ng̃ lúpà, panggagamot na walang bayad, pagtuturò sa mg̃a bátà at pagcacaawang-gawâ. Inaanyayahan niya sa canyang bahay ang mg̃a anác ng̃ dukhâ, pinacacain, pinararamtan at tinuturuan ng̃ mg̃a dunong, at madalás na isinasama silá niya sa mg̃a cagubatan, upang turuan at sanayin sa mabuting pagbaríl, sa pagkilala ng̃ sarisaring cahoy at damó. Pinapanghuhuli ng̃ lahát ng̃ bagay na paróparó upang tuyuin at maipadala sa Europa, casama ng̃ mg̃a dahon, ugat, balát, bung̃a at dagtâ ng̃ mg̃a cahoy at damóng canyang hinihirang. Pinapang̃ung̃uha rin naman silá ng̃ sarisaring mg̃a cabibi at iba pang mg̃a catowatowang nacucuha sa buhang̃inan ng̃ mg̃a pasigan, na itinuturò niya cung alín ang may mg̃a cahulugán. Pinápalit sa canya ng̃ mg̃a taga Europa ang lahát ng̃ iyón ng̃ maiinam na mg̃a libro at ng̃ mahahalagang casangcapan sa "cirugía" at "oftalmología".

Sinabi co nang hindî nagpapabayad si Rizal, sa lahát ng̃ mg̃a taga Dapitang canyang guinágamot; datapuwa't sinísing̃il cung mg̃a ibang láhì at ang nasísing̃il niyang ito'y canyang ipinamímili ng̃ mg̃a cailang̃ang ipinamamahagui sa mahihirap, ó cung dilî caya'y guinugugol sa icagagaling ng̃ bayan. May na pa sa Dapitang isáng inglés na may bilíg ang isang matá upang ipagamót sa pahám na itinapon doon. Guinamot siya ni Rizal, inalis ang bilíg at lumiwanag ang matá. Nang magaling na'y sining̃il siya ni Rizal ng̃ limangdaang pisong guintò, at pinagbayaran naman ng̃ inglés ng̃ maluwag sa loob. Ang salaping ito'y guinugol ni Rizal sa pagtatatag ng̃ mg̃a ilaw sa mg̃a lansang̃an at plaza ng̃ Dapitang dating wala roon. Nagtayô si Rizal ng̃ isáng Hospital sa tapat ng̃ canyang bahay, at doon niya dinadala, pinacacain, inaalagaan at guinágamot ang lahat ng̃ mg̃a mahihirap na nang̃agcacasakit. Sariling salapî ni Rizal ang guinugol sa pagpapagawâ ng̃ hospital na iyon, at sariling salapî rin niya ang guinugugol naman sa mg̃a cailang̃an at casangcapan ng̃ hospital at ang sa mg̃a gamót, pagcain, pag-aalagâ at iba pa. Sa cagandahan ng̃ canyang loob ay culang na lamang ang siya'y sambahín ng̃ mg̃a taga Dapitan, na pagcakita sa canya'y bumabatî at nagbibigay galang ng̃ higuit sa pag-galang sa páring cura at sa Gobernador, palibhasa'y paggalang na cúsà at udyóc ng̃ tunay na pag-irog sa táong mapagcaawang gawà, ulirán ng̃ calinisan ng̃ púsò, mapagsumicap sa icarurunong at idarangal ng̃ cálahì at inaaring mahigpít na catungculan ang tapat at maalab na pagsinta sa capowa tao.

Isinusulat ng̃ Gobernador Sitges sa Gobernador General ng̃ Filipinas ang lahát ng̃ mg̃a asal at gawâ ni Rizal, at canyang ipinagmamapurí ang canyang paghihigpít sa marilág na filipinong sa canya'y pinábabantayan.

Ng̃ dumating dito ang General Blanco ay lumuwag ang calagayan ni Rizal. Ipinag-utos sa Gobernador Sitges na pagpitaganan at pacaling̃apin si Rizal, howag hahabaguin camuntî man, howag pahaharapin sa canya cung di totoong cailang̃an, at bigyang calayâan ng̃ pagsulat at pagtanggap ng̃ sulat canino man. Mulâ niyo'y nagbago ang asal ni Sitges, sinabi cay Rizal ang mg̃a caluwagang utos ng̃ General Blanco, ng̃uni't hindî sinabing sa utos na itó, cung dî parang galing sa cusà niyang pagcacaloob, at ipinahiwatig pang ¡cung cailan daw niya ibig ay mábabalíc si Rizal sa dating cahigpitan!... Baga man gayo'y cailan man at walang capansana'y humaharap si Rizal sa Gobernador sa araw araw, sa towing tanghalì bago cumain. Hindî nagculang cailan man si Rizal sa pagpipitagang walang halong caruwagan, sa cahinusayan at cakinisan ng̃ pananalità, sa mahinhíng kilos at sa matimyas na pakikipagsalitaán. Laguing malinis ang catawan, ang pananamit, ang bahay at ang mg̃a casangcapan, at cailan ma'y hindî námamasid sa canya ang cagusutan ng̃ ísip, ng̃ asal ng̃ catawan, ng̃ buhoc at pananamít. Bago pa lamang nagbúbucang liwayway ay nacapaglinis na ng̃ boong catawan, sucláy na ang buhóc, bihís at handà na sa lahát ng̃ bagay.

Pinagasisicapan niyang sa pakikipagmatuwiran tungcol sa religio'y huwag sugatan ang pagsampalataya ng̃ ibá; malumanay siyang tumututol, [XLIX]at gumagamit siya ng̃ magagalíng na paraan upang huwag siyang camuhîan ng̃ canyang causap. Minsa'y sinadyâ siyá sa canyang bahay ng̃ jesuitang si párì Obach, at pinakiusapan siyang siya'y magbigay ng̃ caunting ambag sa gugugulin sa pagpifiesta cay San Roque, na pintacasi sa pangulong nayon ng̃ Dapitan:

—Hindî pô maaarî, padre—ang isinagot ni Rizal na nacang̃itî at maámò ang pananalitâ—¿papaano po bang ibig ninyong aco'y umambag sa pamumuhay ng̃ isáng capang̃agaw co? Sa araw na si San Roque na lamang ang siyang macapang̃ang̃asiwâ sa panggamót, ¡mawawalan acó ng̃ cabuluhan sa ibabaw ng̃ lúpà!

Guinagawang libang̃an ni Rizal ang pakikipagsalitaan sa mg̃a batang dukháng caniyang inaampon, at binibigyan niya ng̃ mg̃a ganting pálà, alinsunod sa canicaniyang carapatan ng̃ pagcatuto ng̃ mg̃a dunong na canyang itinuturò at ng̃ mg̃a wicang castílà, inglés, francés at alemán. ¿Sino ang hindî iirog sa canya sa ganitong gawâ?

Cusang tumulong ang caramihang canyang mg̃a catoto sa pagtatayò ng̃ isáng daanang bató ng̃ malinaw na tubig na nagmumulà sa isáng saluysoy, upang sumapit hangang sa canyang bahay na ipinagawâ at canyang tinatahanan.

Ng̃ buwan ng̃ Agosto ng̃ 1892 ay dumatíng sa Dapitan, sa capahintulutan ng̃ General Blanco, ang ina at isáng capatid na babae ni Rizal, na may casamang isáng alilang lalaki. Nagtamó ng̃ dî masayod na galác ang ating Mártir sa gayong pagdatíng, at inubos niya ang caya sa paglilingcod at pagpapakita ng̃ pag-ibig sa canyáng iná at capatíd.

Ng̃ icapat ng̃ buwan ng̃ Noviembre ng̃ 1893 ay dumatíng sa Dapitan ang isáng táo, nanagng̃ang̃alang Pablo Mercado, na pagca gabí ay lihim na napa sa bahay ni Rizal, at itó ang caniláng naguing salitaan:

Rizal.—¿Sino po ba cayó?

Ang dumating:—Pablo Mercado pô ang aking pang̃alan, at sa catunayan po'y narito at tingnan pô ninyó ang letra ng̃ mg̃a botón ng̃ aking puños. Cararating co pa pô lamang na galing sa Calambâ. Acó po'y inyong camag-anac, pinsan co cayó ...

Rizal:—("Sinalabat ang causap.") Hintay pô muna cayóng sandalî at may gagawin acó. Cayó po'y maupô.

Pumasoc si Rizal sa kinalalagyan ng̃ iná at capatíd na babae at tinanóng ng̃ marahan cung nakikilala nilá ang táong iyong bagong datíng, na ang sabi'y camag-anac daw nilá. Lumabás ang iná at capatíd ni Rizal; pinagmasdang magalíng ang bagong datíng pagcatapos ay nasoc at sinabi cay Rizal na hindî nakikilala.

Lumabás si Rizal at ipinagpatuloy ang pakikipag-usap sa nagsabing canyá raw camag-anac:

Rizal—¿At ano po ba ang inyong sadyâ sa akin?

Ang bagong dating—Caya po aco napirito'y ibig cong matalastas ang inyong calagayan. Dinaramdam co po at dinaramdam ng̃ labís ng̃ lahat ninyong mg̃a cababayan ang sa inyo'y catampalasanang guinagawâ. Sa Maynílà po'y nagtatag ng̃ isáng capisanan upang cayo'y ipagmalasakit at sumunod sa bawa't inyong magaling̃ing ipag-utos, cahi't icaramay ng̃ buhay.

Pinagcaisahan po ng̃ capisanang iyang lihim na aco'y pumarito, at ipinamamanhic po sa inyong sa canila'y ipag-utos ang bawa't inyong ibiguin, sa icagagaling ng̃ bayang na sa catacot-tacot na caalipnan, at sa icaliligtas pô naman ninyo sa inyong pagcapatapon dito, at ng̃ maniwalâ pô cayo'y ipinadala nilá sa akin itong inyong larawan. Maipagcacatiwala pô ninyong lubos sa akin ang inyong mg̃a sulat sa ating mg̃a cababayan, at mahigpit na gáganapín co ang bawa't inyong ipag-utos, sucdang aking icabitay.

Rizal (Nagtindig na malaki ang galit) At marapat ca ng̃ang bitayin, sa capang̃itan ng̃ iyong damdamin. Umalís ca ng̃ayon din dito, tacsíl na carugô at ng̃ dî ca mapahamac. At ipinagtulacan ni Rizal ang taong iyon hangang sa mapanaog sa canyang bahay.

Kinabucasan, pagcaumaga'y humarap sa Gobernador si Rizal, at sinabi niya ang lahat [L]ng̃ sa canya'y sinalitâ ng̃ taong iyon. Ipinarakip ito ng̃ Gobernador sa pamamag-itan ni G. Anastasio Adriático, na ng̃ panahong iyo'y Gobernadorcillo sa Dapitan, at ng̃ napipiit na'y sinabi niya ang ganito sa harap ng̃ nabanguit ng̃ Gobernadorcillo at dalawang sacsì:

"Ang totoong pang̃alan co'y hindî Pablo Mercado, cung dî Florencio Nanaman, ayon sa cédula personal na ipinakikita co, may tatlompong taóng gulang, binatà at tubò sa Cagayan ng̃ Misamis. Ng̃ buan ng̃ Mayong nagdaan ay ipinatawag pô aco ng̃ fraile recoletong cura sa Cagayan ng̃ Misamis, at itó ang sinabi sa akin: Humanap ca ng̃ isáng larawan ni Rizal. Cung macakita ca na ng̃ larawang iyon ay pumaroon ca sa Dapitang kinalalagyan ni Rizal. Sa pamamag-itan ng̃ dalá mong larawan ay makikilala mo agád siyá at hindî ca magcacamalì. Magpacunuwarî cang icaw ay totoong cacampí niya, at sabihin mong cahit iyong icabitay, nahahandà cang gumanap ng̃ ano mang canyang ipag-utos, tungcol sa icatutubos ng̃ Filipinas. Sabihin mong ang iyong pang̃ala'y Pablo Mercado, icaw ay túbò sa Calambâ at camag-anac ca niya. Huag mong limutin; ang pang̃alan mo'y "Pablo Mercado" (inulit pa ng̃ Cura sa sakin) sa pagca't Mercado ang apellidong tunay ni Rizal. At sabihin mong ang nag-uutos sa iyo'y isáng capisanang itinayo ng̃ mg̃a filipino sa Maynílà, upang iligtas ang Filipinas sa caalipnan ng̃ España. Cung macacuha ca cay Rizal ng̃ mg̃a sulat na pag-akit sa mg̃a filipino ng̃ paghiwalay sa España, cata'y bibigyan ng̃ totoong malaking ganting pálà, na ano pa't yayaman ca ng̃ dî cawásà. Sacalit aco'y mamatay, dahil sa aco'y maysakít ng̃ayon, pumaroon ca sa convento ng̃ mg̃a recoleto sa Maynílà, sabihin mo roon ang utos co sa iyo, at nalalaman na roon, tuloy ibigay mo ang mg̃a sulat ni Rizal, at pacagagantihin ca roon ng̃ sagánà sa iyong tapát na paglilingcod sa amin. Sa paglilibot mo sa mg̃a bayang iyon daraanan ay pagsicapan mong macacuha ca ng̃ mg̃a librong cáthà ni Rizal, ó ng̃ ano mang sinulat niya laban sa España ó sa mg̃a fraile, at dalhin mong lahat sa akin. Hindî magcuculang tiwalâ sa iyo ang mg̃a filipino at gayon din si Rizal, cung matuto ca sa pananalitâ at sa paggawâ ng̃ mg̃a paraan, sa pagca't icaw ay caláhì nilá. Ililihim mong mabuting mabuti ang bagay na itó, na ano pa't sino ma'y walang macaalam. Howag cang manimdim sa ano mang pang̃anib na capahamacan. Walang napapahamac na sino man sa paclilingcod sa mg̃a fraile; talastas mo ang calakilakihan naming capangyarinan. Tangapin mo itong pitompong pisong baon mo, at cung culang̃in ca sacalî ay magsabi ca sa akin agád, ó sa convento ng̃ recoletos sa Maynílà, at pagdaca'y tatangap ca ng̃ iyong macacailang̃an." Itó pô ang sinabi sa akin ng̃ cura. Napasa Maynílà pô acó at doon acó nacacuha ng̃ larawan ni Rizal. Si Estanislao Legaspi, na taga Binundoc, ang nagbigay sa akin, at binigyan pa acó nitó ng̃ dalawang botóng may mg̃a letrang P. M. caucol ng̃ mg̃a unang letra ng̃ aking bagong pang̃alan at apellido, at ng̃ lalong maniwálà si Rizal. Naparito pô acó rito, at aco'y tumulóy sa bahay ng̃ teniente mayor. Sa isá sa mg̃a pinagdaanan cong bayan ay nacaumit acó ng̃ dalawang librong cathâ ni Rizal na dalá co ng̃ayon. Pagcagabí ay naparoon pô acó sa bahay ni Rizal, at pinagpilitan co pong bigyan niya acó ng̃ ano mang casulatan, at walâ pô acong nápalà cung dî aco'y ipagtabuyan at palayasin".

Ang mg̃a sinabing itó ni Pablo Mercado ó Florencio Nanaman ay isinulat sa papel ng̃ Gobernadorcillo, finirmahan niya, pinafirmahan sa nagsalitâ at sa dalawang sacsing caacbay, at ipinadalá, sa Gobernador Sitges, at ipinadalá naman nito sa Gobernador General, sampô ng̃ bilanggong si Florencio Nanaman. Mulâ ng̃ dumatíng itó sa Maynila'y nawalá't sucat ang pagsisiyasat ng̃ mg̃a punong may capangyarihan tungcol sa napagkilalang adhicang catacsilán ng̃ lilong si Nanaman, at ng̃ lalong balawís na sa canya'y bumayad upang gumawâ ng̃ calupitán. ¿Ano't nagcagayon? ¡Talinghagà ng̃ macapangyarihang salapî!!!

Nagpadalá ng̃ sulat si Rizal cay General Blanco ng̃ Febrero ng̃ 1894, at ipinakikiusap na siya'y alpasan na. Hindî agád pinansín ni Blanco ang capamanhicang iyón; ng̃uni't sa [LI]cawacasa'y sumagot cay Rizal at sinabing siya'y pawawalán; ng̃uni't hindî rito cung dî sa España, capang̃acuang pinapagtibay cay Rizal ng̃ ito'y macausap ng̃ taón ding iyón ng̃ magdaan sa Dapitan.

Hindî nagtitiguil ang mg̃a caibigan ni Rizal ng̃ pagsulat sa canya, caya't nalalaman niya ang lahat ng̃ mg̃a nangyari sa Maynílà at ang mg̃a adhícà ng̃ mg̃a filipino, at gayon ding natatanto niya ang lahat ng̃ guinagawâ ng̃ Gobierno at ng̃ mg̃a fraile; ng̃uni't cailan may hindî siya sumásagot. Ang nagdádala sa canya ng̃ mg̃a sulat na iyón ay ang canyang mg̃a capatid. Nacalagáy ang bawa't sulat sa loob ng̃ isa sa mg̃a "empanadang" dalá sa canya. Guinagawà ang mg̃a empanadang yaon sa bahay ng̃ magcapatid ni na guinoong Alejandro at Venancio Reyes. Ang mg̃a pagpaparoo't parito ng̃ mg̃a capatid ni Dr. Rizal ay nacapucaw ng̃ pagcuculang tiwala ng̃ Gobernador Sitges, caya't ang guinawà, nito'y ipinauusisà niya ang mg̃a dalá, patí pananamit at catawán ng̃ bawa't dumating sa Dapitan, sampo ng̃ mg̃a capatid na babae ni Rizal, at bacâ may daláng sulat ó ano mang laban sa Gobierno ó sa mg̃a fraile, ay walang nacuha.

Ipinang̃acò ng̃ General Blanco na ipagcacaloob cay Rizal na macalipat sa ibang lalawigan ng̃ Filipinas, ng̃uni't hindî rin tinupad, at ang ipinagcaloob sa canya'y ang macalilipat sa Sindang̃an, sacop ng̃ Mindanaw at malapit din sa Dapitan, bagay na totoong ipinamanglaw niya.

Mangyayaring macatanan si Rizal sa Dapitan cung inibig, sa pagca't may sarili siyang isáng malaking "baroto" na canyang sinásacyan, at walo walong araw na siya'y naglalayag sa mg̃a pampang̃in ng̃ dagat, ¿di baga maluag niyang magagawang magpatuloy siya ng̃ pag-alís at tumung̃o sa isang malakíng sasakyang taga ibang nación at pahatíd sa ibang lupaíng dî sacop ng̃ capangyarihan ng̃ España? Magaang na magaang na magagawâ niya itó, ng̃uni't hindî niya ibig na masabi nino mang hindî siya natutong gumanap sa canyang pang̃acong hindî tatanan.

Hindî nilimot ni Rizal ang paglilingcod sa carnung̃an at paglilibang sa tulâ. Nagpapadala siya sa mg̃a pantás sa Europa ng̃ mg̃a bagay na dî kilala roong nacucuha sa Dapitan. Sumulat siya ng̃ isáng "Gramática tagala comparada," at iba't iba pang ucol sa dunong at cumathâ siyá ng̃ maraming tuláng wicang castílà. Sa Dapitan niyá kinathâ ang mg̃a tuláng "Mi retiro" (Ang aking kinaliligpitan) at ang "Canto del Viajero" (Awit ng̃ naglalacbay) at iba pa, bucod sa hindî siya naglílicat ng̃ pakikipagsulatan cay Herr Ferdinand Blumentritt.

Nang buwan ng̃ Noviembre ng̃ 1895 ay sumulat siya sa Gobernador General Blanco at hinihing̃î niyang siya'y ipadalang Médico sa hucbó ng̃ mg̃a castílà sa Cuba.

Decorative motif

Sampo ng̃ pag-ibig ng̃ sariling puso'y ipinagpáhuli ni Rizal sa pagsinta sa kinamulatang lúpà. Cung inibig niya'y nacapagasawa sana siyá, sa lalong mayaman at sa lalong maganda dito sa Filipinas, at sa Europa ma'y nacakita sana siyá ng̃ lalong tang̃ing dalaga; ng̃uni't minagalíng niya ang howag magasawa't ng̃ hindî magcaroon ng̃ ano mang sagabal sa paglilingcod sa Inang Filipinas.

Dumatíng sa Dagupan ng̃ Febrero ng̃ 1895 ang isáng mayamang inglés, na nagng̃ang̃alang Mr. Stopper, may catandaan na ang gulang, bahagyâ na macakita at sa Hongkong tumítira, casama ng̃ isáng dalagang ang pang̃ala'y Josefina Bracken, taga Irlanda at may mg̃a labingsiyam na taón ang gulang. Ang sadyâ ng̃ inglés na iyón cay Rizal ay ang pagpapagamót ng̃ matá, sa pagca't bantóg itó sa cagaling̃ang gumamót sa ganitóng sakít. Tumirá ang inglés at ang dalagang irlandesa sa isáng bahay na malapit sa bahay ni Rizal. Casama ng̃ dalawang iyón ang isáng filipinang catoto raw ng̃ isáng canónigo sa Catedral ng̃ Maynílà. Doña Manuela Orlac ang pang̃alan ng̃ filipinang iyón. Ng̃ calaghatîan ng̃ bowan ng̃ Marzo'y omowî sa Maynílà ang tatlóng magcacasama: nagtulóy sa Hongkong si Mr. Stopper, nátira na sa Maynílà si Doña Manuela Orlac at bumalíc sa Dapitan si Bb. Josefina, sa pagca't totoong naibigan niyá si Rizal.

[LII]Ng̃ mg̃a panahóng iyo'y may pananim na si Rizal na anim na libong púnò ng̃ abacá, mg̃a nióg at iba pang halaman.

Ng̃ Abril ng̃ 1896 ay inutusan ni Andrés Bonifacio si Doctor Pío Valenzuela upang sabihin cay Rizal na pinagcaisahan ng̃ mg̃a capanig sa "Kataastaasan Kagalanggalang Katipunan ng̃ mg̃a Anak-Bayan", na pagpilitang tamuhín ang Casarinlán ng̃ Filipinas sa pamamag-itan ng̃ pakikihamoc sa mg̃a castílà. Sumagót si Rizal na sa acalà niya'y dapat maghintay ng̃ isáng dalawang taón pa bago itulóy ang munacalà, at ng̃ macapaghandang magalíng ang bayan.

Nahalinhan si Sitges at ang nahaliling Gobernador sa Dapitan ay si Don Rafael Morales, at sa pagca't ito'y tumaás sa pagca Comandante ay nahalinhan naman, at ang naparoong Gobernador ay si G. Ricardo Carnicero, bagay na ikinagalac ni Rizal, sa pagca't dati na niyang cakilala.

Ng̃ unang araw ng̃ Agosto ng̃ 1896 ay tumanggap si Rizal ng̃ isáng sulat, fecha 1.o ng̃ Julio ng̃ 1896, ni General Blanco, na doo'y sinasabing alang-alang sa canyang cahing̃ia'y macacapasa Cuba siya, upang maguíng médico ng̃ hucbó ng̃ castilang naroroong casalucuyan.

Ng̃ dumatíng siya sa Maynila'y nacaalís na ang vapor-correo "Isla de Luzón". Ng̃ magcágayo'y ipinadalá si Rizal sasasacyáng—pang-digmáng "Crucero de Castilla", at doon nátira hanggang sa ica 3 ng̃ Septiembre ng̃ 1896, na siya'y lumulan sa "Isla de Panay", na umalís dito sa Maynilang patung̃o sa España, ng̃ araw na iyon. Binigyán si Rizal ng̃ General Blanco ng̃ dalawang sulat; ang isa'y cay D. Marcelo Azcárraga, na tagarito sa Filipinas at casalucuyang Ministro de la Guerra sa España, at ang isa'y sa Ministro de Ultramar. Sa sulat na iyo'y ipinagtatagubilin si Rizal, sa pagca't ito'y nagpakita ng̃ maganda't ulirang caasalan sa loob ng̃ apat na taóng pagcápatapon sa Dapitan, at tunay na hindî cainalám sa caguluhang munacalà ng̃ isáng lihim na capisanan.

Talastas ng̃ nagpasimulâ ang "revolución" ng̃ mg̃a filipino ng̃ ica 24 ng̃ Agosto ng̃ 1896 at ng̃ umalís dito si Rizal ay casalucuyang maalab na totoo ang labanán sa lalawigang Tang̃uay ng̃ mg̃a hucbó ng̃ mg̃a castílà at ng̃ mg̃a, tagalog. Inilalaban ng̃ mg̃a tagalog ang guloc na pang̃ál at sibát na bucawe sa baril na mausser at magagalíng na cañon ng̃ mg̃a castílà. At dito naman sa Maynila'y dinirakíp, binábalitì, ibinibitin, binubugbog ng̃ cakilakilabot, iniinís sa mg̃a cútà at pinápatay ang bawa't filipinong kilaláng mayaman ó marunong, ó pinaghihinalaang maruhong sumintá sa tinubuang bayan, ó cainalám cayâ ó caanib "sa Katipunan" ó sa "masonería", ó caaway ng̃ mg̃a fraile, ó hindî gumagalang ng̃ lubos sa mg̃a "cahilili ng̃ Dios" na itó. Ang gulantáng, tacot, panghihilacbot, laguím na waláng cabagay ang siyang naghaharî sa bawa't lahing caymangui. Nagpapahirap at namumucsa ng̃ catacot-tacot ang mg̃a militar at ang mg̃a voluntariong castílà at lahing castílà. Madalás umalís sa Maynílà ang mg̃a vapor na tiguíb ng̃ lulang mg̃a filipinong ipinatatapon sa malalayong lupaín pagcatapos na maibitin at mabugbóg ng̃ walang awà. Ang sumusulat nito'y isá sa mg̃a pinahirapan at ipinatapon sa Ceuta, dahil sa "dakilang casalanang" pagsagot ng̃ hayagan sa pamamag-itan ng̃ isáng "awit" na aking cathâ, na ang pamagat ay "Ulirán ng̃ cabaitan ó buhay ni Patricio Horacio", sa librong ang pang̃ala'y "Tanda Baciong Macunat", na sinulat ni párì Miguel Lucio Bustamante, fraileng franciscano at cura-párroco sa Tanay, lalawigang Morong noon, at ng̃ayo'y Rizal. Sinasabi sa librong iyong "Tanda Baciong Macunat", na ang tagalog daw "na inihihiwalay ó pinahihiwalay cayâ sa calabaw ay naguiguing palamarang tao sa Dios at sa Harì": Ang pag-alimurang ito'y sinagot co sa aking "awit" ng̃:

"¿Anong sinasabi sa gayong pag-iríng
cungdî hayop camíng parang calabaw rin?
¡pagmurang cung tunay na pag-uurîin,
dusta'y bumábalic sa imbíng may turing!!"
"Ihalimbáwà ng̃ di ca rito anác
at icaw'y tumubò sa cabilang dagat,
hindî rin ng̃a wastong dustáing marahás
ang lubhang payapang taga Filipinas."
[LIII]"¿Saan kinucuha iyang kinacain,
itinatabà mo't ikinagagalíng,
iguiniguinhawa't nagbibigay alíw
cung dî sa masamang ìyong iníiring?"

At iba't iba pa.

Decorative motif

Sa pagca't hindî acalaing magtatagumpay ang mg̃a filipino sa mg̃a castílà, marami ang dahil sa laguím ay cusang nang̃agsiharap sa mg̃a pinúnó, catulad ni Doctor Pío Valenzuela at iba pang lubhang macapal, at ang mg̃a iba'y nahuli.

Ang mg̃a nahuli at cusang humarap sa mg̃a púnô'y ibinitin at binugbog ng̃ cakilakilabot, at pinilit na pinasigaw upang maramay ang mg̃a táong alinsunod sa mg̃a fraile ay caaway ng̃ Religión at ng̃ España, at salamat sa udyóc ng̃ mg̃a fraile ay halos di mabilang ang ipinabaríl, ipinatapon, hinatulang mabilangò hangang nabubuhay at sinamsamán ng̃ lahat ng̃ pag-aarì. At sa pagca't si Rizal ay siyang lalong kinagagalitan ng̃ mg̃a fraile, isáng himalâ na ng̃â lamang ang macapagliligtas sa canya; at ang himala'y hindî dumating ...

Decorative motif

Mulâ ng̃ sumacay si Rizal sa vapor "Isla de Panay", hindî tumátantan ang mg̃a castilang casacay niya roon ng̃ sa canya'y pagpapasaring ng̃ masasaclap, pag-irap at pagpapakitang galit. Dalawang castílà lamang ang sa canya'y nagpakita ng̃ cagandahang calooban: si D. Juan Utor y Fernández at si D. Federico Brú. Pagdatíng sa Singapore ay lumunsad sa vapor na casama ni D. Pedro Roxas, na hindî na nanumbalic sa vapor.

Hindî naliling̃id cay Rizal na hanggang nananatili siya sa loob ng̃ capangyarihan ng̃ Españang pinaghaharian ng̃ mg̃a fraile, saan man siya pumatung̃o'y nang̃ang̃anib na lubhâ ang canyang buhay; talastas din naman niyang cung mátira na siya sa Singapore ay hindî na siya mapanghihimasucan ng̃ caniyang mg̃a caaway; datapuwa't ¿paanong pagtaliwacás niya sa tungculing atang ng̃ capurihan? Cung mátira siya sa Singapore, tunay ng̃a't siya'y tátahimic, ng̃uni't marurung̃isan namán ang canyáng dang̃al ng̃ capintasang siya'y tumanan, tumalicod sa pakikitunggali sa icatutubos ng̃ canyang bayan sa caalipnan.

Ng̃ ipakiusap niya sa General Blanco na siya'y ipadalá sa Cuba, ay itó ang sinabi niya sa canyang pinacasintang Ina:

"—Nanay: Walâ pong daang magcaroon acó ng̃ calayaan sa paglilingcod sa tinubuang lúpà, cung narito rin lamang acó sa bayang sacóp ng̃ capangyarihan ng̃ mg̃a fraile. Tunay ng̃a't dito sa Dapitan ay nacapagtatanim acó ng̃ mg̃a abacá, niyóg at ibá pang halamang sa capanahuna'y magbubung̃a ng̃ icapapanatag ng̃ aking catandaan, ng̃uni't capang̃itang budhing totoo ang walang adhicaín cung dî ang sariling cagaling̃an! Sa ganito'y hining̃î co pô sa Gobernador General na gawán acó ng̃ magalíng na maguíng médico ng̃ hucbó ng̃ mg̃a castílà sa Cuba, at cung magcagayo'y másusunduan co ang aking mithing cailan ma'y macagawâ ng̃ cagaling̃an sa capowa tao. Cung tamuhin co pô ang hang̃ad cung itó, hindî lamang manggagamot acó sa mg̃a nasusugatan at nagcacasakít na mg̃a castilang cawal, cung dî macapanggagamot din acó sa mg̃a nagcacasakit at nasusugatang mg̃a cubano. Walang tungcol na makipagpatayan ang médico, cung dî ang magligtas sa camatayan. Inuusig ng̃ mg̃a cubano ang marang̃al na pitang magcamít ng̃ Casarinlan at mg̃a calayaan, at sa pagca't siya co rin namang hang̃ad sa ating kinamulatang bayan, ¿sino ang nacacaalam cung cahi't babahagya'y macatutulong acó sa canila, hindî sa pamamag-itan ng̃ anomang paglililo, na totoong aking kinamumuhîan, cung dî sa mg̃a caparaanang hatol ng̃ wagas na catuwiran. Ano man ang caratnan ng̃ casalucuyang pagbabaca ng̃ castila't cubano cung camtan co ang catungculang aking hinihing̃î ay mapapagaling acó. Cung matalo ang mg̃a cubano'y macaoowî acó sa Europa, at cung manalo nama'y gayon din at cung nasa Europa na aco'y maipagpapatuloy co ang aking paglilingcod sa Filipinas at sa inyó naman."

—"Talastas mo anac co—ang sagot ng̃ Ina ni Rizal na tumutulò ang saganang lúhâ sa mg̃a matá,—na ang bawa't magaling̃ín mo'y [LIV]minamabuti co naman. Ipinagpipighatî co ng̃ labis ang pang̃ung̃ulila sa iyo; datapuwa't huwag mong pansinin ang aking ililigaya, cung dî ang icararang̃al ng̃ ating láhì at ng̃ tinubuan nating lúpà."

Casagutan itóng nagbíbigay dang̃al, hindî lamang sa mahál na iná ni Rizal, cung dî sa lahát ng̃ mg̃a babaeng filipina, at macatuwirang tutol naman sa mg̃a walang pusong nagsasabing sucat na sa babae ang matutong mamahay, maglingcod at sumintá sa asawa't mg̃a anác, at hindî kinacailang̃ang matuto ng̃ mg̃a dunong. Cung hang̃ál ang iná ni Rizal, hindî ng̃â marahil mapag-aabot na marapat mahalín ang kinaguisnang lúpà cay sa sariling buhay at sa buhay ng̃ lalong pinacamúmutyang anác. Hindî dapat limuting sa calooban ng̃ ina lalong tumutulad ang calooban ng̃ bung̃a ng̃ canyang pagsinta, palibhasa'y ang iná ang unang maestra ng̃ mg̃a anác buhat sa camusmusán. Cung hinadlang̃án ng̃ iná ni Rizal ang hilig nitó sa pagsusumakit sa icagagalíng ng̃ Filipinas, mulâ pa sa canyang pagcabátà, ¿hidwâ bagá sa catuwirang sapantahing marahil hindî natin pangguiguilasan ng̃ayon ang pagca macabayan ng̃ Mártir nating capatíd?

Hindî camalîan ang capaniwalaang bawa't tao'y nagpápalagay, na ang lahát ng̃ capowa niya tao'y tulad sa canya ang damdamin at panucálà. Palibhasa'y hindî namugad cailan man sa dibdib ni Rizal ang dayà, bintang at catacsilan, hindî naman niya naisip na bacá gamitin ng̃ canyang marami't macapangyarihang mg̃a caaway ang tacsíl at capang̃itpang̃itang sandatang paratang, na guinamit cay Cristo ng̃ mg̃a judío, ni Bobadilla cay Colón, ng̃ mg̃a caaway ng̃ caliwanagan cay Galileo, ng̃ mg̃a caaway ng̃ calayâan cay Mariana Pinedas ... Nagbalíc siya sa vapor "Isla de Panay", baga man naguguniguni na niya ang sa canya'y calaguimlaguim na mangyayari.

Nalís sa Singapore ang "Isla de Panay." Ng̃ magdaan sa Port Said ang vapor na itó, ay tumanggap ang capitan ng̃ utos na piitin at hwag papakipagusapin canino man si Rizal. Ng̃ na sa dagat Mediterráneo na ang "Isla de Panay," ng̃ maulap na hapon ng̃ ica 27 ng̃ Septiembre ng̃ 1896, sinabi ni Don Juan Utor y Fernández cay Rizal, na canyang casama sa paglalacbay-dagat na iyon, sa pakiusap ng̃ capitán ng̃ vapor, ang cautusáng sinabi na, at ng̃ maalaman ni Rizal ay ng̃umitî at nagsalitâ:—Pinipilit co sanang paniwalâan ang cadalisayan ng̃ loob ng̃ Gobierno ng̃ España; ng̃uni't pinasisinung̃aling̃an ang aking pananalig ng̃ canyang mg̃a dî wastong gawâ.

Pagdatíng sa Barcelona, España, ng̃ "Isla de Luzón" ay inilunsád na bilangô si Rizal, at itinuloy agad-agad sa bilangguang cakilakilabot ng̃ Montjuich. Hindî nalao't kinuha sa bilangguang iyón si Rizal at isinacay sa vapor "Colón" upang ibalíc sa Maynílà.

Ng̃ mabalitaan sa Europa ang gayong nangyari cay Rizal, pagdaca'y nagsigalaw ang canyang mg̃a caibigan, lalonglalo na ang ating cababayang na sa Lóndres, na si Dr. Antonio María Regidor; cayâ ng̃a't sila'y tumelegrama agad sa abogadong inglés na si Mr. Charles Burton Buckley, na nasa Singapore, upang magharáp ng̃ isáng sulat sa Tribunal Supremo doon at hing̃íng ilunsád si Rizal sa "Colón," sa pagca't napipiit na walang utos ang sino mang hucóm. Tumelegrama rin naman sa Banco Chartered, upang pagbayaran ang lahat ng̃ magugol sa pagliligtás cay Rizal. Guinanap ng̃ abogado ang cahing̃ian sa canya; ng̃uni't walang nangyari. Nagpasiyá ang Tribunal Supremo sa Singapore, na sa pagca't si Rizal ay táong sacop ng̃ España, at nalululan sa isáng vapor ng̃ España ay dî ng̃â niya mapapakialaman.

Dumating ang "Colón" sa Maynílà ng̃ icá 3 ng̃ Noviembre ng̃ 1896, at pagdaca'y inihatíd siya sa bilangguang "Fuerza de Santiago" upang managót sa mg̃a sumbóng, di umano, ng̃ canya ring mg̃a cababayang pinasigáw sa capapahirap na calaguimlaguím ng̃ mg̃a verdugong casapacat ng̃ mg̃a fraile.

Ang mg̃a casulatang pinagpapatacaran ng̃ mg̃a sumbong ay ang nasumpung̃an ng̃ mg̃a guardia civil veterana sa Maynílà, sa bodega ni Mr. Fressell, na ang nagligpít doon ay si Gat [LV]Andrés Bonifacio. Ang mg̃a casulatang yao'y pawang salin lamang ng̃ mg̃a sumusunod:

1. Sulat ni G. Antonio Luna cay G. Mariano Ponce.—2. Sulat ni Rizal sa canyang mg̃a capatid.—3. Sulat ni G. Marcelo H. del Pilar cay G. Deodato Arellano.—4. "Kundiman"; tulang cathâ ni Rizal.—5. Sulat ni D. Cárlos Oliver.—6. Sulat ni "Panday Pira", (G. Pedro Serrano Laktaw) na inihahalal si Rizal na Venerable de Honor ng̃ "Gran Logia Central Nilad".—7. Sulat ni "Dimasalang" (Rizal) cay "Tenluz" (G. Zulueta).—8. Sulat ni Dimasalang (Rizal) sa isáng Comité.—9. Sulat na walang pang̃alan at walang fecha, na doo'y tinututulan ang pagpapatapon sa Dapitan cay Rizal.—10. Sulat ni Ildefonso Laurel cay Rizal.—11. Sulat ni Rizal "Segundo."—12. Sulat ni Gat Marcelo H. del Pilar cay G. "Juan A. Tenluz" (Juan Zulueta)—13. Talumpatì ni G. Emilio Jacinto sa isáng pagpupulong ng̃ Katipunan, na winacasan ng̃ mg̃a ganitóng salitâ: "¡Mabuhay ang Filipinas! ¡Mabuhay ang Calayàan! ¡Mabuhay ang Doctor Rizal! ¡!Mang̃agcáisa tayo!!"—14. Talumpatì ni G. José Turiano Santiago, sa pulong ding iyón ng̃ Katipunan, na itó ang mg̃a catapusáng saysay: "¡Mabuhay ang Filipinas! ¡Mabuhay ang Calayàan! ¡Mabuhay ang marilág na Doctor Rizal! ¡¡Mamatáy ang mapagpahirap na nación!! Mayníla, 23 ng̃ Julio ng̃ 1893.—Tiktik".—15. Sa Talisay, tulâ ni Rizal:

Pinagpatuunan din ng̃ mg̃a sacdal na laban cay Rizal ang mg̃a "declaración" ng̃ mg̃a filipinong pinahirapan ng̃ catacot-tacot, na si na guinoong Martín Constantino, Aguedo del Rosario, José Reyes, Moisés Salvador, José Dizon, Domingo Franco, Deodato Arellano, Ambrosio Salvador, Pedro Serrano, Pío Valenzuela, Antonio Salazar, Francisco Guison at Timoteo Paez.

Ang hucóm na nuha ng̃ sinabi ng̃ mg̃a declamación at lubhang nagpahirap sa mg̃a filipino ay ang malupít at cabang̃isbang̃isang si Coronel Olive.

Ng̃ ica 26 ng̃ Noviembre ng̃ 1896 ay inihalal ng̃ General Blanco na Juez especial ni Rizal si D. Rafael Dominguez, capitán ng̃ infantería, at secretario si Juan González y Garcia, cabong castílà ng̃ regimiento ng̃ infantería núm. 74.

Ng̃ ica 5 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 ay nagpasiyá si capitan Dominguez, na ayon daw sa mg̃a casulatang narakìp at sa mg̃a "declaración" ni Martín Constantino, Aguedo del Rosario, José Reyes at iba pa, si Rizal ay siyang buháy na calolowa ng̃ panghihimagsic, pang̃ulong púnò ng̃ mg̃a "filibustero", pang̃ulong nagtatag ng̃ panghihimagsic, at iba pa.

Ipinadalá ng̃ General Blanco ang "causa" sa Auditor General de Guerra na si Don Nicolás Peña, at nagpasiya itó ng̃ ica 7 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 na "embargohin" cay Rizal ang halagang isáng "millong piso" ang cauntian, papanatilihin itó sa pagcábilanggô, maghalál ng̃ isáng fiscal (tagasumbong) at isáng defensor (tagapagsanggalang). Hindî maihahalal na defensor cung dî isá ring oficial ng̃ Ejército, alinsunod sa utos ng̃ Auditor Peña.

Náhalal na fiscal ang ganid na pusong si don Enrique de Alcocer.

Nagpadalá cay Rizal ng̃ isáng talàan ng̃ may mahiguít na sandaang pang̃alan ng̃ mg̃a primero at segundo teniente ng̃ hucbó. Waláng nakikilala sa alín man sa canilá si Rizal; ng̃uni't natitigan niya ang pang̃alang D. Luis Taviel de Andrade, na capatíd ni D. José Taviel de Andrade, teniente ng̃ guardia civil na sa canya'y guinawang tagapagbantay ng̃ 1887, at canyang lubos na naguing caibigan. At inihalal ni Rizal na canyang "defensor" ang sinabi ng̃ don Luis, at agad-agad tinanggap nito ang gayong catungculan.

Bagong cahahalili cay General Blanco ng̃ ica 13 ng̃ Diciembre ng̃ 1896. Ang nahalili sa canya'y isáng bagong Nerón; si Don Camilo Polavieja, na nitóng mg̃a hulíng panaho'y pinamagatán ng̃ mg̃a castilang "sacristan ng̃ mg̃a fraile" at "bayaning capitan general sa campanario ng̃ Palanyag."

Ng̃ mg̃a araw na iyo'y walang laguing nariring̃ig sa mg̃a bibíg ng̃ mg̃a fraileng agustino, dominico, recoletano at franciscano, cung dî ang mg̃a sigaw na ¡barilín! ¡patayin! ¡lipulin ang lahing filipino!!!

[LVI]"Wala na ng̃ang totoong carimarimarim”—ani Don Wenceslao E. Retana, na dating caibigang matalic ng̃ mg̃a fraile—walâ ng̃ totoong cakilakilabot masdang gaya ng̃ napapanood na nang̃agpapamagat na mg̃a alagad ni Jesus (na ang cabaita't pagcamahabaguin ay puspós) na nang̃ag-aasal halimaw na máninilâ. ¿Kinacailang̃an pa bagáng bumanguit ng̃ mg̃a pang̃alan? ¿Kinacailang̃an pa bagang dito'y ititic yaong mg̃a fraileng nagcucusang sumama sa mg̃a hucbó, hindî ng̃ macapaglingcod sa mg̃a calolowa, cung dî nang macapagpasulong sa mg̃a sundalo ng̃ pagpatay sa mg̃a filipino, at ng̃ magtamó naman silá ng̃ galác sa panonood ng̃ pagpapaagos ng̃ dugô ng̃ mg̃a filipino?"

At sa pagca't ayaw ipabaríl ni General Blanco ang bawa't sa canya'y iudyoc, ang mg̃a fraile't mg̃a castila'y nagagalit ng̃ dî ano lamang sa canya; ito ang dahila't nang̃agalác ng̃ mainam ng̃ mahalili si General D. Camilo Polavieja, sa pagca't talastas nilang pasasasaân silá nitó sa dugô ng̃ mg̃a filipinong canilang totoong kinauuhawan. Hindî ng̃â dapat ipagtacáng pagpilitan niláng mápatay si Rizal. "¿Hindî baga si Rizal ang siyang lalong marang̃al sa mg̃a filipino?—ani Retana.—¡Kinacailang̃ang barilín siya agad-agad! Ang dugô nito'y hindî ang caraniwang tinto, hindî ang caraniwang Valdepeñas: ¡ang dugô niya'y ang Chipre, ang lalong mahalagang alac!..."

Ng̃ ica 21 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 ay ipinadala sa Consejo de Guerra ng̃ teniente fiscal na si D. Enrique de Alcocer y R. de Vaamonde, anac ng̃ isang meztisong castílà at dito ipinang̃anac sa Filipinas, ang canyang sumbong, na doo'y hinihing̃ing patayin si Rizal, pagcatapos na maisaysay ang pinagtanitanicalang dî gagaanong mg̃a paratang at casinung̃aling̃an.

Ipinadala ng̃ ica 22 ng̃ Diciembre sa defensor na si Don Luis Taviel de Andrade ang "causa" ni Rizal, at pagdaca'y pinagsicapan naman ng̃ defensor na iyong salicsiki't namnaming magalíng ang nalalaman sa causang iyon, upang macatupad siya sa canyang mabigat na tungculin.

Nang dalawin si Dr. Rizal ng̃ canyang capatíd na pang̃anay na si G. Neneng Rizal, at ng̃ canyang bayaw na si G. Manuel Hidalgo, ay itinanong ng̃ bilanggô cung paano ang nangyayari sa pagbabaca ng̃ castila't tagalog.

—Cahapishapis!—ang sagót ni G. Neneng—¡tatló ó apat na raang tagalog ang namamatáy bawa't labanán, at sa castila'y cauntî lamang: sampô ó labingdalawa ang nasusugatan ó namamatay; ayon sa sabi ng̃ mg̃a páhayagan! ¿Totoo cayâ iyon? ang tanóng pa ni G. Neneng.—Hindî—ang tugón ni Rizal—cung ibig ninyong maalaman cung alín ang catotohanan ay ganito ang inyong gagawin: cung baga sabihin ng̃ mg̃a páhayagang ang napatáy sa tagalog ay 200, at 10 ang namatáy sa castílà; alisín ninyo ang isáng cero sa 200, at idagdag ninyo ang cerong inalís sa 10, at ang makita ninyong maguing bilang ay siyang catotohanan ó malapit sa catotohanan. Sa ganang akin ay hindî co na dinaramdam ang aco'y ipapatáy man ng̃ aking mg̃a caaway; natatanaw co na sa silang̃anan ang pagbubucang liwayway ng̃ catubusan ng̃ tinubuan cong lúpà.

Guinawâ ang Consejo de Guerra ng̃ ica 26 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 sa "cuarto de banderas" ng̃ "cuartel de España". Binubúò ang Consejo de Guerrang iyon ng̃ teniente coronel ng̃ caballería na si D. José Togores Arjona, pang̃ulo; mg̃a "vocal" si D. Ricardo Muñoz y Arias, capitan sa artillería; si D. Manuel Reguera, capitan ng̃ caballería número 31; si Don Santiago Izquierdo Osorio, capitan ng̃ cazadores n.° 8; si Don Braulio Rodriguez Nuñez, capitan ng̃ cazadores n.° 7; si D. Manuel Diaz Escribano, capitan ng̃ batallón ng̃ ingenieros; at si Don Fernando Pérez Rodriguez, capitan ng̃ Subinspección de las armas generales. Caharap dín doon ang teniente auditor de segunda na si D. Enrique de Alcocer y R. de Vaamonde, si Rizal, ang canyang defensor na si D. Luis de Andrade, teniente ng̃ infantería, ang isáng capatíd na babae ni Rizal, ang casintahan nitóng si G. Josefina Bracken at ang lubhang maraming táong halos pawang mg̃a castílà.

Inihatid si Rizal mulâ sa fuerza de Santiago [LVII]hangang sa Cuartel de Españang naliliguid ng̃ caramihang sundalong may fusil at nacalagay sa dulo ng̃ fusíl ang bayoneta at nababalitì ng̃ mahigpít na abot síco. Icawalong oras at sampong minuto ng̃ umaga ng̃ dumating si Rizal sa haráp ng̃ Consejo de Guerra. Nalalarawan sa canyang mukhâ ang cadalisayan ng̃ canyang púsô, ang catapang̃an ng̃ canyang dibdib, at ang calinisan ng̃ canyang budhî. Luming̃ap siya sa magcabicabilâ. Tinitigan niya bawa't nanonood. Napagkikilala sa canyang anyong hindî siya nagugulat sa camatayan. Ang pananamít niya'y americana at salawal na maitím, chaleco at corbatang putî. Mahusay na mahusay ang pagcacasuclay ng̃ buhóc. Pinaupô si Rizal sa isáng bancong cahoy, balitî rin ng̃ mahigpít na abot-síco at may mg̃a sundalong bantay sa caliwa't canan at sa licuran. Dinaíg pa niya ang lalong casamâsamaang tulisán, ang lalong tampalasang mamamatay-tao. Dining̃íg ni Rizal sa loob ng̃ walompo at limang minuto ang pagbasa ng̃ "causang" laban sa canya; pagcatapos ay binasa naman ng̃ fiscal na si Alcocer ang canyang mg̃a sumbóng, na sa catapusa'y hinihing̃î sa pang̃alan ng̃ hárì sa Españang patayin si Don Jose Rizal Y Mercado Alonso. Ng̃ maring̃íg ng̃ caramihang castilang doo'y nanonood ang mabang̃ís at catampalasanang cahing̃îan ni Alcocer, nang̃agpacpacan ng̃ mainam at sa mg̃a matá nila'y bumúbuga ang galác ng̃ boong infierno. Pagdaca'y nagtindíg namán si D. Luis Taviel de Andrade, at binasa ang canyang macatuwiran at bayaning pagsasanggalang. Tinutulan ng̃ boong tapang ang mg̃a sumbóng ng̃ fiscal, inisaisang hinimay ang canyang mg̃a sacdál, ipinaliwanag na walang ano mang casalanan si Rizal, sinaysay ang masung̃it at dî wastong pag-uusig sa canya ng̃ mg̃a caaway ng̃ caliwanagan, at sa cawacasa'y sinabing lihis sa catowiran at sawî sa mg̃a cautusan ang cahing̃ian ng̃ fiscal, na ipapatay ang canyang ipinagsasangalang, at hinihing̃î niyang kilalanin ang pagca walang casalanan nitó at bigyang calayaan. Ng̃ matapos mabasa ang gayong pagsasanggalang, walâ sino mang umimíc; ipinakilala sa caniláng calamigang hindî nilá naibigan ang macatwirang pananalita ni teniente Taviel de Andrade.

Tinanóng si Rizal cung mayroon siyang ibig sabihin, at ang guinawâ nito'y ibinigay ang isáng casulatang kinatatalaan ng̃ mg̃a pang̃ang̃atuwiran niya at pagsasanggalang sa canyang sariling catawán.

Ng̃ araw ding iyón, ica 26 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 ay inilagdà ng̃ mg̃a bumúbuò ng̃ Consejo de Guerra, ang hatol na siya'y patayín, at ang pagbabayad ng̃ sandaang libong piso sa Estado.—Nang̃apifirma sa hatol na iyon ang mg̃a pang̃alang sumusunod: José Togores, Braulio Rodriguez, Manuel Reguera, Miguel Diaz Escribano at Santiago Izquierdo.

Ng̃ araw na sinabi na ica 26 ng̃ Diciembre ng̃ 1896, ay ipinadalá sa Capitan General ang causa ni Rizal at pagtanggap nito'y caracaraca'y ipinag-utos na ipadalá ang causa ring iyón sa Auditor General na si D. Nicolás de la Peña. Kinabucasan, ica 27, inilagdâ nito ang canyang pasiyá, na siya'y sumasang-ayon sa hatol ng̃ Consejo de Guerra, cayâ ng̃â dapat na barilín sa lugar na magaling̃ín ng̃ Capitan General. Sacali't sumang-ayon itó ay dapat ipabalíc ang causa sa "capitan instructor" at ng̃ siya ang magbigay alam cay Rizal ng̃ naguíng cahatulan sa canya, sa oras na sa canya'y pagdadalá sa capilla.

Kinabucasa'y inilagdâ naman ni D. Camilo Polaviejo, Capitan General ng̃ hucbó ng̃ mg̃a castílà, ang canyang utos na ganitó ang saysay:

"Maynílà, 28 ng̃ Diciembre ng̃ 1898—Sang-ayon sa pasiyang na sa itaas, pinagtitibay co ang hatol na lagdâ ng̃ caraniwang Consejo de Guerra dito sa Plaza, at alinsunod sa hatol na iyo'y ipinárurusa sa salaring si Jose Rizal Mercado ang siya'y patayin, bagay na gáganapín sa pagbaríl sa canya sa icapitóng oras ng̃ umaga, icatatlompong araw nitóng bowan, sa "campo" ng̃ Bugumbayan, tagláy ang mg̃a pagtupad na ipinagbibilin ng̃ cautusan—Sa catuparan nitó at iba pang nararapat, ibalíc sa Juez instructor, capitan D. Rafael Dominguez—Camilo G. de Palavieja.

Decorative motif

[LVIII]Umagang umaga pa ng̃ ica 29 ng̃ Diciembre ng̃ 1896 ay naparoon na ang capitang si don Rafael Dominguez sa Fuerza de Santiago upang ipagbigay alam cay Rizal ang cahatuláng siya'y patayín.

Binasa ng̃ secretario cay Rizal ang cahatulang boô ng̃ Consejo de Guerra, ang pasiya ng̃ Auditor na si Peña, at ang pagsang-ayon ni Polavieja, sa cahatulan at sa pasiyáng iyón. Pumirma si Rizal, bilang pagpapatotoong tunay ng̃ang sa canya'y ipinagbigay alam. Anang mg̃a nacapanood, ay hindî nalaguím camuntî man si Rizal sa pakikinig ng̃ hatol na siya'y ipinapápatay at pumirmang hindî nang̃iníg ang camay, cung dî bagcos pang pinacagalínggalíng at liniwanagan ang mg̃a letra ng̃ canyang pang̃alan at apellido.

At tulóy hining̃î sa canyá ang halagang sandaang libong piso, na ayon sa lagdáng hatol ay dapat niyang pagbayaran sa Gobierno ng̃ España; sumagot si Rizal sa capitan Dominguez, na walâ siyang pag-áarì cung dî ang canyang bahay, camalig at lúpà sa Dapitan, na pawang sinamsam na ng̃ Gobierno—¿At iyang taglay pô ninyong mg̃a hiyas?—ang tanong ng̃ napacaganid na capitan. Nárito pô at inyong tanggapín. At ibinigay ng̃â ni Rizal sa capitáng iyón, pagcatapos na matanggal sa kinalalagyan, ang dalawang botones na guintô sa puños, at isáng alfiler na guintô rin ang pinacatampóc na may anyong pukyutan, na ang pinacacarayom ay pílac.

Namanhìc si Rizal, na mangyaring paparoonin lamang ang canyang ama't iná, mg̃a capatíd at ang casintahang si G. Josefina Bracken upang siya'y macapagpaalam sa canila. Pagcatapos ay sumulat siya cay G. Ferdinand Blumentritt ng̃ wicang alemán, ibinigáy ang sulat cay capitan Dominguez, casabay ng̃ pamanhic na mangyaring ipadalá sa dapat tumanggap.

Ang cahulugán sa wicang tagalog ng̃ sulat ni Rizal cay Blumentritt ay itó:

"Herrn Prof Ferdin. Blumentritt:

"Minamahal cong capatíd: Patay na acó cung tanggapín mo itong aking sulat. Babarilín acó bucas, sa icapitóng oras ng̃ umaga; ng̃uni't walang malay-sala acó sa panghihimagsic.—Mamamatáy acóng payapà ang aking budhî.—Paalam na acó, lalong magalíng at lalong minamahal cong caibigan, at cailan ma'y huwag cang magsasapantahang gumawâ acó ng̃ masamâ. Fuerza de Santiago, 29 ng̃ Diciembre ng̃ 1896—Jose Rizal—Icumustá mo acó cay G. Rosa, Loleng, Conradito at Federico" (sa tabing cahabaan ng̃ sulat ay nababasa naman itó:) "Iniwan co sa iyo ang isáng libro, na aking hulíng pahimacás."

Ng̃ magawâ ang lahát ng̃ ito'y dinalá si Rizal sa capillang inilagay doon din sa fuerza de Santiago, at siya'y pinabantayan sa tatlong sundalo at dalawang oficial, na pawang mg̃a castílà, na ang namiminuno'y si Don Juan del Fresno. Hindî siya kinaliling̃atan susumandali man ng̃ mg̃a bantay na iyón.

Agad dumatíng ang isáng paring castílà, capellan ng̃ regimiento ng̃ artillería, at ang tang̃câ niya'y cumpisalín si Rizal. Kinausap siya nitó at sinabing pinasasalamatan niya ang gayong pagpapagal, ng̃uni't isinasamong howag ng̃ magpacabagabag, sa pagca't hindî niya kinacailang̃an. Ng̃ magcagayo'y inutusan ng̃ arzobispong si Nozaleda, na ang pumaroo'y ang mg̃a jesuita, at nagsiparoon ng̃â sa canya si párì Miguel Sederra, si párì Mata at si párì Luis Viza.

Samantala'y cumalat sa boong Filipinas at sa boong mundo ng̃ boong cabilisán ang lagdang hatol na patayín si Rizal, bagay na totoong ikinagalác at ipinagdiwang ng̃ mg̃a fraile, ng̃ mg̃a castila at ng̃ mg̃a lahing castílà, at ikinalungcot, at ipinagpighatî ng̃ mg̃a filipino ng̃ mg̃a lahing filipino at ng̃ lahát ng̃ mg̃a táong may malilinis na calooban.

Nang mabalitaan sa lalawigang Tang̃uay, na casalucuyang nakikibaca sa mg̃a castílà ang gágawing pagbaril cay Rizal sa umaga ng̃ ica 30 ng̃ Diciembre, pagdaca'y humandâ ang tatlong daang cawal, at ang gayac ay agawin si Rizal. Magsisiparito sa Maynílang walang dalang sandata cung dî tiguiguisang puñal, mang̃agsisitabí ang bawa't isá sa mg̃a sundalong paparoon sa Bagumbayan upang bumantáy sa [LIX]pagbaril cay Rizal, at sa isáng pinagcayariang hudyat ay sabaysabay na sasacsakin ang sundalong catabí, aagawin ang dalang fusil nitó, at pagpipilitang itacas si Rizal. Ng̃ matantô ang gayong adhicâ ng̃ mg̃a capatíd ni Rizal, sinansalà nila ang mg̃a macabayang iyón, sa pagca't inaacalà niláng masasayang lamang ang maraming buhay na maaamís at walâ ring cáraratnan.

Ng̃ umaga ng̃ ica 29 ng̃ Septiembre ng̃ 1896 ay dinalaw si Rizal sa kinalalagyang capilla ni Don Santiago Mataix, redactor-corresponsal ng̃ páhayagang "Heraldo de Madrid". Náratnan niya si Rizal na tahimic, walang ano mang agam-agam, na tila mandin sumasacanyang sariling bahay. Tinanggap siya ng̃ boong cagandahan ng̃ loob, at sa pagca't ng̃ maupô si Sr. Mataix ay tang̃antang̃an nito ang canyang sombrero, kinuha ni Rizal ito't ng̃ upang ilagay sa lugar na dî macacasagabal. Inacalà ni Mataix na huwag magambalà si Rizal sa paglilingcod sa canya; ng̃uni't sumagót ang ating Mártir ng̃ masayáng pananalitang:—Hindî pô mangyayari. Aco'y na sa aking bahay, cayâ itulot pô ninyong aco'y gumanap ng̃ catungculang pagpapakitang loob sa mg̃a nagbibigay dang̃al sa akin ng̃ dito'y pagdalaw. At nagsalitaan silá ng̃ mg̃a bagaybagay tungcol sa dinaanang buhay sa camusmusan, sa cabataan at sa pagbibinatâ. Sa cawacasa'y napatung̃o ang salitaan tungcol sa librong "Noli me tangere", at itó ang canyang sinabi: "Hindî acó dating kilalá ng̃ marami. Pinagdarayaan acó ng̃ mg̃a cochero dito sa Maynílà at sinisigawsigawan nilá acó sa malabis na pagsing̃íl, at pinaglalaruan acó patí ng̃ mg̃a bangkero sa ilog Pasig. Nalís aco't aking tinung̃o ang Lóndres, at ng̃ naroroon na aco'y aking natalós na pinag-uusig acó ng̃ boong galit ng̃ mg̃a fraile; minumura aco't linalait mulâ sa púlpito, sa confesionario, sa mg̃a salitaan, sa mg̃a dahong limbag at sa mg̃a libritong ipinamamahagui, hangang sa pagcalooban ng̃ mg̃a "indulgencia" ang bawa't bumasa ng̃ mg̃a libritong iyón. Nangyari ng̃â ang dapat cálabasan: bawa't isáng sermón, isáng pang̃aral sa confesionario, isáng pagdustâ sa akin ó isang pag-alimura sa mg̃a dahong limbag ó librito ay isáng pagpapailang-ilang ng̃ aking dang̃al sa mg̃a matá ng̃ aking mg̃a cababayan at caláhì. Ilinalaking totoo ng̃ aking loob ang hindî naglilicat na pag-alipustâ sa akin, sa pagca't sa gayóng gawâ nila'y pinapupurihan nilá acó at ipinakikilala nila, at pinahahalagahan sa daigdig ang mg̃a librong aking kinathâ. Ng̃uni't maniwalà pô cayó; hubad na hubad acó sa carapatán upang aco'y pag-usiguin at alimurahin ng̃ gayon; sino mang tunay na nacacakilala sa akin ay hindî acó pinupuri at hindî acó papaguiguingdapatin papurihang barilín. Ang tunay na mg̃a pantás at ang magagalíng maglingcod sa tinubuang lúpà ang binabaríl lamang.

Sacá hinarap ni Rizal si párì Faura, marunong na jesuitang director ng̃ Observatorio Meteorológico sa Maynílà, at nagsalitâ:

Natatandaan pô ba ninyo ang inyong sinabi sa akin ng̃ inyong mámasid ang maalab cong pagsasanggalang sa dang̃al at capurihán ng̃ aking láhì? Nagcatotoo pô ang inyóng húlà, tunay pô cayóng profeta: babarilín pô acó.

Pagcatapos ay humíng̃î ng̃ papel, pluma at tinta at cumathâ ng̃ isáng tulâ.

Icaanim na oras ng̃ umaga ng̃ kinabucasang ICATATLOMPO NG DICIEMBRE ng̃ 1896 ay ipinahintulot na macapasoc sa capilla ang canyang iná, mg̃a capatíd at gayon din si G. Josefina Bracken. Niyacap silang lahat ng̃ boong pagsinta, sila'y hinagcan at nagpaalam magpawalang hanggan.

—Lumigaya cayó—ani Rizal—at aco'y magpapahing̃alay na.

Pagyacap ni Rizal sa capatíd niyang matandâ na si G. Neneng Rizal ang ay bumulóng ng̃ ganito:—"Iligpít ninyo ang "cocinilla" co rito. Sa ilalim ng̃ cocinilla'y may papel na nacaticlóp; ing̃atan ninyo yaon at tulà cong pahimacás. Cung patay na aco'y tingnan ninyo ang aking zapatos at doo'y may sulat din acó."

—¿Anó ng̃ayon ang iyong icabubuhay?—ang huling tanóng ni Rizal cay G. Josefina.

—Mabubuhay acó sa pagtuturò ng̃ inglés—ang sagót ng̃ caniyang casintahan.

[LX]—At nagsalita pa sa canya ng̃ ilan sa wicang inglés, wicang hindî natatanto ng̃ mg̃a nagbábantay, at sumagot ng̃ matigás si G. Josefina ng̃ macaalawang: "yes."

Tumatang̃is ng̃ dî ano lamang ang dalawang babae ng̃ humiwalay cay Rizal, samantalang ito'y nananatiling payapà, na parang walang ano mang nangyayari.

Pagdating sa labás, hinarap ng̃ boong galit ni G. Josefina ang mg̃a castilà, at sinigawan silá, casabáy ng̃ tadyác, alinsunod sa sabi ng̃ castilang periodista na si Don Manuel Alhama:

¡Miserables! ¡Crueles! (¡Mg̃a waláng dang̃al! ¡malulupít!)—ani G. Josefina.

Hindî namanglaw susumandalî man si Rizal sa boong panahong siya'y nanagál sa capilla. Pati sa pagcain ay magalíng. Paano'y canyang talastás na ang dugô niyang ibubuhos ng̃ mg̃a castila'y maguiguing malusóg na binhî sa icatútubos ng̃ Kinagisnang Lupà; paano'y magáganap ang canyang mithing patotohanan sa boong daigdig na may mg̃a filipinong marunong maghayin ng̃ buhay sa dakilang altar ng̃ pagsinta sa canyang mg̃a caláhì.

Calugodlugod ang anyô ng̃ umaga. Sa silang̃ana'y bagong sumusung̃aw ang maningning na araw, walâ cahi't camunting alapaap ang lang̃it na dalisay na azul, at palibhasa'y lubhang maliwanag ang panahón, natatanawang magalíng, mulâ sa Luneta, ang bundóc Mariveles at ang Corregidor, ang pulô ng̃ Monja, pulô ng̃ Fraile at ang bundóc ng̃ Maragundong.

Bihirà ng̃ panahóng iyon ang mg̃a filipinong lumalacad sa mg̃a daan ng̃ Maynílà, palibhasa'y naghahari rito ang cabang̃isan, ang cauhawan ng̃ mg̃a castílà, sa dugong caymangui. Hindî magcasiya halos sa mg̃a bilangguan ang dami ng̃ mg̃a filipinong napipiit. Sa Monte de Piedad, sa silong ng̃ Gobierno Civil, sa Bilibid, sa mg̃a Cuartel ng̃ Veterana at sa iba pang mg̃a lugar ay nacapanghihilacbot magdaan; walang nariring̃íg doon cung dî ang cakilakilabot na sigawan ng̃ mg̃a pinapalong nacabitin ng̃ abot-síco. Walang umaaling̃awng̃aw na balità cung dî ang pagpapahirap at pagpatay sa mg̃a filipino ng̃ mg̃a sundalong voluntario ng̃ mg̃a veterana, ng̃ mg̃a verdugong policía, secreta at iba pa, sa udyóc ng̃ mg̃a fraile.

Ng̃ gabing sinundan ng̃ umagang pagbaríl cay Rizal, walang púsong filipinong dalisay na hindî tumibóc sa habág at panghihinayang sa pápataying apóstol ng̃ cagaling̃an at tang̃ing patnugot sa icararang̃al ng̃ bayang itó; walang dibdib ng̃ caymanguing hindî tumahíp sa ning̃as ng̃ ng̃itng̃it ng̃ poot sa mg̃a halimaw na dî nang̃ing̃iming magbuhos ng̃ dugô ng̃ dakilang taong walang ibáng sala cung dî ang pagcamacabayan.

¡Ah, at sino man sa mg̃a nagpapanggap na ministro ng̃ isáng Dios—na bucál ng̃ cagaling̃an, ulirán ng̃ pagcamahabaguin,—na nang̃agpaparoo't parito sa panonod cay Rizal sa capilla'y walang nábalinong mamag-itan sa Gobernador at Capitan General ng̃ Filipinas, upang howag ituloy ang gagawing catampalasanang walang mapaghalimbawaan ng̃ samâ!... ¡Hindî guniguní man lamang ng̃ mg̃a mababang̃ís sa walang sandatang mailaban, na ang mg̃a putóc na áamis ng̃ mahalagáng buhay ni Rizal ay siyang magguguhò ng̃ canilang capangyarihan sa Dulong Silang̃anang itó!...

Pagtugtog ng̃ icaanim na oras at calahatì ng̃ umaga'y handà na at naroroon na sa capilla ang pulutóng ng̃ mg̃a castilang sundalong artillero, upang ihatíd ang tunay na Bagong Cristo sa Gólgota ng̃ mg̃a Mártir na filipino.

Nagpaalam si Rizal sa mg̃a nang̃agbabantay sa canya, niyacap si G. Josefina at humandâ sa paglacad sa camamatayan. Hindî napanood sa gayong calaguimlaguím na pagpatay ang ama't ina at mg̃a capatid ni Rizal.

Binalitì na si Dr. Jose Rizal ng̃ abót-sicong mahigpít, at bago pinalacad na tinutugtugan ng̃ mg̃a trompeta at mg̃a redoblanteng tambor. Na sa pag-itan siya ni párì Estanislao March at ni párì José Villaclara. Na sa tabí rin niya si D. Luis Taviel de Andrade, na canyang defensor. Nacatunghay ang maliwanag na nóo, masayá ang mukhâ, nanasnaw sa canyang mg̃a lábì ang matimyas na ng̃itî at banayad ang lácad. Inanyayahan siyang sumacáy sa furgón ng̃uni't sumagót si Rizal na siya'y may catatagang [LXI]lacás upang macapaglacad. Sa unahán at hulihán ni Rizal ay mg̃a sundalong artillero ang sa canya'y bantáy. Nagsasalita siya sa mg̃a jesuitang hindî man lamang nang̃ing̃inig ang voces:

—Tinutung̃o natin ang "Calvario Filipino"—ani Rizal sa mg̃a jesuita ng̃ sabing masayá—sa Calvario ring iyan inihandog ang mahahalagang buhay ni párì Burgos, ni párì Gómez, at ni párì Zamorang pinaghandugan co ng̃ walang cahulilip na pagsinta ng̃ kinathâ cong Filibusterismo.

Pagcatanaw niya sa dagat ay nagsalitâ uli:

—¡Pagcagandagandang umaga! ¡Maliwanag na maliwanag ang panahón! ¡Nátatanaw na magalíng ang Corregidor, ang Mariveles at ang mg̃a bundoc ng̃ lalawigang Tang̃uay! Manacanacang nacapaglacad aco rito ng̃ ganito ring umaga, na ang caacbay co'y ang aking pinang̃ing̃ibig na si Leonor.

Idinâan si Rizal sa tabing calunuran ng̃ lunetang pampang̃in ng̃ dagat na pinagdaraanan ng̃ mg̃a carruaje cung nang̃agpapasial cung hapon, at pagdating sa dulo'y saca ibinalic siya sa dacong guitnâ.

Ng̃ dumatíng sa Luneta'y doroon na ang dalawang "Compañía" ng̃ "Batallón de Cazadores expedicionarios número 7", isáng "Compañia" ng̃ "Batallon de Cazadores n.o 8", isang "Compañia" ng̃ "Regimiento de línea n.o 70", na pawang filipino; at isang "Compañia" ng̃ "Batallón de Voluntarios", na tigsasandaang tao bawa't "Compañia," at may casamang mg̃a banda ng̃ música. Ang namiminunò sa lahat ng̃ yao'y ang comandanteng si Don Manuel Gómez Escalante, na anác ng̃ abogadong si D. Juan Gómez, na mestizong castilà at taga rito sa Maynilà. May hinirang na si Comandante Gómez na walong sundalong siyang bábaril cay Rizal.

Ng̃ na sa pagbabarilan na si Rizal, siya'y nakiusap sa capitan ng̃ infanteríang mag-uutos sa mg̃a sundalo sa pagbaríl sa canyá, na siya'y barilín ng̃ paharáp.

—Hindî mangyayari—ang sagót ng̃ capitan—ang útos sa akin ay ipabaríl co cayó ng̃ patalicód.

Aco'y hindi naglilo sa tinubuan cong lupa at di rin aco nagtasil sa naciong castila—ang tutol ni Rizal.

—Ang catungculan co'y gumanáp ng̃ mg̃a utos na aking tinanggap sa aking púnò,—ang sabi naman ng̃ capitan.

—Cung gayo'y barilín ninyo acó cung paano ang inyong ibig—ang mapanglaw na sagót ni Rizal.

At sacâ nagsalitâ ng̃ wicang tagalog sa mg̃a sundalong bábaríl sa canya:

—Mg̃a cababayan; howag ninyó acong babarilin sa ulo; patamain ninyo ang bála sa tapat ng̃ púsò.

Nagpaalam sa canyang defensor at sa mg̃a humatol sa canyang doo'y caharap, na canyang kinamayan silá ng̃ mahigpít, at nagsalitâ sa mg̃a paring sa canya'y umaacbay.

—¡Pinatatawad co ng̃ taós sa púsò ang lahat!

Humaráp na cúsà sa dacong dágat, sa macatuwid ay tinalicurán niyá ang pulutóng ng̃ mg̃a sundalong sa canya'y bábaril. Ang pulutóng na ito'y walóng sundalong filipino ng̃ regimiento núm. 70, na ang mg̃a dalá'y fusíl Remington. Sa licuran ng̃ pulutóng ng̃ mg̃a filipino'y may isa pang pulutóng na binubuò ng̃ walong sundalong castilang mg̃a cazador, na ang dala'y Mausser naman, sa pang̃ang̃anib ng̃ mg̃a punong castílà na bacâ di bumaríl ang mg̃a sundalong filipino sa capowa filipino....

Nacatindíg si Rizal, unàt ang catawan, tunghày ang ulo, nacalaylay ang mg̃a camay sa taguiliran ng̃ catawan, masayá ang mukhâ; hinihintay ang pagbaril sa canya.

Nang sandaling iyo'y lumapit cay Rizal ang médico militar na si Sr. Ruiz y Castillo, at nagsabi sa canya:

—Casama, ¿maitutulot pô ba ninyong cayo'y pulsuhan co?

Hindî sumagót si Rizal, ng̃uni't iniabot ang canyang canang camay.

Pinulsuhán siya at pagcatapos ay mulíng nagsalitâ ang médico militar:

—Mabuti pong totoò ang lacad ng̃ inyong pulsó.

Hindî rin sumagót si Rizal, cung di hiniguit [LXII]lamang ng̃ cauntî ang balicat.

Ang pagbaril ni Dr. Jose Rizal. Imp. de M Fernández. Paz, 447, Sta Cruz

—Lumuhód pó cayó—anang capitan cay Rizal.

Hindî itó umimíc, ng̃uni't umilíng; sa macatuwíd ay aayaw.

Hindî nalao't nariníg ang tunóg ng̃ putóc ng̃ walong fusíl Remington, casabáy ng̃ ganitóng malacás na sabi ni Rizal: ¡Consumatum est!

Nakita ng̃ lahát na bigláng pumihit si Rizal at ng̃ huwag sa canyang licód cung dî sa canyang dibdib tumamà ang mg̃a bála, natimbuang siyang patay na anyáng pataguilíd sa dacong canan, hindî pataob, cung dî patihaya't ang mata'y nacatitig sa lang̃it, "na walang mg̃a verdugo at mg̃a mapang-apì; sa lang̃it na hindî pumápatay ang pananampalataya, at Dios ang siyang naghahárì." Namatay si Rizal sa balang pahatíd ng̃ canya ring mg̃a cababayang sundalo, tulad cay Cristong capuwâ mg̃a judio rin ang sa canya'y pumatay.

Nilapitan si Rizal ni D. Felipe Ruiz Castillo at ni D. José Luis y Saavedra, at nakita nilang bangcay na ng̃â, ng̃uni't isá man lamang bala'y walang tumámà sa ulo.

Umaaling̃awng̃aw pa ang walong sabaysabay na putóc ng̃ baríl ay nagsigawan na ng̃ dî ano lamang ng̃ ¡Viva España! ang caramihang lalaki't babaeng castílà at lalaki't babaeng lahing castílà na nang̃agsisicsican sa Luneta; sigawang pagdaca'y sinagòt ng̃ pagtugtog ng̃ "Marcha de Cádiz" ng̃ música ng̃ "batallón de Voluntarios", na ang mg̃a bumubuo'y pawang mg̃a lahing castilà rin.

Dalidaling nilapitan ng̃ isáng castilang pintor ang bangcay ni Rizal at kinunan niya ng̃ larawan.

Pagcatapos matugtog ng̃ música ng̃ mg̃a voluntario ang "Marcha de Cádiz", ipinag-utos ng̃ Comandante Gómez na humanáy ang mg̃a sundalo at mang̃agdaang lahát sa tabí ng̃ bangcay ni Rizal, na nacatimbuang ng̃ patihayâ at lumálang̃oy sa canyang sariling dugô.

¡Lumiligaya na ang mg̃a fraile! Hindî doblás sa namamatay ang ipinatugtog sa canilang mg̃a campanà, cung dî masayáng esquila ng̃ pagdiriwáng! Nang̃agcacatuwâ ang mg̃a castilà at ang mg̃a lahing castilà, ¡paano'y nang̃acagawâ na ng̃ lubháng malakíng "catapang̃an": napatay na nilá ang isáng dakilang filipinong walang sandata! ¡isáng filipinong hinahang̃aan ng̃ lahát ng̃ mg̃a pantas sa ibabaw ng̃ lúpà!

Tinawag ni D. Camilo Polavieja, "bayaning" Capitan General sa campanario ng̃ Palanyag, ang médico militar na si D. Felipe Ruiz, at huming̃íng balità tungcol sa mg̃a hulíng sandalî ng̃ buhay ni Rizal, at itó ang isinagót:

—Guinoong General: ¡Hindî co pô mapag-ísip cung papaano't mangyayaring matawíd ng̃ isáng tao ang gayong lubhang cakilakilabot na sandalî, na dî man lamang nagbago ang caraniwang lacad ng̃ pulsó, bagay na nagpapakilalang ang loob niya'y tiwasay na tiwasay at dî nagugulumihanan ng̃ cahi't camuntì man.

Hining̃î ng̃ mg̃a magulang at mg̃a capatíd [LXIII]ni Rizal ang bangcay nitô, upang canilang mailibing, ng̃uni't hindî pumayag si Polavieja.

Nang makita ni Pilato[58], ni Anas[59] at ni Caifas[60], na mg̃a papa ó pontífice ng̃ mg̃a judío, ng̃ mg̃a sacerdote, escriba[61] at fariseo[62], na patáy na ang canilang kinapopootang si Jesús, nagbawa na ang canilang galit, binigyan na nilang capayapaan ang kinitlán nila ng̃ hining̃á, at ipinahintulot nila kay Joseph Arimathea at cay Nicodemo[63] na mailibíng. Hindî gayon ang mg̃a fraile at ang caniláng mg̃a alagád at cacampí, ¡pinag-usig ng̃ canilang galit si Rizal hangang sa maipabaríl; hindî tinantanan ng̃ caniláng poot cahi't bangcay na, pinabantayán labing limang araw ang libing̃an at malaon ng̃ patáy ay kinagagalitan pa rin!

Datapuwa't nagtatagumpay ang catuwíran malaon ó madalî, at nagcacamit parusa ang mg̃a tampalasan hanggang sa caniláng mg̃a anàc at inapó.

Binuhat ng̃ mg̃a sundalong castilà ang bangcay ni Rizal, isinacáy sa isáng "furgón"[64] at itó ang sa canya'y naghatíd sa pagbábaunan.

Ng̃ makita niláng dinalá na sa pagbabaunan ang bangcáy ni Rizal, nang̃agsiowî na sa caniláng bahay ang dî mabílang na mg̃a nanood ng̃ boong galác ng̃ sa canya'y pagbaríl, na pawang mg̃a fraile, castilà at mg̃a lahing castilang dito inianac. Ang pinacamarami sa canila'y [LXIV]ang mg̃a babaeng castilà at mg̃a babaeng lahing castilang dito inianac, na ang suot nila'y ang lalong maririkít at mahahalagang damít at mg̃a hiyas, na ano pa't cawang̃is ng̃ guinágawâ ng̃ una ng̃ mg̃a salaulang babae ng̃ malupít na Roma, cung sila'y may ipinaggágalac na ipinapápatay sa Coliseo.

Ibinaón ng̃ mg̃a castilà si Rizal na waláng cabaong sa lupang canilang hinucay sa libing̃an sa Pácò. Ang pinaglibing̃án cay Rizal ay ang pinaglibing̃án din cay párì Burgos at na sa dacong caliwâ pagcapasoc sa libing̃an ng̃ Pácò, sa dulo ng̃ pabilog na cútà ó pader, at sa daco roon ng̃ cauntî sa pinaglibing̃an sa general Montoro.

Ipinakiusap ng̃ mg̃a capatíd ni Rizal sa mg̃a punong castilà na mangyaring ipagcaloob na sa canilà ang "cocinillang" guinagamit ng̃ caniláng culang palad na capatíd sa "fuerza de Santiago", ng̃ ito'y nabibilangô pa roon, upang maguing alaala, at napahinuhod namán sa caniláng pakiusap. Pagdatíng sa bahay, canilang hinanap ang casulatang ipinagtagubilin ng̃ nasírà, at nasumpung̃an nilá ang isáng manipís na papel, na mainam ang pagcacaticlópticlóp, na doo'y nababasa sa maliliit ng̃uni't maliliwanag na letra, ang isáng tuláng wícang castilà, na ang unang talata'y ganito ang saysay: ULTIMO PENSAMIENTO. Ganitó ang tulang iyón sa wícà natin:

HULING CAISIPAN

¡Paálam na sintáng Lúpang-Tinubuan,
Pinacaíibig na áyan ng̃ araw,
Perlang mahalagá ng̃ dágat Siláng̃an,
Edeng maligáyang sa ámi'y pumanaw!
Sa iyo'y handóg co ng̃ ganáp na tuwâ
Yaríng abáng búhay na lanta't dálità;
Maguíng dakílà ma'y iaalay rin ng̃â
Cung dahil ng̃ iyong icatitimawâ.
Ang nang̃a sa digmáng dúmog sa paglában
Handog din sa iyo ang caniláng búhay,
Hírap ay dî pansin at dî agám-agam
Ang pagcáparool ó pagtatagumpáy.
Bibitayá't dûsang pasákit ng̃ bang̃is
O pakikibacang lubháng mapang̃anib,
Hindî alumána, cung itó ang náis
Ng̃ Baya't ng̃ madláng pinacaiibig.
Aco'y mamámatay ng̃ayóng minamalas
Itóng pamumulá ng̃ láng̃it sa sínag
Ng̃ minimithî cong araw na sisicat,
Halíli sa dilím na cagulatgulat.
Cung "grana" ang iyong kinacailang̃an
Ng̃ lalong gumandá núnucang liwaywáy,
¡Dugô co'y ibúbó't ng̃ isá man lámang
Ng̃ dakilang sinag iyong mapakináng!
Ang mg̃a mithî co muláng magcaísip
Magpahanggá ng̃ayóng maganáp ang baít,
Ang mapanood cang ¡hìyas na marikít
ng̃ dágat Siláng̃ang dito'y lumiliguid!
Matá mong marikít ay lumiligaya,
Waláng bacás luha't saganâ sa siglá,
Noo'y nacatungháy na waláng balísa,
Waláng báhid poot, muntî mang pang̃amba.
Galác niríng búhay, marubdob cong nais,
¡Lumigaya ikaw! ... sigáw ng̃ pagibig
Ng̃ calolowa cong gayác ng̃ aalis.
¡Guinháwa camtán mo! ... ¡Anóng pagcárikît!
¡Mátimbuang upang mátaas ca lamang,
Mamatáy at upang mabigyán cang buhay,
Mamatáy sa sílong ng̃ lang̃it mong mahál,
Málibing sa lupang puspós ng̃ carictán!
Cung sa ibáng âraw icáw'y may mápansin
Bulaclac na abâ sa dukhâ cong libíng,
Sumílang sa guitnâ ng̃ damóng masinsín,
Hagcá't ang halíc mo'y itaós sa akin.
Sa samyó ng̃ iyong pagsuyong matamís,
Dalisay na guiliw ng̃ may sintang dibdib,
Bayâang tumanggap noo co ng̃ ínit
Sa pagcápalibing sa lúpang malamíg.
Bayâan mong acó'y malásin ng̃ buwán
Sa liwanag niyang hináho't malamlám,
Bayâang ihatíd sa aking baunan
Madalíng mapáwing sínag ng̃ liwaywáy.
Bayâang humibík ang símoy ng̃ háng̃in,
[LXV]At cung may dumápo sa Cruz ng̃ libing
Na anó mang ibo'y bayâang awitin
Sa húning masayá ang payapang aliw.
Bayâang ang áraw na lubháng maning̃as
Ulán ay tuyui't sing̃aw ay itaás,
Maguíng pang̃anuring dalisay at wagás,
Calangcap ang áking hibíc ng̃ pagliyag.
Bayâang ang áking maágang pagpánaw
Itang̃is ng̃ isáng cototong sino man,
Cung may magpatungcòl sa akin ng̃ dasál
Acó'y iyo sanang idalang̃in namán.
Idaláng̃in mo rin ang kinapós pálad
Na nang̃amatáy na't yaóng nang̃aghírap
Sa daming pasakit, at ang lumálang̃ap
Naming mg̃a iná ng̃ luhang masacláp.
Iyong idaláng̃in ang bao't ulíla,
Ang nang̃apipiit na pinagdurusa;
Iyong idaláng̃ing icaw'y matubós na
Sa pagca alíping láong binabata.
Cung nababalot na ang mg̃a libing̃an
Ng̃ sápot na itím ng̃ gabíng mapangláw,
At cung walang tanod cung di pawang patáy,
Howág gambalàin ang catahimican.
Pagpitaganan mo ang hiwagang líhim.
At mapapakinggan ang tinig marahil
Ng̃ isang salterio[65], ito ng̃a'y aco ring
Ina-awitan ca ng̃ aking pag-guiliw.
Cung ang libing̃an co'y limót na ng̃ madlâ
At walâ ng̃ Cruz at bató mang tandâ,
Sa nang̃agbubukid ay ipaubayang
Bungcalí't isabog ang natipíng lúpà
Ang mg̃a abó co'y cung ipailanglang,
Maowi sa walâ na pinanggaling̃an,
At macalat na ng̃ang parang capupunán
Ng̃ iyong alabóc sa lupang tungtung̃an.
Sa gayo'y wala ng̃ anó man sa aking
Aco'y limútin na't aking lilibutin
Yaong impapawid, caparanga't hang̃in,
At aco sa iyo'y maguiguing taguingtíng.
Bang̃ó, ting̃ig, higuing, awit na masayá,
Liwanag at culay na lugon ng̃ mata'y
Uulit-ulitin sa towi towi na
Ang cataimtiman ng̃ aking pag asa.
Sintang FILIPINAS, lupa cong hinirang,
Dusa ng̃ dusa co ng̃ayon ay paking̃an:
Bilang habilin cong sa iyo'y iiwan
Ang lahat ng̃ lalong inirog sa búhay.
Aco'y yayao na sa bayang payápà
Na walang alipi't púnong mapang-abâ,
Doo'y di nanatay sa paniniwálà
At ang naghahari'y Dios na dakílà.
¡Paalam na aco magulang, capatid,
Bahagui ng̃ puso't unang nácaniig,
Ipagpasalamat ang aking pag-alis
Sa buhay na itong lagui ng̃ ligalig!
¡Paalam na liyag tang̃ing caulayaw
Taga ibang lupang aking catowaan!
¡Paalam sa inyo mg̃a minamahal,
Mamatay ay ganap na catahimican!

Jose Rizal.

"¡Walâ isa man lamang salitâ ng̃ pagtatanim sa mg̃a pumatay sa canya!... ¡Pawang pag-ibig na lahát sa caniyang tinubuang bayan at sa canyang mg̃a capanig!" ani Don Wenceslaw E. Retana.

Decorative motif

Dinamdam ng̃ Europa, ng̃ América, ng̃ lahat ng̃ bayang civilizado, lalo na ng̃ mg̃a pantás sa lahat ng̃ làhi ang cakilakilabot na pagcápatay sa "Dakilang Tagalog" ng̃ mg̃a castílà.

Si Guinoong Fernando Blumentrit, ang pantás na profesor etnógrafo, ang pang̃ulong nagdamdam, ang isa sa mg̃a pang̃ulong nagpighati ng̃ dî cawásà.

Pakinggan ng̃ írog na bumabasa ang isinulat cay Guinong Mariano Ponce ni G. Fernando Blumentritt, pagcaalam nitò ng̃ calupitang guinawâ sa capatíd na hírang ng̃ canyang calolowa:

"May sugat ang aking púsô!... Natatalastas mo ang calakháng dî ano lamang ng̃ sa caniya'y aking pag-irog!... Nang̃agsumakit ang lalong mg̃a bantòg na tao sa Europa upang siya'y iligtás, datapowa't hindî nang̃agtagumpáy: ang cálolowang mahal na iyo'y naakyat sa lang̃it, Macasasamáng [LXVI]totoo sa capangyarihan ng̃ castílà ang pagcàpabaril sa caniya: sa macatuwíd ay hindî lamang naguíng waláng cabuluhán ang boong cabang̃isáng iyòn, cung dî isa namang cahaling̃áng calakilakihan sa pamamanihálà ng̃ bayan."

Naglathálà ang marunong na si Blumentritt ng̃ mahahalagang casulatan tungcol sa buhay at pagcamatáy ni Rizal sa "Archivos Internacionales de Etnografía", sa Leida, sa "Almanaque de Praga ng̃ 1898" at sa halos dî mabilang na mg̃a pámahayagan.

Nagsaysay rin naman ng̃ malaki't taimtim na mg̃a pagdaramdam:

Ang Profesor Dr. Renward Braustetter, pantás na malayólogo sa Lucerna.

Ang Dr. Fedor Jagor, aleman, sumulat ng̃ isáng librong ang pamagát ay "Viajes por Filipinas" na isinawicang inglés at castilà.

Ang Dr. Friedrich Ratzel, alemán, marilág na geógrafo at etnógrafo, bantóg sa boong daigdig sa carunung̃an. Sinabi ng̃ pantás na itó sa isáng mahabang casulatang inilathalà sa dahong dagdág, tungcol sa dunong, sa "Allegemeine Zeitung" sa Munich, na mataas ang dunong at matálas ang ísip ni Rizal cay sa mg̃a umusig sa canyá.

Ang profesor M. Buchner, Director ng̃ Museo Etnográfico sa Munich, hirang na totoong malayólogo. Sumulat ang pantás na itó cay G. Ponce at sinabing: "si Dr. Rizal ay ang tagapakiharáp na mahal ng̃ lahing mahál ng̃ mg̃a tagalog, at ang larawan niya'y na sa lalong mahál na pinaglalagyán sa aming Museo."

Si Monsieur Edmont Plauchut, kilalang orientalista francés, na nacatatalos na magalíng sa Filipinas, na may sinulat na ilang mg̃a libro at manunulat sa mg̃a pahayagang "Le Temps" at "Revue des Deux Mondes." Pagca alam niyang ipinabaríl si Rizal ay naglathálà ng̃ pagpapapuri sa ating marilág na capatíd at pagcatapos ay sinabi: "¿Ang gayong caraming dugo'y magbung̃a cayâ ng̃ icapagsásarilí ng̃ sangcapuluan? Minimithî co ng̃ boong púsò."

Ang Dr. W. Joest, profesor sa Universidad ng̃ Berlín, marilág na geógrafo. Naglathálâ ng̃ pagtatacá at pagpapaunlác cay Rizal.

Ang Dr. H. Kern, profesor ng̃ Sánscrito sa Universidad ng̃ Leida at pang̃ulong malayista sa daigdig. Pinuri niyá ang mg̃a librong cathâ ni Rizal.

Ang Dr. J. Montano, francés, bayaning maglalacbay, marunong ng̃ sarisaring wicà at pantás na antropólogo; nagparang̃al cay Rizal.

Ang Dr. F. Muller, profesor sa Universidad ng̃ Viena, dakilang filólogo; naghayag ng̃ canyang panghihinayang cay Rizal. At gayon din ang mg̃a marurunong at maririlag sa taong sumusunod.

Ang pantás at bantog na literatang holandesa na nagpapamagat ng̃ "H. D. Teenk Willink."

Si Mr. Manfred Wittich, manunulat na taga Leipzig.

Si Dr Betances, político cubano.

Si Dr. Boettger, bantóg na naturalista alemán.

Si Dr. A. B. Meyer, Director ng̃ Museo Etnográfico sa Dresde, cárilagdilagang filipinólogo at isa sa lalong totoong nagmamahal cay Rizal.

Si Monsieur Odekerchen, Director ng̃ páhayagang "L'Express", sa Lieja.

Si Dr. Ed Seler, na naghulog sa wicang aleman ng̃ Huling Caisipán ni Rizal.

Si Mr. H. W. Bray marunong na manunulat na inglés.

Si Mr. John Foreman, na sumulat ng̃ iláng libro tungcol sa Filipinas.

Si Herr C. M. Heller, naturalista aleman.

Si Dr. Stolpe, pantás na taga Suecia.

Si Herr Armand Lehinaut, ingeniero at literato austriaco.

Si Dr. J. M. Podhovsky, balitang manunulat na teheque, at iba pang lubhang marami.

At cung dito'y ilalagda ang talaan ng̃ mg̃a libro, ng̃ mg̃a "revista" at ng̃ mg̃a "periódico" na nang̃agbigay dang̃al cay Rizal ay hindî matatapos. Tatatlompong araw pa lamang ang nacararâan mulâ ng̃ barilín si Rizal ay nacatipon na ang pantás na si Blumentritt ng̃ pitompo at tatlong "periódico" sa Europa na pumupuri cay Rizal at nagsasaysay ng̃ malaking pagdaramdam ng̃ sa canya'y pagcápatay; isipin ng̃ bumabasa cung gaanong dami cayâ ang mg̃a isinulat [LXVII]tungcol sa canya ng̃ macaraan na ang ilang bwan. Carapatdapat bangguitin ang mg̃a páhayagang "Leipsinger Illustrirte Zeitung", "Allgemeine Zeitung", "National Zeitung", "Berliner", "Tageblatt", "Frendenblats", "Hamburger", "Nachrichten", "Globus", "Kolnische Zeitung", ang "Ost Asien" na pinamamatnugutan ng̃ pantás na japonés na si Kisak Tamai, at iba pang maraming páhayagan sa Alemania, ang "Boletin" ng̃ mg̃a Orientalista sa Austria; ang "De Indische Gids", sa Amsterdam; "New Yorker", "Staatszeitung", "Patria", "New York Herald", "The San Francisco Chronicle", sa Estados Unidos; Le Temps", "L'Eclair", "La République Cubaine", sa Paris; "L'Express" at "La Réforme" sa Bélgica; "Opden Uitkijk", sa Holanda; "London Ilustrated News" at "National Review" sa Inglaterra; iláng mg̃a páhayagan sa Austria-Hungría, sa Suecia, at iba pa; ang lahát ng̃ mg̃a páhayagan sa Singapore, sa Hongkong, sa Macao, Shanghai, sa Japon, sa América Latina at iba pa.

Maraming mg̃a dakilang "Velada" ang inihandog sa pag-aalaala cay Rizal sa mg̃a ciudad ng̃ sangsinucob. Ang isa mg̃a Veladang iya'y ang idinaos ng̃ ica 20 ng̃ Noviembre ng̃ 1897 ng̃ "Sociedad Antropológica" sa Berlin, sa ilalim ng̃ pamamatnugot ng̃ pang̃ulong antropólogo sa boong tinacpang si Virchow. Binasa sa Veladang iyon ang "Huling Caisipan" ni Rizal sa tuláng aleman ng̃ Dr. Ed. Seler.

Naghandog din ang mg̃a norteamericano ng̃ pagbibigay-dang̃al cay Rizal, ng̃ ica 19 ng̃ Junio ng̃ 1902 sa bahay ng̃ mg̃a Representante, sa Washington, na ipinakilala nilang si Rizal ay cawang̃is din ni Washington, na may carapatáng igalang at alayan ng̃ ganáp na pagpupuri ng̃ sangcataohan. Umuugong, tunay na umuugong ang dakila't cagandagandahang bahay ng̃ mg̃a Representante sa Washington sa pagbibigay-dang̃al sa walang cahulílip nating capatíd.

Naghandog din ng̃ maning̃as at cágalingaling̃ang pagbibigay dang̃al cay Rizal, sa pamamag-itan ng̃ isáng talumpatì si Theodore Roosevelt, presidente ng̃ Estados Unidos: sinabi niyang carapatdapat uliranín ang buhay ni Rizal at ang mg̃a librong kinathâ niya'y Evangeliong pumapatnugot sa landás ng̃ icasusulong, iguiguinhawa at icaririlág ng̃ mg̃a bayan.

Pakingan naman natin ng̃ayón ang salitâ ng̃ pahám na manunulat na castilang si D. Wenceslao E. Retana:

"Pagcatapos—anya—nang maiclíng casaysayang ito, na nagpapakilala ng̃ isáng culabóng sinag ng̃ malakíng pangguiguilalás ng̃ gayong caraming lubhang maririlag na mg̃a tao, mang̃ang̃ahás camíng isumag ang pasiyang sinabi sa Gobierno tungcól cay Rizal ng̃ Excelentísimo Señor Don Nicolás Peña, Auditor ng̃ Ejército ng̃ Filipinas. Alinsunod sa sinabi ng̃ guinoo, si Rizal ay isáng pang̃ahás na hindî man lamang marunong sumulat at hindî maalam mag-isíp ísip.... ¡Lakíng kahapishapis na caibhán ang namamasdan sa pasiya ng̃ Guinoong Peña, na caya lamang kilalá ay salamat sa "Anuario Militar ng̃ España", sa mg̃a pasya ng̃ mg̃a Virchou, ng̃ mg̃a A. B. Meyer, ng̃ mg̃a Kern, ng̃ mg̃a Blumentritt at ng̃ lubhang maraming mg̃a pantás na hinahang̃aan at bantog sa boong sinucob! Datapuwa't lalo ng̃ kahapishapis ang isa pang pagcacaiba: ang sinasalitâ ng̃ "La Independencia"[66] sa canyang pagsasaysay ng̃ malaking pagdaramdam ng̃ boong sancataohang may magandang asal ng̃ maalaman nila ang pagcamatay ni Rizal ... "Laking kaibhang-anang "La Independencia"—ng̃ ganitong pagpapakita ng̃ sancataohan ng̃ canyang pagpipighatî sa pagpatáy cay Rizal, at yaong "sayáw sa mg̃a patay" na guinawâ ng̃ mg̃a castílà sa canilang pagcacatowâ ng̃ pagcápatay sa canilang tinampalasan, sayaw sa mg̃a patáy na canilang idinaos sa ibabaw ng̃ bagong catatabong baunan ni Rizal na ano pa't canilang guiniic at minunglaymunglay ang mg̃a corona at mg̃a bulaclac na inilagay sa ibabaw ng̃ libing̃ang iyon ng̃ masintahing mg̃a camay ng̃ mg̃a catoto!"

Pinabantayán ng̃ Excelentísimo Señor Don Camilo Palavîeja, Teniente General ng̃ Ejército ng̃ España at Gobernador at Capitan general [LXVIII]ng̃ Sangcapuluang Filipinas ang libing̃an ni Dr. Jose Rizal sa loob ng̃ labing limang araw at labing limang gabi. Limampong sundalong castílà, isáng capitan, isáng teniente, isáng sargento segundo at dalawang cabo ang nang̃agbantay. Pínabantayan sa pang̃ang̃anib na bacâ nacawin ng̃ mg̃a tagalog ang bangcay ni Rizal, at bago ipamalitang ito'y muling nabuhay. Walang pinag-ibhan cay Jesucristo.

Ng̃ macalampas na ang labinglimang araw, mulâ ng̃ ibaón sa lupà, si Rizal na walang cabaong at waláng balot man lamang, na baníg, iniwan na ng̃ mg̃a, nagbábantáy.

Tinandaan na lamang ng̃ mg̃a capatíd ni Rizal ang pinaglíbing̃an nito ng̃ isáng cruz.

Ng̃ buwan ng̃ Agosto ng̃ 1898, ng̃ magtagumpay na ng̃ lubos ang mg̃a filipinong revolucionario at ng̃ maibabâ na sa Filipinas ang bandera ng̃ España, hinucay ng̃ ating mg̃a caláhì ang libing̃an ni Rizal, kinuha nila ang mg̃a butó at bung̃ô nito, inilagay nila sa isáng mahalagang urnang gawâ ng̃ bantog na escultor na si Guinoong Romualdo Teodoro de Jesús, at pagcatapos ay inihatid ng̃ di mabilang na tao ng̃ boong galang sa bahay ng̃ canyang ina. Buongbuo ang bung̃ô ng̃ úlo ni Rizal, na ano pa't napagkikilalang hindî nasugatan ng̃ bala. Datapuwa't ng̃ hanapin sa zapatos ang casulatang bilin ng̃ nasirà, ang papel ay naguing pulbos na't wala ng̃ mabasa cahi't isáng letra man lamang. ¡Cahapishapis!...

Decorative motif

Ang mg̃a sinaysay co sa mg̃a talatang natalikdan ay mg̃a balitang bigay sa akin ni G. Saturnina Rizal, ng̃ canyang esposong si G. Manuel Hidalgo, ng̃ mg̃a caibiga't cakilala ni Rizal at ang iba'y aking nabasa naman sa librong "Vida y escritos del Dr. Rizal," na sinulat at inihayag ni Don Wenceslao E. Retana.

Sa libro ring "Vida y escritos del Dr. Rizal" ay aking sisipiín ang mg̃a saysay ni Don Francisco Pi y Margall, ng̃ sinabi ng̃ si Don Wenceslao E. Retana, ni Don Miguel de Unamuno at ni Guinoong Javier Gómez de la Serna, ang tatlong nauna'y castílà at itong hulí ay cababayan natin, sa pagca't dito siya inianâc, tungcol sa España, sa Filipinas, cay Rizal at sa mg̃a fraile.

Decorative motif

Mg̃a saysay ni Don Francisco Pi y Margall:—"Sawíng palad ng̃â ang mg̃a nasásacop ng̃ ating capangyarihan sa dacong Oceanía: hindî ipinagcacaloob sa canila ang mg̃a "derechos políticos", ang mg̃a carapatán ò catuwiran bagáng ucol sa táong namamayan, ayaw ipagcaloob sa canilá ang catuwirang magcaroon ng̃ mg̃a tagapakiharáp sa Capulung̃ang-Bayan, ayaw alsín sa canilá ang pamatoc na sa canila'y isinacláy ng̃ mg̃a fraile, at pagca nauucol sa iguiguinhawa ng̃ canilang catawan sila'y nililimot na parang hindî mg̃a caanib ng̃ España. ¿Papaanong iirog sa atin ang mg̃a taong doo'y nananahan? ¿Papaanong hindî magdaramdam ng̃ malaking pagcainíp upang sila'y macaligtás sa cahariang sa canila'y namamahalang tulad sa mg̃a unang panahon ng̃ pagcalupig sa canila? Cung dumating ang araw na sila'y manghimagsíc, ¿anong cacatuwiranin natin upang tayo'y dumaíng?"

Decorative motif

Ganito naman ang mg̃a pananalita ni Don Wenceslao E. Retana:

"Si Jose Rizal ang siyang buháy na nagpapakilala ng̃ ating cahapishapis na pamamahala sa ating sacop na ibáng lupaín. Hindî mangyayaring mapapanatili ang pagcasacóp ng̃ isáng caharìan sa ibáng lupaín cung dì sa pamamag-itan lamang ng̃ dalawang paraan: O sa cusang calooban ng̃ mg̃a tubò sa ibáng lupaíng iyon, ó sa sápilitan. Carapatdapat sabihing cailan ma'y walang ano mang guinawâ ang España upang manatiling cusà ang mg̃a nasasacop na taga ibàng lupain sa pagkilala sa canyang capangyarihan; salung̃at na salung̃át ang gayón sa patacbó ng̃ caisipán ng̃ ating láhì: sa tuwi na'y ipinalagay ng̃ dalisáy na castílà, na hindî tunay na guinagamit ang capangyarihan sa nasasacop na ibáng lupaín, cung hindî sinusupil ang mg̃a tagaroon upang sumunód sa bawa't maisipan ng̃ nacapangyayari. (At unawaing tinatawag na nacapangyayari, hindî ang Estado[67], at hindî rin ang [LXIX]Púnò ng̃ Estado, cung dî ang castílà). Pinapanatili ng̃ España sa pagkilala sa canyang capangyarihan ang nasasacop na mg̃a taga ibang lúpà sa pamamag-itan ng̃ lacás. Datapuwa't palibhasa'y hindî sumásapat ang nacucuhang salapî sa Filipinas upang doo'y mapapanatili ang isáng malakíng hucbó ng̃ mg̃a castilang tunay, minagalíng ng̃ España—cahi't kinikilalang isáng "casamang kinacailang̃ang gawín"—ang papamalaguîin sa walang taning na panahón ang calacaráng mulâ sa lacás ng̃ "hicayat" ng̃ fraile, na ano pa't hinang̃ad ng̃ España ang magawâ ang hindî mangyayaring bagay, na magcásabay ang pamamahalà ng̃ fraile at sacâ ang paglagô ng̃ mg̃a carunung̃an ayon sa bagong caisipán. Datapuwa't hindî macagaganáp ang fraile sa canyang tungculing "pagcafraile", cung hindî niya gagamitin, ano mang cáratnan, ang canyang "tinutuntong landás", na ito'y dî iba cung dî ang paraang papanatilihin ang bayan sa carilimán ng̃ isip at sa hindî pagcatantô nang magagandang caasalán, at ang naguing bung̃a ng̃ gayong hidwang palacad (papamalaguiin bagang "indio"[68] ang filipino hanggang nabubuhay) na laban sa mapilit na cahing̃îan ng̃ lacad ng̃ panahón (cahing̃îang hindî macataliwacás at ayaw namang tumaliwacás ang caramihan sa mg̃a filipino) ay ang pagsilang ng̃ paláisipang-bayang talastas na ng̃ lahát cung paano ang kináwacasan.

"Hindî lamang ang dî malilagang batás ng̃ panahón ang calaban ng̃ lumang palacad; calaban din naman ang mg̃a castilang anác sa España, na sa cawacasa'y ipinalagay niláng bawa't fraile ay canilang capang̃agáw; at sa ganito'y sa canilang cahapishapis na pag-uunahan sa pagsisirâan, silasilá ring mg̃a castilang may "hábito" ó walang "hábito", may ahit sa ulo ó walang ahit ang siyang nang̃aglugsôan ng̃ canicanilang puri, hanggang sa mapagkilala tulóy ng̃ mg̃a túbò sa Filipinas ang taglay niláng budhî. Sa isáng bagay lamang nang̃agcacaisa ang mg̃a ganap na castilà, may ahit sa ulo ó walâ; ang papanatilihin sa pagca-"indio" ang mg̃a pinamamagatang "indio"; bagay na udyóc ng̃ capalaluan ng̃ mg̃a castilâ, capalaluang lalong lumúlubhâ, samantalang lalong mahigpít; ang pag-ibig ng̃ castílà sa canyang kinamulatang bayan (!)

".....................................................Untiunting guinágawang "guinoo" ng̃ Gobierno ng̃ España ang mg̃a filipino; ng̃uni't sa pagca't nananatili ang fraile, ang cototohana'y nananatìli naman ang filipino sa "pagca-alipin", at ang nangyayari'y samantalang lumalaganap ang pagbibigay catuwiran, lumulaganap naman ang pagyurac sa catuwiran. Nananatili ang pang̃ulong púnò sa Colonia[69] sa pagtataglay ng̃ capangyarihang magawâ ang bawa't maibigan, at nananatili naman ang fraile sa pagca siyang namamag-itan sa Bayan at sa Gobierno, at sa ganitong calagaya'y walâ ng̃ang kinácamtang masasabing ligaya ang "indio", liban na lamang sa ligayang papaguing dapatin ng̃ fraileng sa canya'y ipagcaloob.

Lubós ng̃ang naguing magcaaway na totoo ang "Fraile" at ang "Progreso"[70]: calabisán ang alín man sa dalawa. Minamagalíng ng̃ mg̃a filipino ang "Progreso." Datapowa't cung alisín ang fraile; ¿alín ang "lacás" na icapipiguil sa paghiwalay ng̃ colonia? At sa ganito'y ¿di baga dapat na ipalagáy na "sospechoso"[71] ang filipinong magmunacalang magwacsì ng̃ "lacás" ng̃ fraile? Nariyan ang ugát ng̃ dî magaping capangyarihan ng̃ fraile: hindî ng̃â mangyayaring mahalinhan silá. Nalalaman ng̃ mg̃a fraile ang bagay na itó, caya't guinágawâ nilá bawa't maisipan. At ang Gobierno ng̃ castilang nagpapacapagal [LXX]ng̃ dî ano lamang sa iguiguinhawa ng̃ mg̃a filipino, gayon ma'y hindî mangyaring dî niya gamitin ang fraileng magpacailan ma'y siyang bucál ng̃ ipinaghihirap ng̃ canyang mg̃a sacóp na iyang pinagsisicapan niya ang pagtatamó ng̃ "magandang palad."

..................................................

"Samantalang nananatili sa alaala ng̃ bayang Filipinas ang hindî pag limot cay Rizal, mananatili naman sa bayang iyon ang pagmimithing magcaroon ng̃ isáng Bayan puspós sa carapatán at may magandáng caasalán. ¡Sa abâ ng̃ Filipinas cung sa canya'y lumípas ang pag-aalaalang iyan! ¡Hihibic siya sa caalipnang atang ng̃ mg̃a taga ibang lupaín! At lalò pa ng̃ang magalíng sa matandang España na mamuhay ang canyang naguíng anác sa marilág na casarinlán cahi't na sa carukhâan, at huwag pawîin sa dibdib ang catibayan ng̃ dating pagguiguiliwán, cay sa magtiis ang naguíng anác na iyan sa pagcasacóp ng̃ isáng áli, na cahi't magpacayamanyaman ay hindî magtátaglay cailan man niyang talinghagà at di mapagwaring pagsintang catutubò ng̃ tunay na iná.................................."

¡Cahabaghabag na España, na totoong ipinagsisigawan sa pagdiriwang ng̃ mg̃a líbolibong halíng, na conowa'y sumísinta sa kinaguisnang bayan!... ¡Cahabaghabag na España!... ¡Ng̃ umaga ring iyón, casabay ng̃ tugtóg ng̃ "Marcha de Cádiz" na naalis na patuluyan ang paghahári mo sa púsò ng̃ Filipinas! Ang púsong iyan ay ang cay Rizal na pinaglagusan ng̃ bala, ¡oh culang palad na España! ng̃ iyong mg̃a mapagpaconwaring sumisinta sa kinamulatang lupa!... Hindî; hindî ikaw, loob mahal na España, ang umamis ng̃ buhay ng̃ Dakilang Banál na iyón, ang taong yaong itinutulad cay Jesucristo ng̃ boong catuwiran ng̃ pitong ang̃aw-ang̃aw na pawang naguing mg̃a anac mo: ang pumatay sa canya'y ang budhing hílig sa cariliman ng̃ mg̃a iniyanac sa iyong lupaíng inudyucan ng̃ isang pulutong ng̃ mg̃a fraile; iyang mg̃a fraileng cung hindî nang̃atutong gumanáp ng̃ canilang mg̃a catungcalang mahál, ang lalong mg̃a mahal na catungculan sa mg̃a nagpapang̃alang "Ministro ng̃ Dios", na mang̃agsidalaw sa capilla upang ihandog ang canilang mg̃a abuloy sa calolowa ng̃ hinatulang patayín, ay nang̃atuto namáng pumaroon sa capatagan ng̃ Bagumbayan upang magcamít ng̃ lihim na galac sa panonood sa pagcapatimbuang ng̃ Dakilang Mapaninta sa calayaan, na ang guinawang sangcala'y ang balat-cayong pagsintá sa kinamulatang lúpà sa hang̃ad nilang patdín ang sumusunog sa canilang cauhawan sa dugô ng̃ mg̃a filipino ... At samantalang sinasabi ni Rizal sa isang jesuita, sa calaguimlaguím na sandalíng iyon:—"¡Amá: pinatatawad co ang lahát ng̃ boong púsò, sino ma'y walâ acong kinasasam-an ng̃ loob!—ang mg̃a fraile, at cung dî sila'y ang canilang mg̃a caanib, ay isinusulat naman nila sa "La Voz Española" ang ganito:

"At sa ganyan lamang paraan, sa "PAGWALIS" ng̃ masamang binhî, sa "PAGGAPAS" ng̃ mg̃a tuyóng uhay sa halamanan, maiilagang magpahamac sa canilang sarili ang mg̃a mangmang at ang mg̃a magdarayang tacsíl na ipinagtumulac ng̃ lalong mg̃a budhing tampalasan sa pananandata laban sa Inang bayan, at ang mg̃a itinulac ng̃ manggagamot na mestizong insíc sa paglabág at sa pagtalicód sa pananampalataya."[72]

"¿Paanong hindî bábarilin si Dr. Jose Rizal ay ang pasiya ng̃ mg̃a namamatnugot sa caisipang bayan sa Filipinas, ang icaliligtas lamang ng̃ España sa canyang colonia malaya ay ang "PAGWALIS" at "PAGGAPAS", sa macatuwid baga'y ang "PAGLIPOL" (sa mg̃a filipino)? ¿Sa caculang̃ang palad ay hindî pa nagaganap ang pagcatuto ng̃ mg̃a castílà: baga man sa alin mang lupaín at sa alin mang panaho'y pawang capahamacán ang ibinung̃a ng̃ paraang "WALIS" at "GAPAS", ay siya ring ipinagpatuloy na gawin sa Filipinas ... At sa "pagwawalìs" at sa "paggagapas, na casabay ang pagtugtog ng̃ "Marcha de Cádiz" at ang sigaw na "¡Viva España!" ay nawalâ sa atin ang magandang Capuluang [LXXI]iyon, sa pagpapalag-ós ng̃ bála sa canyang púsò sa púsò ng̃ pang̃úlo ng̃ mg̃a táong doo'y inianac, ang maningning na tagalog na si Jose Rizal."

.................................................... "Halos ang boong casalanan ng̃ lubhang casakitsakit at hindî na magágamot na pagcacámali ay na sa Arzobispo at na sa mg̃a fraile. Cung hining̃ì sana ni pàrì Nozaleda at ng̃ mg̃a fraile ang "indulto" ni Rizal, hindî lamang sa catuparan ng̃ isáng catungculang lubhang nauucol sa nang̃agpápanggap (¡lakíng capusung̃an!) na mg̃a "kinàcatawan ni Jesucristo sa ibabaw ng̃ mg̃a lúpà" (ni Jesucristong bucál ng̃ cabaitan at ng̃ pagcacaawang-gawâ); cung dî naman ng̃ canilang maisu-at sa mg̃a mapupusoc na dibdib ang pagcapamag-itan nilà at ng̃ huwag mábaril si Rizal, bagay na cung guinawâ nila'y maaasahan halos na humilig disin ang calooban ni Polavieja sa pagcaawâ. Datapuwa't sa gayòng patacbó ng̃ ísip ng̃ mg̃a fraile, na "¡WALIS!" at "¡GAPAS!" silá ng̃a ang lalong totoong nangagdaramdam ng̃ pagcauhaw sa dugô silà ng̃a ang lalong nagtataglay ng̃ lubháng malakíng pagtatanim ng̃ galit (¡ganyan ang canilang pagtupad sa "ibiguin mo ang capuwa mo tawo na gaya ng̃ pag ibig mo sa iyong sarili!") laban sa marilág na tagalog, at hindî ng̃a ang paghing̃ì ng̃ "indulto" ang canilang guinawà, cung dî ang pagparoon sa Bagumbayan, puspos ng̃ hindî nila maicailang ligaya, upang mapanood ng̃ canilang sariling mg̃a matá, na tunay ng̃ang natimbuwang si Rizal at hindî na muling macababang̃on pa ... ¡Pagcalakilaking capang̃itan ng̃ asal na íyan cung panonoorin sa talárò ng̃ caisipan! ¡Hindî ng̃a mangyayaring dî caririmariman ng̃ talárò ng̃ caisipan ang ganyang casamasamaang cagagawán ng̃ mg̃a taong sinasabing mg̃a apóstol ng̃ religión ng̃ pagsisintahan ng̃ lahat ng̃ mg̃a inianac! ¡At caya ganyan ng̃a ang nangyari, na samantalang natutuclasan ni Rizal na siya'y huwag malimot ng̃ sangcataohan magpasawalang hanggan, ibinubuhos naman ng̃ mg̃a ganid na fraileng iyang tunay na caalit ng̃ wagás na budhíng binyagan, sa canilang talagang hindî nagcalinis na "historia" ang calakilakiha't macapál na dung̃is, na ano pa't magpacaílan ma'y walang macalilinis na ano mang lejía, mg̃a panalang̃in ó mg̃a himalâ man"....

Decorative motif

"Tíniis ni Rizal—anáng pantás na castílang si Don Miguel de Unamuno ang mahambóg na cagaspang̃an ng̃ asal ng̃ (lahing) putî, asal na magaspang na walang maiuucol cung dî ang salitang griego: "authadía." Ang cahulugan nito'y ang pagcalugod ng̃ isáng tao sa canyang sarili, ang canyang pagcagalác na siya'y naguing siya, ang mag alíw sa canyang sarilí, at sa cawacasan, ang caraniwang cahulugan, ay ang pagmamalakí, pagwawalang pitagan sa ibá "authádico," at nagmamalaki, sa hindî pagcaunáwà ng̃ cálolowa ng̃ iba, samacatuwid baga'y sa casalatan ng̃ canyang cayang másoc sa mg̃a calolowa ng̃ mg̃a iba at makita at damdamín ang daigdig na gaya ng̃ canilang pagcakita at pagdaramdam."

Decorative motif

"Carapatdapat pagsiyasating magalíng-ani Guinoong Javier Gómez de la Serna naman—ang cataohan ni Rizal. Nabuhay na tatlompo at limang taón: naliguid na niya ang daigdig pagganap niya ng̃ icadalawampo't pitong taón; siya'y médico, novelista, poeta, político, filólogo, pedagogo, magsasacá, tipógrafo, políglota, (mahiguit na sampong wicâ ng̃ iba't ibang bayan ang nasásalità), escultor, pintor, naturalista, caanib sa mg̃a bantóg na mg̃a Capisanang tungcol sa dunong, sa Europa; ibininyag ang canyang pang̃alan sa mg̃a bagong bagay na canyang na tuclasan; nanahán at nag-aral sa mg̃a malalaking pang̃ulong bayan sa Europa at América; hindî cacaunti ang bilang ng̃ dahon ng̃ librong ito ang kinatatalaan ng̃ canyang mg̃a libro at mg̃a casulatan. Nang̃ag-alay dahil sa canyang pagcamatay ng̃ mg̃a "velada" at mg̃a patungcol na alaala ang ilang mg̃a capisanan ng̃ mg̃a pantás, at ang mg̃a páhayagan sa boong tinacpan. Iyan ang taong ating binaril."

Decorative motif

Niyayo'y buwan ng̃ Agosto ng̃ 1882.

Nalilipos ng̃ laguím ang boong Maynila; cakilakilabot [LXXII]ang pagcacamatay ng̃ tao dahil sa sakit na "cólera". Casalucuyang inilalathalâ niyon ang "Diariong Tagalog"; dalawa caming mánunulat sa wícâ natin sa páhayagang iyon, ang tang̃ing macabayan at cárilagdilagan filipinong si Gat Marcelo Hilario del Pilar Gatmaitan at acó. Datapuwa't ¡ay! ng̃ panahong iyo'y natatanicalaan ang calayaan ng̃ mg̃a panitic, walang nasasaysay cung dî ang papaguingdapating itulot ng̃ macapangyarihang dito'y nagmamay-arí ng̃ buhay, dang̃al at pamumuhay ng̃ mg̃a culang palad na filipino. Sa guitnâ ng̃ gayong cahapishapis na calagaya'y siyang pagdating sa amin ng̃ isang sulat na galing Barcelona, liham ni Rizal na may calakip na isang mababang casulatang wicang castilà, na "Amor Patrio" ang nababasa sa unang talatà, at ang firma'y "Laong-Laan". Walang cahulilip na lugod ang aming tinamó ng̃ basahin naming dalawa ang casulatang iyon. Maalab at dalisay na pagsinta sa tinubuang lúpà ang doo'y nálalamang sinasaysay sa calugod-lugod na pagcacahanay, mg̃a hiwagang pananalitang sacdal cagandahang tumátaos sa púsò ng̃ bumabasa. Nagpang̃agaw caming dalawa ni Gat Marcelo sa paghuhulog sa wícang tagalog ng̃ casulatang iyon, at sa cawacasa'y pinagcayarían naming ang calahating dacong una'y siya ang tatagalog, at acó naman ang calahating dacong hulí. Palibhasa'y numanamnam ng̃ timyas ng̃ pananalitâ ni "Laong Laan", hindî cami nagdamdam pagod ng̃ paghuhulog sa sariling wicang dukhâ ng̃ casulatang na sa mayamang wicà ni Cervantes, at pagdaca'y inilathálà namin sa páhayagang iyon. Mulâ niyo'y kinaguiliwan co na ng̃ lubos ang calahing sa pagsulat ay aking napagkilalang may pusong wagás na macabayan, ano pa't laguing sumunodsunod sa canya ang aking calolowa sa walang licat na canyang pagsusumicap sa icaririlag ng̃ bayang minamahal, at towi na'y nakipanig sa canyang towâ ó hapis......

Napipiit acó sa bilanguan ng̃ Cádiz, España, casama ng̃ lubhang maramíng gaya co ring ipinatapong mg̃a filipino at ilang filipina ng̃ Gobierno ng̃ castilà, ng̃ aking mabasa ang "telegrama" sa mg̃a páhayagan doon, tungcol sa pagcápabaril ng̃ mg̃a halimaw na ganid sa Dakilang Anak ng̃ linuluhuran cong Inang Bayan. Nanghilacbót aco't lalong pinaglahuan ng̃ pighatî ang calolowa cong gapós na ng̃ hapis sa pagcapalayô sa kinamulatang lúpà, sa magulang, asawa't mg̃a anác, na pawang sinusuyuan ng̃ maalab na pagsinta.....

Ng̃ macaowî acó rito sa Filipinas ng̃ taóng 1899, ang unang minithî co'y macapagtayô ang lahing caymanguí ng̃ isáng marikít na "monumento" na cailan ma'y magpapaalaala sa boong sinucob cay Dr. Jose Rizal, at ng̃ mabigyang caganapán ang gayong nais, inísip cong yumárì ng̃ isáng mahalagang "Album", na ang bawa't daho'y gawâ ng̃ isáng matalinong filipino. Nang masabi co ang gayong panucalà sa macabayang si G. Eulalio Carmelo, pagdaca'y binigyan acó ng̃ bilang ambág niyang limang daang cartulinang catatagang dahon ng̃ sinabi ng̃ Album: ipinamahagui co ang mg̃a cartulinang iyon sa mg̃a paham, sa mg̃a literato, poeta, escritor, periodista, músico, pintor, dibujante at iba pa, upang bawa't isa'y magtitic doon ng̃ acalain niláng pintura, música, caisipan, dibujo ó ano mang macapagpapahalaga sa "Album." Gumanáp ang lahat at ibinigay ng̃ bawa't isá ang canicanilang gawâ sa itinayóng "Capisanan sa pagpapaunlac cay Rizal", upang ipaencuaderna ang "Album" at pagcatapos ay parifahan, at ang mapapagbilhán sa mg̃a billete ng̃ rifa'y mapagpatuunan ng̃ gugugulin sa Monumento cay Rizal. Naggayac naman acó ng̃ isáng mainam na "Velada lírica, literaria at instrumental," na guinanáp ng̃ ica 30 ng̃ Diciembre ng̃ 1899 sa teatro Libertad. Agawán at hinanakitan pa ang pagbilí ng̃ billete. Maraming mg̃a palco ang naipagbilí ng̃ tigsasandaang piso at mg̃a butacang naipagbilí hangang tigdadalawampo't limang piso, mg̃a salapíng tinanggap na lahat ng̃ sinabi ng̃ pang̃ulo ng̃ Capisanang gaya rin naman ng̃ "Album". Nang macaraang iláng linggo mulâ ng̃ gawin ang velada'y inacalà cong mauusisà co na cung gaano ang kinálabasan, pagcatapos maawas ang gugol, ng̃uni't [LXXIII]nasayang ang aking pagál sa pag-uusisà: salapî at "album" ay capowa nang̃aligpit sa lihim ng̃ dî co mataroc, ng̃ dî co mawataswatasang "lalim ng̃ catalinuhan at dunong" ng̃ mg̃a "maririlag na macabayang" sa "talinghaga'y" nang̃ag-iing̃at ng̃ lubhang mahalagáng salapíng ambag ng̃ bayan sa Revolucion ... Ng̃ waláng caratnan ang maulit ng̃uni't mapitagan cong pag-uusisa'y iniwan co ang gayóng gawang hindî abot ng̃ aking caya, at nag isip acong magtatag ng̃ isáng hayág na ambagang hindî lamang hubad sa mg̃a "hiwagang" di cayang saliksikin ng̃ cutad cong baít, cung dî lubos na lantaran at malayo sa camay ng̃ mg̃a "cababalaghan": madalás ng̃ nangyari sa akin yaong casabihan ng̃ mg̃a castílàng: "unos tienen la fama y otros cardan la lana"[73] "iba ang nabúbusog at aco ang napapagbintang̃an", caya't humanap aco ng̃ paraang mailagan ang gayong cahidwâan, Nakiusap aco cay general McArthur, na ng̃ panahong iyo'y siyáng Gobernador Militar dito sa Filipinas, at cay Mr. William H. Taft, na niyo'y Presidente ng̃ Comisión Civil, na mangyaring abuluyan nila aco sa adhicang macapanghing̃î ng̃ ambag sa lahat ng̃ filipino upang macapagpatayô ng̃ isáng monumento cay Rizal, sa pamamag-itan ng̃ paraang magtatayo ng̃ isàng Comité (capisanan) na ang bubu-o'y mg̃a guinoong filipino na siyang mamamahalà ng̃ nauucol sa paglalaganap ng̃ paghing̃î ng̃ ambag at makikipag-alam sa mg̃a municipio at iba pang pagcacatiwalaang manghing̃î ng̃ ambag, at ang lahat ng̃ untiunting matitipong ambag ay doon ilalagac sa Tesorero Insular ng̃ Gobierno, at ng̃ mangyaring magawâ ang lahát ng̃ ito'y aco'y namanhic na maglagdâ ng̃ isáng ucol na Ley ang Comisión Civil. Capowa napahinuhod sa akin. Inilagda ng̃ sinàbi ng̃ Comisión Civil ang ipinakiusap cong Ley at inihalal na bubuô ng̃ Comité ang mg̃a tagaritong aking ipinalagay, na dî iba cung dî si na guinoong Tomás G. del Rosario, Ponciano Rizal, Teodoro Rafael Yangco, Juan Tuason, Dr. Aristón Bautista Lim, Mariano Limjap, Ramón Genato at Maximino Paterno. Hindî nawalan ng̃ mg̃a calahì at ng̃ pamahayagang filipinong sumalangsang sa aking panucalà, na dî umano'y sa pagca't na sa mahigpít na carukhaan ang bayan ay hindî marapat isipin ang mg̃a gayong pagcacagugol cung dî ang marapat pagsicapa'y ang mapapagcunan ng̃ macacain; pang̃ang̃atuwirang hayag cong sinagot sa aking pinamamatnugutang sariling páhayagang "El Grito del Pueblo" at "Ang Kapatíd ng̃ Bayan" na hindî icababawas ng̃ yaman ó icáraragdag ng̃ paghihirap na ang pitong millóng filipino'y umambag ng̃ tigagalawang céntimo bawa't isa, upang macapagtayo sa kinatimbuwang̃ang lúpà ng̃ naghayin ng̃ dugô at buhay at ng̃ ang bayang ito'y magcamit calayâan at dang̃al; na ang dalawang céntimong ibibigay ng̃ bawa't filipino'y maguiguing isang maliwanag na tagapagpatotoo sa boong cataohang ang lahing caymangui'y marunong magmahal sa capatíd na may mahal at bayaning pusong natutong magtanghal ng̃ capurihan ng̃ bayang kinaguisnan, bucod sa macapagpapasulong ng̃ calooban sa mg̃a cababayan upang panghinularan ang mg̃a dakilang gawang cagaling̃an ng̃ pinaghahandugan ng̃ gayong bagay, at ang "monumento'y" magpapagunitâ sa maghahalihaliling tao sa panahóng hinaharap, sa natutong pumucaw sa mg̃a carugong náhihimbing sa caalipnan at nagbang̃ong puri ... Naraos ang panghihing̃î ng̃ ambág at ng̃ayo'y casalucuyang iniing̃atan ng̃ Tesorero Insular ang may mg̃a isáng daan at labing anim na libong piso (P. 116000) na siyang gugugulin sa hindî malalao't matatayong monumento cay Rizal, sa paseo ng̃ Luneta, na sa canya'y pinagbarilan. Cung magalíng ó masamâ ang aking guinawâ sa pagcapanucalà ng̃ monumentong iyón, ang mg̃a cababayang may damdamin ang siyang magpasiya.

Sa pagpapaunlac din sa ating capatíd na Martir ay naglathalà acó ng̃ linguhang páhayagang Rizal, na sa casawîang palad ay hindî tumagal ang buhay.

Ang mg̃a guinawâ cong ito'y sa pagtupad sa aking catungculang pagcafilipino.

[LXXIV]Matibay na ng̃ang totoo ang hindî pagcalimot cay Rizal. Sa taon-tao'y guinagawâ, sa sangcapuluang itó, sa icatatlompô ng̃ Diciembre, ang pag-aalaala ng̃ sa canya'y pagbaril, na nalalao'y lalò namang naguiguing dakilà. Sa Maynilà at sa mg̃a bayanbayan ay may mg̃a itinayong Escuela Rizal, Instituto Rizal, Colegio Rizal, Liceo Rizal, Ateneo Rizal, Restaurant Dimas Alang, Cinematógrafo Rizal, Orquesta Rizal, Club Rizal, at may mang̃a nagbibilí naman ng̃ Relój Rizal, Tela Rizal, Cronómetro Rizal, Botones Rizal, Tabaco Rizal, Zapatos Rizal, Fósforos Rizal; Papel Rizal, sa lahat ng̃ bahay ng̃ bawa't may damdaming filipino'y may larawan ni Rizal; pinang̃alanang Rizal ng̃ Gobierno ang isá sa mg̃a lalong malalaking lalawigan dito Filipinas, ang lalong caraniwang gamiting sello ng̃ Correong dalawang céntimo ang halagá ay larawan ni Rizal ang naroroon; ang cay Rizal ding larawan ang na sa billete ó papel na gastahing dalawang piso ang halagá, na siyang lalong laganap; ano pa't masasabing saan man sa lupaíng itó'y walang nariring̃íg at walang namamasdan cung dî si Rizal ... Ang mg̃a cuhiláng sa canya'y nagpapatay at cahi't patay na'y canilang pinagtataniman pa, baga man lihim at dî maihayag, napipilitang gamitin ang sello ng̃ Correo ni Rizal, ing̃atan ang billeteng dalawang piso ni Rizal ... Iyan ang waláng catapusáng ng̃itng̃ít na parusa sa may pusaling budhî!...

Inilagdâ co ang maiclíng casaysayan ng̃ buhay ni Rizal, sa pagca't uliráng maningning na mapanghihinularan ng̃ lahát sa pagsinta sa kinaguisnang bayan at sa capowâ tao, sa pagsisicap sa pag-aaral at sa calinisan ng̃ asal. Ang nagawâ niya'y ¿bakit hindî magagawâ ng̃ bawa't filipino?

Pinagsicapan cong isinawicà natin ang canyang mg̃a kinathang Noli me tangere at Filibusterismo, at isasatagalog co rin ang canyang mg̃a tulâ at iba pang canyang mg̃a sinulat sa pagca't ang lahat ng̃ iya'y siyang matibay na haligui ng̃ cagalanggalang na sambahan ng̃ ating mg̃a calayaan at casarinlang canyang pinagpilitang itayô sa catigastigasang bató ng̃ pagsintang maalab at dalisay sa kinaguisnang lúpà, sa pamamag-itan ng̃ canyang macapangyarihang ísip.

Ang Noli me tangere at ang Filibusterismo'y ilaw na maliwanag na pumapatnugot sa mg̃a filipino sa lacbaying cahiraphirapan at mapang̃anig na pagtatamó ng̃ casarinlang minimithî. Cay Ibarra-Simoun at cay Elías ay mamamalas natin ang pagsintang tunay sa cagandaganhang lupang kinakitaan natin ng̃ unang liwanag; cay Don Rafael Ibarra at sa canyang anác na Crisóstomo'y ang pag-uusig ng̃ mg̃a tacsíl sa bawa't may magandang cálolowa; cay Cápitán Tiago'y ang taong walang malay nalulugso ang puri dahil sa pagca mapaniwalaín sa hiduwang pinasasampalatayanan ng̃ mg̃a gumagamit ng̃ religión ni Cristo upang madayà ang sangcataohan; sa ina ni María Clara'y ang babaeng ibinulid sa bang̃in ng̃ carumaldumal na cahalayan ng̃ nanumpang magpapacalinis ng̃ calolowa't catawan hanggang nabubuhay; cay María Clara'y ang dalagang pinagmunglaymunglay ang púsò ng̃ tunay na amáng nagpapangap na "cahalili ng̃ Dios" at ang kinasapitang calaguimlaguim ng̃ cahabaghabag ng̃ kinúculong hangang nabubuhay sa dì umano'y ligpitan ng̃ mg̃a esposa ng̃ Dios; sa mg̃a fraileng si párì Dámaso, si párì Sibyla at si párì Salví, ang malulupít at casuclamsuclam na caugalîan ng̃ mg̃a táong may catungculang mahigpít na magpacabaít at magpacalinis ng̃ asal; cay filósofo Tasio'y mapaguunawà ang casakitsakit na cahang̃aláng naghaharì sa mg̃a filipino; cay cabesang Talés ay ang táong ipinahamac ng̃ malupít na pag-uusig ng̃ magpacailan ma'y caaway ng̃ mg̃a filipino; cay Dr. Pasta ay ang larawan ng̃ mg̃a pantás na walang pinagsisicapan cung di ang canyang sariling cagaling̃an at iyayaman; cay Doña Consolación at cay Doña Victorina'y ang mg̃a babaeng hang̃al at halíng na siyang unaunang nagpapahirap ó cumucutyà sa mg̃a calahì, dahil sa sila'y kinasama ó naguing asawa nang líping dito'y nacapangyayari; cay Sisa'y ang cahabaghabag na babaeng pinahirapan hangang sa masirà ang ísip at mamatay ng̃ mg̃a tampalasang may budhing halimaw; [LXXV]sa isáng salita'y bawa't talata ng̃ Noli me tangere at Filibusterismo'y palatuntunang maningníng sa pamumuhay dito sa Filipinas, palibhasa'y casaysayan nang catotohanang mg̃a nangyari at nangyayari pa sa mg̃a lupaíng ito. Sa alin mang bahay ng̃ tunay na filipino'y hindî dapat mawalâ ang dalawang librong iyon at salaminíng laguì ang buhay ni Rizal, at sa araw na gawíng patnubay ng̃ cafilipinuhan ang buhay ni Rizal, at gamiting palatuntunan ang Noli me tangere, ang Filibusterismo at iba pang mg̃a casulatan ng̃ "Martir sa Luneta", sa araw na iyo'y macahihiyaw na tayong lahat, na ang Filipinas ay ligtas na sa lahat ng̃ caalipnan, at ang lupaíng ito'y siyâng pangulo sa dang̃al sa boong casilang̃anan, lowalhating sa sancapuluang ito'y mithî ni Rizal, Andres Bonifacio, Marcelo Hilario Del Pilar, ng̃ yutayutang mg̃a filipino at ng̃ abang si

PASCUAL H. POBLETE.

Decorative motif

G. Saturnina Rizal ni Hidalgo ó  Neneng Rizal Capatíd na matandâ ng̃ Dr. Jose Rizal, at casalucuyang nagpapalimbag ng̃ "NOLI ME TANGERE" at "FILIBUSTERISMO." SA WICANG TAGALOG, Imp. de M Fernández, Paz 447, Sta. Cruz.

MGA TALABABA:

[1] Marami ang tumatawag ng̃ Silang̃an sa Laguna.

[2] Indio ang tawag ng̃ mg̃a castilà at ng̃ mg̃a mestizong castila sa tunay na lahing malayo.

[3] Táong may dunong.

[4] Táong-hayop.

[5] Ang catumbas ng̃ casabihang ito sa wicâ natin ay yaong: Ang naghahanáp sa wala, ay baliw ang cahalimbawa.

[6] Escultura: ang paggawâ ng̃ ano mang larawang bató ó cahoy.

[7] Ang paglúlan. (Pagpupuri sa mg̃a sasacyángdagat ni Magallanes.)

[8] Nagtátamo ng̃ dilág ang Inang Bayan sa pamamag-itan ng̃ dunong.

[9] Capisanang humahatol ó nagpápasiya.

[10] Ang pagpupulong ng̃ mg̃a dios.

[11] Sa tabi ng̃ Pasig.

[12] Casulatang inilalathálà sa pamahayagan.

[13] Pag-ibig sa tinubuang lúpà.

[14] Ang Diariong Tagalog ang caunaunahang pámahayagang wicang castílà at wicang tagalog na inilathálà sa araw-araw. Sapagca't ng̃ panahóng iyo'y inuusig ang sino mang filipinong nagpapakita ng̃ pagcamalulugdín sa mg̃a calayaan; inilagáy na ang namamatnugot sa Diariong Tagalog ay ang castilang si Don Francisco Calvo Muñoz, na Administrador ng̃ Rentas Estancadas; ng̃uni't ang tunay na sumusulat ay si G. Marcelo Hilario del Pilar at si G. Pascual H. Poblete. Tumutulong ding madalás si G. José Cuaderno.

[15] Hucóm na humahatol ng̃ mg̃a nauucol sa sinasampalatayanan.

[16] Hada: Hiwagang babae na ng̃ panahong una'y pinaniniwalaan ng̃ mg̃a europeo.

[17] Ang hindi tulâ, ang tuloytuloy na pananalitâ.

[18] Si Codro ang hulíng hárì sa Atenas at inihayin sa kinamulatang bayan ang canyáng buhay.—Leonidas, hárì sa Esparta na nagsangaláng ng̃ daang Termópilas, sa pamamag-itan ng̃ tatlong daang tao, laban cay Jerjes.

[19] Panghihimagsic ang itinagalog ng̃ ibá sa salitáng revolución, na tila hindî angcáp, sa pagca't dito'y ang sinasabing revolución ay ang bagong pagpapalacad ng̃ isang bayan ô nación.

[20] Calacaráng tadhánà ng̃ May-Capal sa lahat ng̃ canyáng linikhâ.

[21] Malayang mag-ísip, na ano pa't hindî sumasampalataya cung dî sa masasabing parang nakikita at nahihípo.

[22] Ang ayaw sumampalatayang may Dios.

[23] Ang napapanig sa "partido políticong ang sinusunod na palatuntuna'y ang pagsasangalang at paglalaganap ng̃ lahat ng̃ mg̃a calayaan.

[24] Tinatawag sa políticang "clerical" ang "partido" ó ang taong ang sinusunod na palatuntuna'y ang pagsasangalang sa lahat ng̃ mg̃a sacerdote, sa pinasasampalatayanan ng̃ mg̃a sacerdote at sa icaguiguinhawa at icauunlac ng̃ mg̃a sacerdote.

[25] Ang napapanig sa "partido republicano" na ang sinusunod na palatuntuna'y ang mg̃a naucol sa pagtatayo ng̃ "república" at sa mg̃a pamamahala ng̃ bayan sa bayan sa icagagaling ng̃ bayan din.

[26] Ang mg̃a capanig sa partidong nagpupumilit na si Don Cárlos de Borbón, na caíbigan ng̃ mg̃a fraile at ng̃ lahat ng̃ mg̃a sacerdote, ang siyang maguing hari sa España.

[27] Ang cabooan ng̃ isang samahan ng̃ mg̃a táong nagcacaisa ng̃ pasiya tungcol sa inaacala nilang lalong magalíng na pamamahala at pamiminuno sa bayan.

[28] Ang halos na sa calaguitnaan ng̃ sangcalupaan.

[29] Brindo ang na sa, wicang castílà; galing sa wicang brindar, na ang cahuluga'y ang pag-inóm ng̃ alac na tandâ ng̃ paghahang̃ád ng̃ icagagalíng ng̃ pinag-aalayan.

[30] Walang tunay na catumbás sa wicang tagalog ang wicang castilang Patria, na ang cahuluga'y tinubuang bayan, tinubuang lúpà, sariling bayan, sariling lúpà, kinaguisnang bayan at iba pa.—Paunáwà ng̃ tumagalog.

[31] Hiwatigan ng̃ bumabasang hindî tinatawag ni Rizal na "Inang-Bayan." Catutubong pang̃alan ang "Inang Bayan:" ang sabing "Inang España'y" pang̃alang kinaugalian lamang, (gaya ng̃ pagtawag ng̃ mg̃a musmós sa hindî tunay na iná: Nanay Andang, nanay Liling at iba pa). Paunawâ ni W.E. Retana.

[32] Caraniwang cublihan.

[33] May tiníc na cahoy na inilalagáy sa landás at ng̃ mahadlang̃án ang lacad ng̃ nang̃agcacabayong sundalo.

[34] Patibóng na pang-húli sa caaway.

[35] Bacod na malakíng cahoy.

[36] Bacod na malalakíng cahoy na pataguilíd.

[37] Palatuntunang nagtatadhanâ ng̃ mg̃a hábà ng̃ mg̃a cublihan.

[38] Mangagamot sa matá.

[39] Isinatagalog co na ang tulang itó at gayón din ang El embarque, Por la educación, A la juventud filipina, ang zarzuelang Junto al Pasig, ang El Consejo de los Dioses, at iba pa at ipalilimbag cong calakip ng̃ librong BUHAY NI RIZAL na aking sinulat. Pascual H. Poblete.

[40] "Tulisán sa dagat" ang tunay na cahulugan sa tagalog ng̃ wicang castílang "filibustero", ayon sa "Diccionario de la lengua castellana" na gawâ ng̃ "Real Academica Española"; ng̃uni't dito sa Filipinas ay binigyan ng̃ mg̃a castílà ng̃ ibang cahulugan. Tinatawag dito nilang "filibustero" ang filipinong ayon sa mg̃a sapantáhà nila'y nag-aacalang lumabag at maglugso ng̃ capangyarihan ng̃ España sa sangcapuluang ito at ng̃ macapagsarili. Pinag-uusig ng̃ gobierno ng̃ castílà ng̃ catacot-tacot ng̃ panahong iyon ang bawa't filipinong mapaghinalaang may budhíng "filibustero". Cung sabihin ng̃ mg̃a di marunong ng̃ wicang castila'y "plibastiero."

[41] Capulung̃ang lagui ng̃ pagsisiyasat ng̃ lahat ng̃ mg̃a limbag. Cautusan dito ng̃ panahon ng̃ Gobierno ng̃ España, na ang lahat ng̃ mg̃a limbag at ipinalilimbag upang ilathálà, gaya ng̃ mg̃a libro at mg̃a pamahayagan, ay paraanin muna sa "Comisión Permanente de Censura." Pinarurusahan ng̃ mabigat ang sumuay sa cautusang ito. Naboboo ang sinabi ng̃ Comisión ng̃ mg̃a fraile at mg̃a castílà.

[42] Ang tinatawag niya ritong Bayang sarili ay ang España.

[43] Ang mg̃a cagawad ó cawaní ng̃ gobierno.

[44] Si Costa'y castílâ.

[45] Capón.

[46] Pantás na castílâ.

[47] Ang mairuguin sa lahát ng̃ bagay na nauucol sa Filipinas.

[48] Sa laking pag-guiliw ni Blumentritt sa Filipinas ay pinang̃alanan ang isang anac niyang babae ng̃ "Loleng" at ang inuugali niya at ng̃ caniyang mg̃a anac ay ang asal ng̃ mg̃a filipinong may pinag-aralan. Maraming di ano lamang ang mg̃a librong sinulat ni Blumentritt tungcol sa Filipinas at ang isa sa mg̃a librong ito'y ang "Diccionario Etnográfico de Filipinas."

[49] Psicologia: isang bahagui nang Filosofía na nagsasaysay ng̃ nauucol sa calolowa at sa canyáng mg̃a sancap at mg̃a gawâ.

[50] Antropólogo: ang pantas na nacatatalos ng̃ carunung̃ang Antropología, na kinapapalamnan ng̃ mg̃a nauucol sa catawan at caasalan ng̃ tao.

[51] Bawat siglo'y may isang daang taon.

[52] Casaysayan ng̃ mg̃a nangyari.

[53] Ang binábanguit dito'y ang pagsasan galang ng̃ mg̃a filipino sa capangyarihan ng̃ mg̃a francés sa pakikibaca sa Conchinchina, sa utos ng̃ España.

[54] Datìng sacóp ng̃ España ang Borneo, na ng̃ayo'y tinatawag ni North British Borneo; ng̃uni't sa capabayâan ng̃ Gobierno ng̃ España'y napalipat sa capangyarihan ng̃ Inglaterra.

[55] Inaanyayahan co ang lahat ng̃ mg̃a cababayang cami'y magtayô ng̃ isáng capisanang ang pamagát di'y Liga Filipina. Ang súsunding palatuntunan sa capisanang ito'y ang Estatutos ó Palatuntunan ng̃ Liga Filipinang itinayô ni Rizal na isinatagalog co ng̃ayon. Bawa't sang-ayon dito sa aking anyaya'y macasusulat sa akin dito sa daang Misericordia blg. 123, bayang Sta. Cruz, Maynílà. Cung marami, ang tanggapin cong pagsang-ayon tatawag acó ng̃ malakíng pulong at ng̃ macapaghalal ng̃ mg̃a púnò at iba pang kinacailang̃ang gawin. Totoong mahalagá ang magcaroon ang mg̃a filipino ng̃ ganitong capisanan ...Pascual H. Poblete.

[56] Ang sabing "hotel" ay ipinang̃ung̃usap na Otel. Wicang francés na ang cahulugan ay tahanang sarili, at cung minsan nama'y bahay na tumatangap na tumúloy at magpacain sa canino mang nagbabayad. Sa wicang castila'y "hostería" ú "hospedería".

[57] Ang mg̃a caisipang nauucol sa pamamahalà ng̃ bayan.

[58] Ang cahulugan ng̃ sabing Pilato ay "lalaking may sandatang palasô." Ang pang̃alan niya'y Poncio at apellido ang Pilato. Nang panahong yao'y siya'y Presidente ó Procurador sa Judea, catungculang guinanap niya ng̃ sampong taon, ng̃ panahong harì si Tiberio. Nang magpasimulâ si Juan Bautista ng̃ pang̃ang̃aral, ang gobernador sa Judea ay si Pilato. Sinasabi ni San Lúcas, na ang isá sa mg̃a guinawâ ni Pilato ay ang pagpatay sa iláng mg̃a taga Galilea, at inihalò ang canilang dugô sa mg̃a hayin niya sa canyang kinikilalang mg̃a dios. Sa isá sa mg̃a fiestang maraming mg̃a judío ang napasasa Jerusalem, nagpasimulâ ang iláng mg̃a galileo ng̃ panghihimagsic na laban sa pamunuan, sa loob ng̃ templo, cagagawang pinutol sa pagpapatay sa mg̃a namiminunò sa gawang iyon.

Talastas na ng̃ lahát cung ano ang mg̃a cagagawan ni Pilato tungcol cay Jesús, cayâ hindî co na sasabihin dito.

Nang makaraan ang isang taón mulâ nang mamatay si Cristo, ang mg̃a judio'y nang himagsic cay Pilato, dahil sa pagcagamit nito sa mg̃a cayamanan nang templo, upang may maipagpagawa nang isang páagusan nang tubig. Napilitan si Pilatong payapain ang panghihimagsic na iyon sa pamamag-itan nang mg̃a sandata. Ang mg̃a catampalasanan ni Pilato sa mg̃a samaritano ay siyang pumilit sa mg̃a tawong ito na magsacdal cay Vitelio, prefecto sa Syria. Ang naguing hatol nito'y alisan si Pilato ng̃ catungculan at ipadala sa Roma, at doon nama'y pinarusahan siya nang hatol na ipatapon, Lucas III. 1; XIII. 1; Mateo XXVII; Marcos XV; Lucas XIII; Juan XVIII. 28; IX; Tingnan "Ang gawa ng̃ mg̃a apostol" III. 13; IV. 27; XIII. 28. 1.a Timoteo VI. 13; Flav, Josefo, Antig. lib, XVIII, c. II-IV.

[59] Si Anan ó Anas ay anac ni Seth, Sumo Pontífice nang mg̃a judío, at bianan ni Cayfas, na siyang caacbay niya sa pagcapapa. Nang hulihin si Jesús ay dinalá muna ito sa bahay ni Anas.—Lucas III. 2; Juan XVIII; 13.

Sa pagca't siya ang pang̃ulong punò ng̃ mg̃a sacerdote, siya ang nang̃ulo sa pulong na pinagdalhan sa mg̃a apóstol ni Jesús, upang sa canila'y ipagbawal ang pagpapatuloy ng̃ pang̃ang̃aral.—Hechos IV. 6. Sinasabi ni Josefo, na si Anas ay inihalal na Sumo Pontífice ni Cyrenio, gobernador sa Judea, at siya ang inihalili cay Joaron na binawian nang mataas na catungculang iyon. Si Anás naman ay inalisàn nang catungculan ni Valerio Grato, procurador nang Judea, na inihalal ni Tiberio Neron, at ang inihalili sa caniya'y si Ismael, na anac ni Phabi.—Joseph. Antiquit lib. XXVIII cap. II.

[60] Si Caiphas na ang apellido'y Joseph ay manugang ni Anás at Sumo Pontífice ring gaya nito. Sa bahay ni Caiphas linibac, siniphayò, sinampal at hinatulang mamatay si Jesús. Sinasabi ni Josefo na si Caiphas ay inalis sa pagcapontífice ni Vitelio. Lib. XXVIII Cap. IV.

[61] Mang̃a pantàs na tagalagda ó tagasulat nang mang̃a cautusan.

[62] Isá sa mang̃a secta nang mang̃a judío. Ang mang̃a napapanig sa sectang ito'y humihiwalay sa abang tawo, sa pag-aacala nilang sila ang lalong banál at marunong cay sa iba.

[63] Ang Joseph na ito ay tubò sa Arimathea, isáng maliit na bayang ng̃ una'y tinatawag na Ramlet, na na sa lupaíng naguing pag-aarì ng̃ tribu ni Dan, sa dacong hilagaan ng̃ Lydda. Nananahan si Joseph ng̃ panahóng yaon sa Jerusalem, sa pagca't doo'y may mg̃a lupà siya at bahay, at siya'y lihim na alagad ni Jesucristo, na cawang̃is naman ng̃ maraming mayayamang tagaroon. Ng̃ mamatay si Jesús sa Cruz, humarap si Joseph cay Pilato, sa pag-asa niyang siya'y caaalang alang̃anan, dahil sa siya'y Senador at tawong mayaman, at canyang hining̃î ang bangcay ng̃ Màrtir sa Gólgota, na canyang pinahiran ng̃ gamot at pabang̃ó, na ang casama niya'y si Nicodemo, at ang bangcay ni Cristo'y inalibing niya, na ang catulong niya'y ang sinabi ng̃ si Nicodemo, sa isang yung̃ib, na na sa lupaing canyang pag-aari, na hindi nálalayò sa pinagpacuan cay Cristo. Hindì co masabi cung ano ang kinahinatnan nang banal na si Joseph sa pagca't walang sinasabi tungcol sa canya ang mg̃a Evangelio at "Ang mg̃a gawa ng̃ mg̃a apostol."—Mateo XXVII. 75; Marcos XV. 42 Lucas XXIII. 50; Juan XIX, 37.

Ang cahulugan nang pang̃alang "Nicodemo" ay "dugong walang sala." Capanig nang panahong iyon si Nicodemo sa secta nang mg̃a fariseo, siya'y príncipe nang mg̃a judío at alagad na lihim ni Jesucristo. Isang gabí ay nakipagkita siya cay Jesús at sila'y nagsalitaan ng̃ mg̃a bagay na mahahalagá. Itinuro sa canya nang dakilang Maestro ang pang̃angaìlang̃ang magbagong buhay ayon sa tacdâ nang Espíritu Santo, sa pamamag-itan nang pananampalataya sa Anac nang Dios, na ipinagcaloob sa sanglibutan at nang magtamó ng̃ walang hangang buhay ang lahat ng̃ sa caniya'y sumampalataya. Ang naguing bung̃a ng̃ pagsasalitaan nilang ito'y ang pagbabalic loob ni Nicodemo, na mulâ niyao'y naguing alagad ni Jesús, cahit sa lihim, bagay na anaki'y pinagcacakilalanan ng̃ cahinaan ng̃ canyang pananampalataya sa Mananacop. Walang ibang sinasabi sa Evangelio tungcol sa canya cung di ang canyang pagsasanggalang cay Jesús ng̃ ito'y ibig sanang dacpín ng̃ mg̃a fariseo isang araw. Ng̃ mamatáy sa Cruz si Jesús, nagdalá si Nicodemo ng̃ sandaang librang nagcacahalong "mirra" at "áloe" at ng̃ siyang mailagay na pabang̃o sa catawan ng̃ Mananacop, bagay na guinawâ niya sa tulong ni Joseph na taga Arimathea. ¿Ano ang naguing buhay ni Nicodemo pagcatapos? Hindi co masabi, sapagca't walang sinasaysay sa bagay na ito ang mg̃a Santong Casulatan. Juan III. 1-21; VII. 500 at XIX. 39.

[64] Matibay na carretóng may apat na gulóng, na guinagamit ng̃ mg̃a hucbó ó ng̃ mg̃a ferrocarril.

[65] Isang instrumento ng̃ música na may mg̃a cuerdang tansô na guinagamit ng̃ unang panahon.

[66] "La Independencia" ng̃ ica 4 ng̃ Noviembre ng̃ 1898.

[67] Ang isáng Nación ó ang isáng caharîan.

[68] Tinatawag na "indio" ang inianác sa India, ayon sa "Diccionario de la Lengua Castellana" na gawâ ng̃ Real Academia Española; datapowa't ang cahulugang bigay ng̃ mg̃a castilà at ng̃ mg̃a lahing castilà sa sabing "indio" ay ang táong dalisay na filipino, na ipinalalagay nilang cutad ang isip, imbî at hindî marunong magmahál sa sariling dang̃al.

[69] Isáng lupaíng maláyò sa nacasasacop na Nacióng nacalupig.

[70] Ang pagsulong sa ano mang cagaling̃an, sa halimbawà: ang pagsulong sa dunong, sa gandá ng̃ caugalian, sa calayâan, sa caguinhawahan at iba pa.

[71] Ang pinaghihinalâang gumawâ ó gumagawâ ng̃ ano mang casamâan: sa maiclíng sabi, ang "hinalain".

[72] Sipì sa La Voz Española na pinamamatnugutan ng̃ lubhang catoto ng̃ mg̃a fraileng castilang si Don Joaquín Pellicena y Camacho, ng̃ ica 30 ng̃ Diciembre ng̃ 1896.

[73] Iba ang umaahit ng̃ balahibo ng̃ tupa, at iba ang nagtátamong dang̃al, samacatuwid baga'y madalas na iba ang napapaghinalaan ng̃ mg̃a cagagawan ng̃ ibá.